Chapter 3
"DADDY! Look! She's really perfect! Ang pretty rin niya, 'di ba?" Ipinakita pa nito ang mga printed pictures ni Riley sa kanya. "Oh, God! Nakapasa siya sa experiment ko! Ang saya-saya ko!"
Nahilot na lang ni Aiden ang kanyang sintido dahil sumasakit ang ulo niya sa paulit-ulit na sinasabi ng kanyang anak. So, that was his daugther's plan. Ang magpanggap siyang taong-grasa para malaman kung may tutulong at magmamalasakit sa kanya. Kahapon nang tinawagan niya ang kanyang anak na payag na siyang gawin ang experiment nito ay hindi niya inakala na agad-agad pala ang acting na gagawin niya.
Ipinaayos siya ni Charlotte para pagmukhaing taong-grasa. Magmula sa props niyang sako at butas-butas na damit hanggang sa paglalagay ng kung anong maitim sa balat niya. Ang buhok niya na kulot-kulot ay wig at ang ngipin niyang nangingitim at sungki-sungki ay pustiso lang. Matapos nga siyang ayusan ay halos hindi niya nakilala ang sarili dahil sa total make-up transformation.
Habang nasa biyahe sila ng kanyang anak ay sinabi na nito ang script na dapat niyang sundin para maging kapani-paniwala ang acting niya. Ibinaba siya nito sa malalapit na fast food restaurant at hotel. Pero wala man lang pumansin sa kanya. Sa totoo lang dapat siyang matuwa dahil magiging negative itong experiment na pinapagawa ng kanyang anak pero hindi rin niya maiwasan na kaawaan ang sarili.
Alam niya na acting lang ito at sandali lang niyang gagawin pero tumatak sa isip niya itong nangyari. Kung itong pagpapanggap pa lang niya ay nahihirapan na siya, ano pa kaya ang mga taong nasa totoong sitwasyon niya? Siguradong triple ang hirap ng mga ito. Ipinagpatuloy lang niya ang pag-arte hanggang sa napunta siya sa may sa paradahan ng tricycle malapit sa may McDo. Balak niya sana na doon na lang mag-abang ng Good Samaritan.
Hindi naman siya nabigo dahil may nagmalasakit sa kanya. It was Riley Marie Concepcion.
Hindi siya nagpakita ng mukha rito. Alam niya kasing makikilala siya nito kapag nagtagal kaya kinuha niya agad ang pagkain at umalis sa lugar na 'yon.
Pero paano ako makakabawi sa kanya? Mayabang ang tingin niya sa akin at hindi pa maganda ang una naming pagkikita.
"Dad, I want to know her personally! Please?"
Binalingan niya ang anak. "Gusto mo ba talaga siyang makilala?" Masayang tumango si Charlotte. "Kung gano'n ay hayaan mo munang makipagkilala ako sa kanya nang maayos."
"What do you mean?"
"Hindi maganda ang una naming pagkikita," pagkasabi niya niyon ay nangislap ang mata ng kanyang anak at akmang magsasalita pero inunahan niya ito agad. "Yes, nakilala ko na siya. Isa siya sa mga factory worker na nawalan ng trabaho noong binili ko ang lupa ng factory na pinagtatrabahuan niya. So, dahil doon nagalit siya sa akin."
"Bakit hindi ka mag-sorry?"
"Well, darating tayo dyan. Anyway, hayaan mo munang kaibiganin ko siya saka ko siya ipapakilala sa 'yo, okay?"
Napipilitan na tumango si Charlotte.
_____
"ATE, pre-final exam na pala namin next week. Kailangan ko nang bayaran 'yong remaining balance ko para makapag-exam ako."
Napalinga si Riley sa kapatid na si Maru. Oo nga pala, kailangan na niyang bigyan ito ng pang-pre-finals. Napatingin siya sa kinukwentang pera. Saktong-sakto na ang hawak niyang pitong libo para pambayad ng kuryente, tubig, upa sa bahay at pagkain nila. Wala na siyang maibibigay dito.
"Maru, pasensya na, ha? Sakto na kasi itong kinuwenta ko. Wala akong maibibigay na pang-pre-finals mo," mababa ang boses na sabi niya. "Mag-promisory note ka na lang muna. Puwede naman 'yon, 'di ba?"
