Pinagmasdan ni Zach si Bobbie na seryosong-seryoso ang mukha habang nagta-type sa—thank God, hindi typewriter—laptop sa puwesto nito sa terrace ng bahay nang maparaan siya doon. Papunta siya sa paborito niyang parte ng beach at lalangoy gaya ng nakasanayan niya tuwing umaga.
Sa umagang iyon, mukhang tinamad ang babaeng magsuklay kaya basta na lang itinaas sa ulo ang lahat ng buhok. But she looked beautiful, nonetheless. Lalo na sa expression nito ngayon. She looked fierce and vulnerable at the same time. Parang dumagdag din sa charm ng dalaga iyong hindi nito pagbibigay ng masyadong effort sa pag-aayos ng hitsura nito. Alam siguro ni Bobbie na maganda ito, pero hindi masyadong iniisip ang tungkol doon. Natural lang, walang halong kaartehan sa katawan.
Sigurado rin si Zach na hindi lang siya ang nakakapansin at uma-appreciate sa hitsura nito sa terrace kung pagbabasehan niya ang ilang lalaking napapahinto sa tapat ng bahay pagkakita rito. May isang grupo pa nga ng kabataan na doon na pumuwesto sa dalampasigan sa ibaba mismo ng terrace. Panay ang lingon ng mga ito sa dalagang abalang-abala sa laptop nito.
Habang nanonood siya, may isang dumaan at tumawag dito.
"Hi, Bobs!" anang lalaking mukhang addict sa weight lifting.
Bobs? Yuck! hirit ng pintaserong bahagi ng utak ni Zach.
"Oy, Dindo!" Tumayo pa ang babae at iniwan ang sinusulat nito para gantihan ang pagbati at ngiti ng bagong dating. "Kumusta?"
"Busy ka ba?" tanong ng tinawag na Dindo na gusto niyang sagutin ng, 'kailangan niyang makatapos ng fifty-thousand-word na manuscript sa loob ng twenty-three days, sa tingin mo?'
"Ah... medyo," sagot naman nito na gusto na niyang sitahin. Akala ba nito, joke lang iyong project nila?
Ang dami niyang assignment sa dalaga dahil hindi niya nagustuhan ang sinusulat nito. It was dragging to read, lacked research and puno ng clichés. Halos napuno ang isang page ng notebook na ginamit niya nang ilista niya ang mga kailangan nitong ayusin sa sinusulat nitong manuscript.
It was disappointing kasi hindi naman ito ganoon magsulat noon. Kaya nga naging paborito niya ito noon. He was thinking something must have happened for her work to decline so drastically. Pero siguro saka na siya mag-uusisa tungkol doon. Pag-iisipan na lang niya kung paano i-improve ang ginagawa nito sa ngayon.
"Great. Invite sana kita bukas ng hapon. Birthday kasi ni Mommy, eh, gusto sana niyang nand'un ka," naringgan niyang sambit ni Dindo.
Gustong umikot ng bilog ng mga mata niya. Wow, si Kuya, ginamit pa ang nanay!
"Oh, sure. I'll be there," mabilis na sagot ni Bobbie.
"Talaga?" Umabot sa tainga ang ngiti ng hinayupak. "Sige, sunduin kita dito nang three p.m., okay?"
"Yes. Sige." Nag-thumb-up ang babae.
"It's a date, then."
Date? Gustong maghimagsik ng kalooban ni Zach. Talaga, magagawa pa nitong makipag-date samantala wala pa nga silang matinong nagagawa sa project nila?
Nakipagpalitan ito ng paalam, kaway at ngiti sa lalaki na noon lang umalis sa wakas. At ikinainis niya iyon.
At naiinis din si Zach sa sarili dahil ikinainis niya iyon.
Ano ba ang pakialam niya kung sandamukal pala ang admirer ng weirdo writer na iyon? It's not like naiinggit siya sa mga lalaking iyon na nginingitian nito, o sa baduy na Dindo na iyon na ni hindi marunong magyaya ng date. Hindi talaga.
Ang gusto lang naman niya ay seryosohin nito ang trabaho nila at mas bigyan ng panahon. Paano iyon matatapos kung pakikipag-date ang inaatupag nito?
BINABASA MO ANG
Between the Pages (Published by Bookware, 2017)
RomancePublished under my other pen name, Zoe De Jesus This is released na po in a longer and revised version at www.ebookware.ph in ebook format. Final title po ay #25 Brgy. Caparispisan, Pagudpud as part of XXV 25th anniversary collaboration project ng M...