Matapos basahin nang mabilis ang balita tungkol kay Richmond Zapanta ay humahangos na bumalik sa kanyang silid si Dorcas upang tawagan si Talitha. Hindi niya inalintana ang pagtawag ni mommy Elaine sa kanya. Nang makapasok ng silid ay agad niyang ikinandado ito. Nanginginig ang mga kamay na hinagilap niya ang cell phone sa loob ng kanyang bag at ni-dial ang number ni Talitha. Matagal bago sinagot ni Talitha ang kanyang tawag.
"Hello," sabi ni Talitha na tila inaantok pa.
"Talitha, nabasa mo na ba ang headline sa local newspaper ng lalawigan natin?" Hindi magkandatuto si Dorcas sa pagtatanong. Gimbal pa rin ang kanyang buong pagkatao.
Naghikab muna si Talitha bago sumagot. "Kagigising ko lang, friendship. Bakit, ano'ng meron?"
"Si Richmond Zapanta? Naalala mo ba siya?"
"Sino naman iyon? Wala akong kilalang Richmond..."
"My God," singhal ni Dorcas kay Talitha. Natampal tuloy niya ang sariling noo dahil sa pagkaasar sa kaibigan. "Puwede bang bumangon ka na diyan? Maghilamos ka at balikan mo kung anu-ano ang nangyari sa atin kagabi?"
"Ano ba'ng nangyari kagabi? Hindi ba nagpunta tayo sa Lightning bar? Uminom tayo? Ay, ako lang pala dahil ang sabi mo ay hindi mo gusto ang lasa ng alak?"
"Pagkatapos..."
"May nambastos sa ating mga lalaki. Dalawa yata sila...ay mali...tatlo sila. Oo nga. Tatlo sila. Isang guwapo, isang mataba at isang maliit na payat."
"Sige, ituloy mo, Talitha," susog niya sa kaibigan.
"Sa pagkakaalala ko, type ako noong guwapo pero sinupladahan mo siya. Ganyan ka naman lagi, eh. Suplada ka sa mga anak ni Adan. Parang bitter ka na ewan."
"My God, Talitha! Ano pa? Ano pa ang naaalala mo?" Halos maubos na ang pasensiya niya sa kaibigan.
"Pagkatapos sinundan nila tayo sa parking area at..."
"At ano?"
"Ano nga ba ang sumunod na nangyari, friendship?"
"Ano ka ba, Talitha? Hindi ba gusto kang kunin noong tinawag na Richmond? At pilit na isinasakay ka sa kanilang kotse?"
"Ay, oo. Pero hindi natuloy dahil...lumapit ka at...sinaksak mo siya...Ginamit mo sa kanya iyong maliit na kutsilyo na binili mo noong nagpunta tayo sa Taal, Batangas."
"Correction, Talitha. Nasaksak ko si Richmond, hindi
sinaksak. At nagawa ko iyon upang ipagtanggol ang ating mga sarili, lalo ka na dahil kursunada ka ni Richmond."
"My God!" bulalas ni Talitha. "Naaalala ko na, friendship. At pagkatapos ay umalis na agad tayo roon sa takot na may makakita sa nangyari at hulihin tayo ng mga pulis. Ano na kaya ang nangyari sa kanya?"
"N-napatay ko siya, Talitha." Halos hindi lumabas sa bibig ni Dorcas ang mga kataga. Maging siya ay nayayanig pa rin ang buong pagkatao sa nalaman ngayong umaga. Hindi niya napigilan ang pangangatal.
"Napatay mo? Sigurado ka?"
"Sigurado ako. Headline ang pagkamatay niya sa local newspaper natin."
"Paanong nangyari iyon? Maliit lang naman iyong kutsilyo na ginamit mo, di ba?"
"Sang-ayon sa balita ay napuruhan ang kanyang atay. Nadala daw agad sa ospital at inoperahan pero namatay din kaninang madaling-araw."
YOU ARE READING
Elusive Me (Scandals and Seduction Series Book 2) Self- Published/Incomplete
Romansa"I am crazy with love, Errol. I yearn for the comfort of your lustful touch. Your hungry mouth awakens all maiden desire in me until I ablaze wonderfully. I ache for your love, I crave for your soul. Own me forever and never set me free."