Chapter 12.1

9.8K 270 21
                                    


"Dorcas?" Kitang-kita ni Dorcas ang pagkagulat sa mukha ni Talitha nang siya ang mabungaran sa labas ng bahay ng mga ito. Nakatira si Talitha sa middle class subdivision na ito sa bayan ng Zaragosa kasama ng ama at ng kapatid na si Misty, ang bestfriend ng ate Daphne niya.

"Oh, bakit para kang nakakita ng multo?" nang-uuyam na tanong niya.

Nang tinangka ni Talitha na isara ang dahon ng pinto ay malakas niya itong itinulak. Napaurong ang dalaga kung kaya maluwag siyang nakapasok sa loob ng bahay.

Putlang-putla si Talitha. Nangangatal ito sa takot. Mukhang alam na kung ano ang sadya niya.

"D-dorcas, let me explain..." kandautal na wika nito.

Ngunit hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag. Mabilis niya itong sinugod at pinalagapak ang isang palad sa pisngi nito. Napabiling ang babae sa lakas ng pagkakasampal niya.

"Para sa lahat ng pambu-bully mo sa akin," humihingal na sabi niya. Muli niyang pinadapo ang palad sa kabilang pisngi naman nito. "At para naman iyan sa katrayduran mo."

Sa lakas ng sampal niya ay nawalan ng panimbang si Talitha. Natumba ito at tiyempo namang sa sofa bumagsak. Wala itong nagawa kung hindi hagpusin ang namumulang mga pisngi. Tulala at namumutla pa rin.

"Hindi ko alam kung ano ang ikinagagalit o ikinaiinggit mo sa akin, Talitha. Pero isa ang sinisiguro ko sa iyo, you will never see me rot in jail," sigaw niya habang dinuduro ang ngayon ay umiiyak ng kaibigan. Pinigilan niya ang sarili na muli itong sugurin at saktan.

"Patawarin mo ako, Dorcas..." umiiyak na sabi ni Talitha.

"Patawarin? Alam na alam mo kung bakit nahaharap ako sa ganito kabigat na sitwasyon, hindi ba? Ipinagtanggol kita mula sa mga demonyong iyon. Kung alam ko lang...kung alam ko lang na ito ang igaganti mo sa lahat ng sakripisyo ko sa iyo at sa pagkakaibigan natin, sana'y hinayaan na lang kitang mapahamak."

"Tinakot nila ako, Dorcas. Pinagbantaan ng mga Zapanta ang buhay ko at ang pamilya ko. Kinailangan kong mamili..." Walang patid ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ni Talitha.

"Ang kapal ng mukha mong sabihin iyan sa harap ko. Nang nasaksak ko si Richmond alang-alang sa iyo, inisip ko ba ang buhay ko at ang pamilya ko? Hindi, di ba? Dahil mahal kita. Dahil ayaw kong mapahamak ka. Pero ito ang napala ko sa pagpapahalaga ko sa iyo at sa pagkakaibigan natin."

"I'm sorry, Dorcas... I'm really sorry..." Tumayo si Talitha at umakmang lalapit sa kanya ngunit muli niya itong dinuro.

"Huwag kang lalapit. Ni mahawakan mo ay hindi ko papayagan. Kinasusuklaman kita. Tapos na ang pagkakaibigan natin, Talitha. Tapos na ang paniniwala ko na may isang tao akong puwedeng pagkatiwalaan. Babalik sa iyo ang lahat ng ginawa mong ito. Isang araw ay magmamahal ka rin at magtitiwala, ngunit masasaktan ka at mabibigo. You will be betrayed as much as how you betrayed me." Pagkasabi noon ay taas noong tumalikod na siya at lumabas ng pinto. Dinig na dinig niya ang paghagulhol ni Talitha ngunit ni hindi niya ito nilingon.

Saka lang naramdaman ni Dorcas na hilam na rin pala sa luha ang kanyang mga mata. Masakit na masakit para sa kanya na tapos na ang ilang taong pagkakaibigan nila ni Talitha. At pakiramdam niya ay nawala na ang lahat sa kanya. Ang matalik na kaibigan. Ang pagmamahal ng ama. At ang pinangarap na karera.

