Chapter 19.1

7.7K 250 9
                                    


Excited na dahan-dahang itinulak ni Dorcas ang dahon ng pinto ng hospital room ni Rodante. Isang araw matapos ang operasyon ng kanyang daddy ay tinawagan siya ni mommy Elaine upang ibalita na gising na ito at puwede nang kausapin. Kung kaya kahit abalang-abala sa paghahanda sa nalalapit na kasal nila ni Errol ay isiningit niya ang pagdalaw sa ama.

Walang pagsidlan ang tuwa sa kanyang puso dahil sa matagumpay na operasyon kay Rodante. Mahal na mahal niya ang kanyang daddy at ayaw niyang mawala ito sa kanila kung kaya lahat ng hinanakit niya rito ay naglaho nang malaman niyang nasa mabuting kalagayan na ito.

Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon nito kapag nakita siya at kung sakali mang itaboy siya nito ay malugod niyang tatanggapin. Ang mas mahalaga sa kanya ay ang kaalamang ligtas na ito sa kamatayan. Ganoon pa man, nais pa rin niyang ihingi ng tawad ang pagsuway dito sa gagawing pagpapakasal sa isang Mondego.

Nakita niyang nasa loob din ng silid si mommy Elaine at nakaupo sa isang silya paharap sa nakahigang pasyente. Nag-uusap ang mga ito o mas tamang sabihing nagtatalo base sa tono ng mga boses. Maluwang ang private room na kinuha ni Errol para kay Rodante kung kaya hindi agad namalayan ng kaniyang mga magulang ang kanyang pagpasok. Minabuti niyang huwag munang magparamdam upang hindi maabala ang mga ito sa pag-uusap.

"Why can't you just forgive her, Rudy?" mahinang tanong ng kanyang ina. Tila umiiyak ito.

"Ano'ng gusto mong gawin ko? Lunukin na lang basta ang pride ko at tanggapin sila dahil lamang sa ang lalaking iyon ang nagbayad ng lahat ng gastos ko sa ospital na ito?" mahina ngunit madiing sabi ni Rodante. Nakahiga ito sa hospital bed. May nakakabit pa ring dextrose.

Bumuntong-hininga si mommy Elaine. Halatang pigil na pigil ang emosyon. "Nobody told you to accept Errol. Ang sinasabi ko ay ang ating anak. Ginagawa niya ang lahat para sa ating pamilya lalong-lalo na sa iyo. She sacrificed a lot. Hindi pa ba sapat iyon para patawarin mo siya sa mga pagkakamali niya at tanggapin ang kanyang mga naging kapasyahan para sa sarili niyang buhay?"

"Sinira niya ang pangalan ko dahil sa mga kagagahan niya. Naturingan akong dating mayor ng bayang ito pero may miyembro ng pamilya na isang kriminal. At ngayon ay magpapakasal pa siya sa anak at apo ng aking mga kaaway na siyang dahilan ng aking kahihiyan at pagdurusa. Ngayon, sabihin mo, magiging madali ba para sa akin ang magpatawad at makalimot?" Gumaralgal ang tinig ng kanyang daddy, halata ang tinitimping galit. Inatake na naman siya ng matinding guilt. Bigla ay gusto niyang lapitan si Rodante upang humingi ng tawad dito ngunit pinigilan niya ang sarili sa takot na lalo itong magalit at lumala pa ang kondisyon.

"Iyan ang problema sa iyo, Rodante," hinagpis ni mommy Elaine. "Dahil sa pride at kakitiran ng isip mo kung kaya nawalan tayo ng isang anak. Si Daphne ang tinutukoy ko. Napilitan siyang umalis ng bansa upang takasan ang kalupitan mo. At ngayon, isang anak na naman ang napipintong mawala sa atin kapag hindi ka pa rin nagbago."

Rodante shook his head. Pain registered on his pale face. "Iisa lang anak ko, Elaine. Alam mo iyan."

"Rodante?"

Biglang napakislot mula sa kinatatayuan si Dorcas. Hindi niya inaasahan ang sumunod na narinig. Bigla ang pagkabog ng kanyang dibdib kasunod ay ang pagkalat ng kirot sa buong katawan niya. Hindi niya alam kung ito ay dahil sa muling  pag-atake ng acid reflux dahil sa stress o dahil sa napakasakit na katotohanang natuklasan. Sa bandang huli, ang pangalawang dahilan ang sinisi niya.

Parang nabibilaukan na nagpatuloy si Rodante. Hindi pansin ang pagsaway ng kanyang ina. "Dorcas was never my child. Hindi ko siya anak. Kahit ano'ng pilit ko noon pa man, hindi ko pa rin magawang tanggapin at ituring na anak ang naging bunga ng kataksilan mo noon."

Sukat na. Sa sobrang sakit ay parang may patalim na ngayon ay nakabaon sa dibdib ni Dorcas. Literal na umikot ang paligid niya. Nanginig ang mga tuhod niya. Mabuti na lang at nakahawak siya agad sa isang upuan na nasa tabi niya. Sumidhi rin ang sakit sa kanyang lalamunan at bibig kasabay ng pangangatal ng mga kalamnan.

Ramdam niya ang tila pag-akyat ng lahat ng kinain niya kanina. Sapat upang makaramdam siya ng pagduduwal. Gustuhin man niyang tumakbo sa bathroom ay hindi niya magawa. Mas gusto niyang marinig ang iba pang rebelasyon ukol sa kanyang tunay na pagkatao.

Napahikbi si mommy Elaine. "Matagal na iyong tapos, Rodante. Hanggang ngayon ba naman?"

"Kapag nakikita ko siya, naaalala ko kung paano mo ako ginago at pinagtawanan ng kabit mo at ng mga tao noon. Si Dorcas ang buhay na alaala ng kawalanghiyaan mo sa akin at kawalang respeto sa ating pagiging mag-asawa. Ngayon, sabihin mo nga sa akin kung paano ko siya tatanggapin at ituturing na isang tunay na anak?" walang gatol na litanya ni Rodante. Tikom ang mga kamay nito palatandaan ng pagtitimpi sa sarili.

"Tama na, Rodante. Tama na." Napahagulhol na si mommy Elaine.

Nagsisikip ang dibdib na ipinasya na ni Dorcas na iwan ang eksenang iyon. Parang hindi na niya kakayanin ang iba pang mga salita na maririnig niya. Hilam sa luha ang mga mata na lumabas siya ng pinto at tahimik na isinara iyon.

Ngayon ay alam na niya kung bakit ganoon siya itrato ng kinikilalang ama. Bata pa siya ay sumagi na sa isip niya ang pagdududa kung tunay siyang anak ni Rodante base sa turing nito sa kanya. At ngayong may confirmation na ang kanyang pagdududa, mas lalo siyang nasasaktan. Parang pinipiga ang kanyang puso. Naninikip ang kanyang dibdib.

Pinilit niyang makalabas ng ospital kahit nanlalabo ang kanyang mga paningin dahil sa luha. Masakit na masakit sa kanya ang pagkakaalam na may bahagi ng kanyang pagkatao ang nanatiling lihim sa kanya sa loob ng mahabang panahon.

Nagulat pa si Bruce sa itsura niya nang bumalik siya sa kotse ngunit hindi na niya pinansin iyon. "Ihatid mo muna ako sa aming bahay, Bruce," nanghihinang utos niya rito.

"Yes, ma'am," tugon nito.


Elusive Me (Scandals and Seduction Series Book 2) Self- Published/IncompleteWhere stories live. Discover now