Mukha siguro siyang tanga, naisip ni Bobbie habang hindi masupil ang malawak na ngiti sa mga labi.
Kahapon pa iyon nakapaskil sa mukha niya—mula nang mamasyal sila sa Bangui Bay at nagpa-picture kasama ang mga windmills, sa Kapurpurawan kasama ang rebulto ni Lam-Ang na hindi na raw nakakapagtakang nakayang pumatay ng malaking buwaya gamit lang ang mga kamay nito dahil—ayon kay Zach—naka-Super Saiyan mode pala ito. Nakataas kasi ang buhok ng lalaki sa rebulto, parang kay Son Goku.
Nagpunta rin sila ng Vigan at nag-enjoy sa paglalakad sa Calle Crisologo saka kumain ng empanada at sugar cane juice na parehong sobrang sarap. Nanood din sila ng dancing fountain doon at sumakay ng kalesa.
Punung-puno ang phone niya ng pictures nila ni Zach, at ang puso niya ng sayang hindi pa niya naranasan dati.
Kinagabihan, sa Laoag City na sila naghanap ng hotel na tutulugan. Marami pa rin sanang puwedeng puntahan doon pero dahil wala nang oras, ipinangako na lang niya sa sarili na mamamasyal doon sa susunod.
Ngayon ay patungo na sila sa opisina ng Bookworm. Kanina lang ay kausap ni Zach sa cellphone ang boss nito at inaasahan na nito ang pagdating nila, bitbit ang printout ng bago niyang manuscript.
Tunog masaya si Sir Greg at mukhang wala na sa isip nito ang hassle na dinulot niya sa kompanya nito. Sana nga malimutan na nang tuluyan ang mga atraso niya.
Narinig ni Bobbie ang mahinang tawa ng katabi kaya nilingon niya ito. "Bakit?" untag niya.
"Hindi ka kasi halatang excited," sambit nito.
Binigyan niya ito ng kurot sa braso na ikinakiliti lang yata nito. Ang tigas naman kasi ng muscle sa brasong iyon. "Sorry naman. I can hardly contain it, eh."
Tumawa si Zach. "And I'm happy for you."
Kumurap siya para pigilan ang pag-iinit ng mga mata. "Ang dami kong utang sa 'yo, alam mo. I wouldn't be here kung hindi mo ako binuwisit at minaltrato at inabuso..."
"Oy, sobra naman 'yung minaltrato," sabat nito. "Ako kaya ang lagi mong binubugbog."
"Basta. Walang salitang mas intense kaysa sa 'thank you' pero siguro kung meron, iyon ang sasabihin ko sa 'yo. Thank you to the nth power."
Inabot ng lalaki ang kamay ni Bobbie at parang wala sa loob na hinalikan ang likod niyon. "I'm not gonna take all the credit dahil ikaw naman ang nagsulat lahat n'un at wala akong ginawa kundi supladuhan ka at kulitin."
She just sighed in utter happiness.
Ilang sandali lang ay nag-park na si Zach sa harap ng building ng publishing company. Kaunting minuto pa, nakapasok na sila sa production office ng mga ito kung saan pumapalakpak ang mga staff.
"Oh." Napatakip si Bobbie sa kanyang bibig sa hiya.
Natawa lang ang katabi sa kanya. Nilapitan sila ni Mr. Greg Richardson at kinamayan.
"Hi again, Raissa," bati nito.
"Bobbie na lang po, Sir," aniya.
Tumango ito. "I am so glad to see you again, Bobbie. Buti naman, naisipan mong lumuwas. Nahiyang ka sa Pagudpud, ah."
Nag-init ang mga pisngi niya. Ibig bang sabihin niyon, pangit siya noong una silang nagkakilala? "Salamat po."
Hinarap nito si Zach at tinapik sa balikat. "How are you, my boy?"
Ngumiti ang lalaki at iniabot ang naka-folder na manuscript niya. "Mission accomplished, Sir," biro pa nito, sabay saludo.
Tumawa ang general manager. "You did well, Zach." Muli itong lumingon sa kanya. "I'm guessing pagod na pagod kayo, ang haba ng biniyahe ninyo, eh. May hinanda kaming konting refreshments sa conference room. Kumain muna kayo bago tayo mag-usap. Babasahin ko muna ito."
BINABASA MO ANG
Between the Pages (Published by Bookware, 2017)
RomansPublished under my other pen name, Zoe De Jesus This is released na po in a longer and revised version at www.ebookware.ph in ebook format. Final title po ay #25 Brgy. Caparispisan, Pagudpud as part of XXV 25th anniversary collaboration project ng M...