"Eh, Ate, nakadalawang promisory note na ako. Kailangang magbayad na ako kahit pre-finals lang kasi hindi ako pag-e-exam-in ng prof ko."
Napabuntong-hininga si Riley. "Next week pa naman ang exam niyo, 'di ba?" Tumango ang kapatid niya. "Bago matapos ang linggo na ito ay bibigyan na kita ng pambayad. Uutang muna ako sa ka-trabaho ko para may pang-exam ka, okay?"
Napatitig sa kanya ang kapatid at tumabi sa kanya. "Ate, sabihin mo lang sa akin kung nahihirapan ka nang pag-aralin ako. Puwede naman akong huminto muna para magtrabaho rin tapos mag-iipon ako hanggang sa makapag-aral ulit ako."
Napangiti si Riley saka inakbayan ang kapatid. "Sino naman ang may sabi na nahihirapan ako? Hindi ko 'yon nararamdaman lalo na kung para naman sa 'yo itong ginagawa ko. Naalala mo ba noong sinabi ko na kahit anong mangyari ay pagtatapusin kita? Tayong dalawa na lang ang magkaramay, wala nang pakialam ang iba nating kamag-anak kaya tayo lang ang magtutulungan. Saka ipinangako ko noon sa puntod ng mga magulang natin na pag-aaralin kita, saka sinabi mo na mag-aaral ka nang mabuti, 'di ba? Iyon ang mahalaga sa 'kin."
"Pero uutang ka na naman kasi. Hindi ba't kakautang mo lang din noong nakaraang buwan?"
"Oo nga pero nabayaran ko na 'yon kaya puwede na ako ulit umutang."
Natawa si Maru. "Parang may sariling bank account ka lang, Ate."
"Hindi naman. Anyway, pumasok ka na. Basta, ako na ang bahala sa pang-pre-finals mo, okay?"
Tumango lang si Maru at lumabas na ng bahay. Pagkasara ng pinto ay pinakawalan niya ang malalim na buntong-hininga. Wala siyang mahihiraman na pera ngayon. Hindi pa niya nababayaran ang utang kay Toneth, noong nakaraang buwan pa iyon at talaga namang nahihiya na siya dito. Hindi man siya nito sinisingil ay nakakahiya pa rin.
Lord! Saan naman kaya ako kukuha ng pang-tuition ngayon?
Sa katapusan pa ang sweldo niya. Hindi naman siya puwedeng magpa-advance ng sweldo kasi nagawa na niya iyon noong nag-prelim si Maru. Lihim na lang niyang nahilot ang sintido.
Nag-ayos na siya ng kanyang sarili para pumasok sa trabaho. Pang-hapon ang shift niya at mamayang alas-dies ng gabi ang uwi niya. Ang kapatid niya ang maiiwan dito mamaya pero nabilinan na niya ito ng dapat gawin.
Habang nasa biyahe ay iniisip niya kung saan kukuha ng pera pang-pre-finals ng kapatid. Hindi naman puwede sa kamag-anak nila, baka kung ano pa ang sabihin kesyo karma kasi nilayasan nila ito noon.
Hinding-hindi ako lalapit sa kanila. Sabihin nang mataas ang pride ko pero mula nang maltratuhin nila kami ay pinangako kong hindi ako lalapit sa kanila.
Ilang sandali pa ay nakababa na siya ng bus, kailangan pa niyang lakarin ang papunta sa may terminal ng jeep. Madadaanan niya ang dating kinatitirikan ng factory na ngayon ay hindi na kakikitaan ng anumang bakas dahil halos buo na ang exterior design niyon.
Pula ang pangunahing kulay at kino-contrast ng kulay ginto. May malaking pangalan ng restaurant ang nandoon sa pinakagitna ng gusali. La Cusinas. Nakita na niya ito noon sa SM Fairview pero hindi pa nga lang siya nakakapasok doon.
"Hey, its you."
Napaigtad sa gulat si Riley. Hindi niya napansin na nasa likod na pala niya si Mr. Salvador.
"Yeah, its me again," hindi niya mapigilan ang maging sarcastic. "Aalis na ako, Mr. Salvador."
"Aiden, call me by my name, Riley."
Napakurap si Riley. Paano nito nalaman ang pangalan niya?
"Alam kong nagulat ka dahil alam ko ang pangalan mo pero huwag ka matatakot, okay?"
"At bakit ako hindi matatakot sa 'yo? Alam mo ang pangalan ko tapos—"
"I'm sorry."
