Ginising si Dorcas ng sunod-sunod na katok sa pinto ng silid niya. Naaalimpungatang tiningnan niya ang kanyang alarm clock. Alas-otso na ng umaga. Masyado palang napahimbing ang tulog niya. Mabuti na lamang at araw ng Sabado ngayon kung kaya wala siyang pasok sa PSU.
Tinatamad na bumangon siya mula sa pagkakahiga sa kanyang kama. Napangiwi siya nang maramdaman ang kirot mula sa kanyang lalamunan na dumideretso sa kanyang bibig. Patindi nang patindi ang atake ng kanyang acid reflux. Kung kaya siguradong nangangahulugan ito ng dalawang linggong gamutan.
Humihikab pa na binuksan niya ang pinto. Nagtaka pa siya nang makita si mommy Elaine na nakatayo roon. Hindi ugali ng kanyang ina na gisingin siya kapag ganitong araw na walang pasok. Ang higit na nagpagulat sa kanya ay ang tila pag-aalalang nakarehistro sa mukha nito.
"Mommy?"
Pumasok sa loob ng silid ang kanyang ina at agad na isinara ang pinto nito.
"Dorcas, we need to talk." Nanginginig ang mga kamay na hinawakan siya ni mommy Elaine sa magkabilang braso.
"Tungkol saan, mommy?" Maging siya ay unti-unti na ring nakaramdam ng kaba.
"Saan kayo nanggaling ni Talitha noong isang gabi?"
Napanganga si Dorcas. Hindi ugali ng kanyang ina na tanungin siya kung saan siya pumupunta. Alam niyang may tiwala ito sa kanya at isa pa'y nasa tamang edad na siya. Siguradong may matinding dahilan kung bakit ito nagtatanong ngayon.
Unti-unting gumapang ang kilabot sa kanyang katawan. May alam na kaya si mommy Elaine sa nangyari sa kanila ni Talitha noong isang gabi? Pero sino kaya ang maaaring nagsabi rito?
"Dorcas, there are police downstairs. Hinahanap ka. Suspect ka raw sa pagkamatay ng isang lalaking nagngangalang Richmond Zapanta."
Biglang gumapang ang lamig sa buo niyang katawan. Ipinilig-pilig niya ang ulo sa pag-asang nagkamali siya sa narinig.
There are police downstairs. Hinahanap ka. Suspect ka raw sa pagkamatay ng isang lalaking nagngangalang Richmond Zapanta.
Parang umurong ang kanyang dila. Walang tinig na gustong lumabas mula sa kanyang bibig. Ina pa lang niya ang nagtatanong sa kanya. Paano na kaya kung nasa korte na siya at kaharap ang maraming tao upang idepensa ang sarili?
"Dorcas, tinatanong kita..." Nangangatal ang tinig ni mommy Elaine. Humigpit ang hawak nito sa magkabila niyang braso.
"Mommy..." Sa wakas ay may tinig na lumabas sa kanyang bibig.
"Iyong totoo, Dorcas? Iyong totoo?" Bahagyang tumaas ang tinig ng kanyang ina. Magkahalong galit at takot ang mababakas dito.
"H-hindi ko iyon sinasadya, mommy. Ipinagtanggol ko lang si Talitha at ang sarili ko."
"So, totoo? Totoong pumunta kayo sa bar ng kaibigan mong iyon? Uminom kayo at nalasing, nakipaglandian sa mga hindi kilalang lalaki hanggang sa nabastos kayo at nagawa mo ang isang bagay na ni sa hinagap ay hindi ko akalaing magagawa mo?"
Napamaang si Dorcas. Hindi pa man ay tila nahusgahan na siya agad.
"Hindi totoo ang sinasabi mo, mommy. Binastos nila kami at pinagtangkaang gawan ng masama. Ginawa ko lang ang tama kaysa mapariwara kami ni Talitha sa kamay ng mga ulupong na iyon."
"Paano mo iyan sasabihin sa mga pulis at sa iyong ama? Sige nga. Sa palagay mo ba ay paniniwalaan ka nila?"
"Pero iyon ang totoo, mommy." Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata. May luhang nais nang sumungaw mula roon.
Sunod-sunod na buntong-hininga ang pinakawalan ni mommy Elaine. Halata ang kinikimkim na sama ng loob. "Bakit ka kasi pumunta sa ganoong lugar? Of all places, bakit sa isang bar pa? Pinalaki kita nang maayos, Dorcas. Ang buong akala ko ay matino kang babae."
"Pinilit lang ako ni Talitha na pumunta roon, mommy. That was my first time."
"First time pero nasangkot ka pa sa isang eskandalo?"
"It was an accident, mommy. God knows, I didn't intend to do that. Gustong isakay ni Richmond si Talitha sa kotse nila. Ipinagtanggol ko lang ang kaibigan ko. Kung hindi ko napatay si Richmond, baka si Talitha ang nasa kalagayan niya ngayon."
"Ipinagtanggol mo siya pero ikaw itong nadidiin? Hanggang an g an g ipapahamak ng kaibigan mong iyan? Hindi ba't kagabi lang ay ikinuwento mo sa akin ang nangyari sa party ng bagong president ng PSU? Ayon sa iyo ay nadinig ni Errol Mondego ang inyong usapan ni Talitha at hindi nito nagustuhan ang mga narinig sa iyo? At sa halip na aminin sa lalaking iyon na ideya lahat ni Talitha ang plano ninyong pag-seduce sa kanya ay pinagtakpan mo ang iyong kaibigan at inako mo ang lahat? Dahil doon ay nagkaroon ka ng bad reputation sa mga mata ni Errol at ngayon ay nanganganib ang iyong promotion sa PSU?"
"Ayos lang iyon, mommy. Malalampasan ko iyon. Ang kinatatakutan ko ngayon ay ang pag-uusig ng batas dahil sa krimeng kinasangkutan ko." Garalgal na ang kanyang tinig nang muling magsalita.
Muling bumaba ang tinig ni mommy Elaine. "Dorcas, ano ba itong napasukan mo?"
"Ang inaalala ko ay si daddy, mommy. Baka kung ano ang mangyari sa kanya kapag nalaman niya ito."
"Tulog pa ang daddy mo. Halika, harapin mo na ang mga pulis bago pa magising si Rudy."
Nanlulumong tinungo ni Dorcas ang comfort room na nasa loob ng kanyang silid. Nag-toothbrush siya at naghilamos. Pinalitan din niya ang suot na pantulog. Paglabas niya ng banyo ay naroon pa rin sa silid ang kanyang ina. Niyakap siya nito nang mahigpit bago sila magkasunod na lumabas ng kuwarto.
Ngunit nasa hagdan pa lang sila ay narinig na niya ang malakas na tinig ni Rodante. Nakita niya ito na kausap ang mga pulis sa sala. Napakapit siya sa braso ni mommy Elaine. Sigurado siyang alam na ng kanyang ama kung ano ang sadya ng mga pulis sa bahay nila.
Kung puwede nga lang na maglaho na siya sa mga oras na ito.
YOU ARE READING
Elusive Me (Scandals and Seduction Series Book 2) Self- Published/Incomplete
Romance"I am crazy with love, Errol. I yearn for the comfort of your lustful touch. Your hungry mouth awakens all maiden desire in me until I ablaze wonderfully. I ache for your love, I crave for your soul. Own me forever and never set me free."