Nagising si Dorcas dahil sa hindi magandang pakiramdam ng kanyang lalamunan at bibig. Masakit na masakit ang mga parteng ito at umaabot pa sa loob ng kanyang tenga. Alam niyang sumusumpong na naman ang kanyang acid reflux at nangangahulugan na naman ito ng dalawang linggong gamutan ng Omeprazole.
Alas-sais na ng umaga. Kahit tinatamad ay pinilit niyang bumangon upang kunin mula sa kanyang sling bag ang kanyang cell phone. Plano niyang i-text si Talitha at ang kaniyang department head upang sabihin na hindi siya makakapasok sa PSU ngayong araw.
Pagkatapos i-send ang message ay ibinalik na niya ang cell phone sa loob ng bag. Plano niyang bumalik muli sa pagtulog sa dahilang alas dose na ng hatinggabi siya nakauwi matapos ihatid si Talitha sa bahay nito. Mabuti na lang at kapwa tulog na ang kaniyang mga magulang kung kaya hindi namalayan ng mga ito ang kaniyang pag-uwi. Siguradong magtataka ang mga ito dahil hindi naman niya ugaling lumabas at umuwi ng gabing-gabi.
Kung bakit kasi nagpadala siya sa paanyaya ni Talitha na pumunta sa bar na iyon. First time niyang pumunta sa ganoong lugar at nangyari pa ang eskandalong ni sa imahinasyon ay hindi niya inaasahang maaari niyang kasangkutan. Napapikit siya nang maalala ang mga nangyari kagabi lalong-lalo na si Richmond Zapanta. Para tuloy lalong sumasama ang pakiramdam niya.
Alam ni Dorcas na may kasunod pa ang mga naganap kagabi at lahat ng iyon ay negatibo. At wala siyang magagawa kung hindi ang maghintay. Pero sa ngayon ay kinakailangan muna niyang harapin ang sariling laban na nauukol sa kaniyang kalusugan.
Hinalughog niya ang loob ng kaniyang medicine kit. Napailing siya nang hindi makita ang gamot na hinahanap. Eksakto namang nakarinig siya ng mahihinang katok sa pinto ng kanyang bedroom.
Si mommy Elaine ang kumatok. Nakangiti ito nang mabungaran niya. "Good morning, iha. Your dad is waiting for you. Gusto raw niyang makasabay ka sa breakfast," mahinahong sabi nito.
Bagamat nagtataka ay pinilit pa ring ngumiti ni Dorcas. Hindi ugali ng kaniyang daddy na hintayin siya sa breakfast. Mas gusto nitong kasabay sa pagkain noon ang kaniyang ate Daphne. Well, maliban na lang kung meron itong gustong ipakiusap sa kaniya.
Nakaupo na si Rodante sa harap ng dining table. May umuusok na kape sa harap nito habang nagbabasa ng paborito nitong local newspaper. Malaki na ang ibinagsak ng katawan nito mula nang magkasakit. Pumayat at mas lalo itong tumanda kesa sa tunay na edad. Sa dami ng mga problemang pinagdaanan at kinakaharap nito ngayon, hindi nakapagtatakang tumanda agad ang itsura nito. Ngunit taglay pa rin nito ang mapang-uring mga mata. Kinatatakutan pa rin niya ang tikom na mga labi nito na oras na bumuka ay naglalabas nang makapangyarihan at minsan ay masasakit na mga salita. Naaalala pa ni Dorcas ang matatalim na mga salita nitong sumugat sa kaniyang pagkatao noong bata pa siya kapag nakakagawa siya ng kahit munting kasalanan.
Tandang-tanda pa niya nang magalit ang kanyang ama sa kanyang ate Daphne ilang buwan na ang nakalilipas nang mahuling nakikipagrelasyon pala ito sa isang Mondego. Hindi kayang lunukin ng sinomang anak ang masasakit na mga salitang lumabas mula sa bibig ng kinatatakutang ama. Maging siya ay hindi niya kakayaning tanggapin ang mga iyon pero kinaya ni Daphne. Pero kungsabagay, iba talaga si Daphne kumpara sa kanya, sa panlabas na kaanyuan at sa tibay ng loob.
"Good morning, dad." Pilit ang ngiti ni Dorcas. Ayaw niyang ipahalata sa ama ang iniindang sakit. Ni hindi nga niya nababanggit ang pagkakaroon ng acid reflux sa mga magulang. Para sa kanya ay sapat nang isipin ng mga ito na isa lamang ang may karamdaman sa kanilang pamilya.
Bahagyang tumango si Rodante pagkakita sa kanya. Ni hindi ito nagpakita ng pagkagiliw. Sanay na siya sa matabang na pakikitungo ng ama. Mula pagkabata, kahit minsan ay hindi naging malambing ito sa kanya taliwas sa ipinakita nito noon kay Daphne. Kahit sa murang edad ay napansin na niya iyon at ninais din niyang malaman ang dahilan kung bakit magkaibang-magkaiba ang trato nito sa kanilang magkapatid. Alam naman niyang maraming katangian si Daphne na posibleng dahilan kung bakit mas mahal ni Rodante ito kaysa sa kanya kung kaya ganoon na lang ang sakit at galit na naramdaman nito nang diumano ay nakagawa ng matinding kasalanan ang kanyang kapatid. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ni Daphne ang kapatawaran ng kanilang ama. Singtigas ng bato ang puso ni Rodante.
YOU ARE READING
Elusive Me (Scandals and Seduction Series Book 2) Self- Published/Incomplete
Romance"I am crazy with love, Errol. I yearn for the comfort of your lustful touch. Your hungry mouth awakens all maiden desire in me until I ablaze wonderfully. I ache for your love, I crave for your soul. Own me forever and never set me free."