Tanging si Errol Mondego lang ang natitirang meron siya ngayon.

*****************

"Itinuloy ng pamilya Zapanta ang pag-aakyat ng kasong murder sa iyo," mahinahong sabi ni atty. Austria habang humihigop nang mainit na kape.

Napabuntong-hininga si Dorcas. Narito sila ngayon ng abogado sa isang café. Tinawagan siya nito at sinabing gusto siyang makausap hinggil sa development ng kaso.

May pangamba sa kanyang tinig nang magsalita. "Ano ang susunod na mangyayari, attorney? Babawiin ba nila ang piyansa? Makukulong na ba ako?"

Bahagyang ngumiti si atty. Austria. "Relax. Karapatan ng mga Zapanta iyon. Hayaan lang natin sila. Ire-review pa ng piskal kung may sapat na ebidensya upang iakyat nga ang kaso mo sa murder. Pagkatapos noon ay gagawa sila ng amendment of information saka pa lang nila babawiin ang piyansa mo."

"So ganoon din ang sumatotal? Sa kulungan din ang bagsak ko?"

"Don't worry, miss Vega. Matatagalan pa ang pagpapasya ng piskal. You will still enjoy your freedom."

"Natatakot ako, attorney. Paano nga kung maging murder ang kaso ko dahil sa kagagahan ni Talitha? Mayaman at maimpluwensya ang mga Zapanta. Mukhang gagawin nila ang lahat manalo lang sa kasong ito. Ayokong makulong, attorney."

"Miss Vega, may tinatawag tayong presumption of innocence. Ang paliwanag nito sa wikang Ingles ay "the burden of proof is on the one who declares, not on one who denies". Ang ibig sabihin, kailangang mapatunayan ng prosecution na guilty ka nga sa kasong isasampa o isinampa nila. Sa ngayon, ang tanging gagawin natin ay hintayin kung ano ang magiging pasya ng piskalya saka natin sasagutin ang kanilang mga akusasyon. Pero kung talagang inosente ka, wala kang dapat ikatakot."

Napatango na lang si Dorcas. Ngunit sa sulok ng dibdib niya ay naroon pa rin ang agam-agam.

"May sasabihin ka pa ba, attorney? Baka sobra na kitang naaabala?"

Bahagyang umubo ang abogado bago muling nagsalita. "Huwag mong mamasamain ang sasabihin ko, miss Vega. Pero palagay ko ay dapat mong mag-ingat ngayon. Kilala ko ang pamilya Zapanta, lalo na si don Ramon Zapanta. Hindi titigil iyon hangga't hindi nakagaganti sa iyo."

Napamaang siya. Diyata't may panibago siyang problema ngayon? "A-ano'ng ibig mong sabihin, attorney?"

"Kailangan mo munang magtago hanggang hindi natatapos ang kasong ito."

"Seryoso, attorney?"

"Oo."

"My God," bulalas niya. "Hindi ako isang kriminal upang magtago. Suspect pa lang ako."

"Tama ka. Pero kailangan nating siguruhin ang kaligtasan mo."

"At saan naman ako pupunta? Wala akong alam na lugar para pagtaguan. Isa pa ay wala akong pera na pangtustos sa letseng pagtatago na iyan." Hindi naitago ni Dorcas ang inis.

"May lugar na gustong i-alok sa iyo ang taong tumutulong sa iyo," kaswal na sabi ni atty. Austria.

"Sino ba siya talaga, attorney? Noon pa ako naiintriga sa kanya. Bakit ba ayaw niyang magpakilala?" Napalitan ng pagtataka ang inis niya.

"Kung gusto mo siyang makilala ay sumama ka sa akin ngayon din," kampanteng tugon ng abogado.


Elusive Me (Scandals and Seduction Series Book 2) Self- Published/IncompleteWhere stories live. Discover now