Natigilan sa ibang sasabihin si Riley nang bigla itong mag-sorry. Para saan naman ang pagso-sorry nito?
"I'm sorry dahil binili ko ang lupa na kinatitirikan ng factory na pinagtatrabahuan niyo. Alam ko na naging selfish at greedy ako. Alam ko rin na nagawa kong maliitin kayo pero puwede mo naman ako patawarin, 'di ba?"
Mas lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Riley. Ano bang nangyayari sa lalaking ito? Nasasapian ba ito? May sakit? Bakit bigla itong nag-so-sorry? Magugunaw na ba ang mundo?
"Puwede ba tayong maging magkaibigan?"
Kinuha nito ang kamay niya at bahagyang pinisil. Parang napapaso na ipinagpag niya agad ang kamay palayo sa kamay ng lalaking ito. Diyos ko! Habang tumatagal na kausap niya ang lalaking ito ay pa-wirdo nang pa-wirdo ang nangyayari. Saka hindi siya sanay sa ganito!
"A-aalis na ako," parang may nakakahawang sakit na tumakbo na siya palayo kay Aiden—este Mr. Salvador. Bakit ba niya natawag sa pangalan ang lalaking iyon? Nahawa na 'ata siya sa kapraningan nito!
_____
HE watched her walked away. Sobrang takang-taka ito sa ginawa niya. Sino ba ang hindi makakaramdam ng gano'n? Bigla na lang niyang inalok ito para maging kaibigan? Nag-sorry pa siya para gumaan ang loob nito sa kanya pero wrong move 'ata iyon dahil mas lalong nagtaka ito sa kanya.
Napailing siya. Hindi siya sanay na lumalapit sa babae. Kahit noong naging asawa niya si Stella ay hindi niya ito niligawan man lang. Basta nakita niya ito sa isang event na dinaluhan niya. Naakit siya agad sa kagandahan nito pero hindi siya ang nagbigay ng motibo, ito ang lumapit sa kanya hanggang sa nakikita na silang magkasama at noong nabuntis niya ito ay nagpasya siya agad na pakasalan ito.
Bakit ba ngayon lang niya na-realize? There was no love between them. Ang alam niya lang noon ay responsibilidad niyang panagutan si Stella. Iyon kasi ang itinatak ng kanyang yumaong ama, dapat na panindigan ang bawat aksyon at desisyon na gagawin. Pamantayan daw iyon ng isang tunay na lalaki.
But after his failed relationship with Stella, tama ba na sundin niya ang sinabi ng kanyang ama? Panindigan na lang niya kahit hindi niya nararamdaman na mahal niya ito? Come to think of it, hindi pa siya nakakaramdam ng pagmamahal sa isang babae. 'Yong tipong hindi siya makakahinga kapag wala sa tabi niya ang babaeng mahal? Noong nalaman niya na pinagtataksilan siya ni Stella ay wala siyang naramdamang sakit sa kanyang puso, 'yong sakit ba ng betrayal na mahal na mahal mo ang isang tao tapos gano'n ang ginawa sa 'yo? Ang tanging naramdaman lang niya noong napatunayan niya ang pagtataksil nito ay galit dahil sa pagtapak nito ng ego niya bilang lalaki.
Aaminin niyang naging mahirap ang unang taon ng paghihiwalay nila. Pero kinailangan niyang harapin ang mga iyon at manindigan na maayos lang ang lahat, para sa kanyang anak iyon.
Napatingala siya sa langit. Bigla niyang naisip, nasaan na kaya ang dati niyang asawa? Hindi sa may nararamdaman pa siyang espesyal para dito pero pitong taon na rin nitong hindi nakikita ng kanyang anak. Ngayon na nakalaya na ito ay wala ba itong balak na magpakita sa kanilang anak?
Siya na rin ang gumawa ng paraan para lumayo ang loob ng anak namin sa kanya.
Nang maalala si Charlotte ay bigla siyang napangiti. Ngayon na lang niya ulit nakitaan nang sigla ang kanyang anak at dahil iyon kay Riley. Kaya gagawin niya ang lahat para maging malapit sila ng dalaga na iyon. Gagawin niya ito para sa anak niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/85435303-288-k480300.jpg)
YOU ARE READING
Sweet Experiment (Approved under PHR)
Romance(Soon to be published) Aiden and Riley