"Lenny, sagutin mo naman ako. Ano na'ng gagawin ko? Lenny!" desperadong tawag ni Zach sa kaibigan.
Umagang-umagang bumiyahe siya patungong Laoag City para makatawag sa kaibigan at sa mga kapamilya, makapagpadala ng regalo sa pamangkin at makapag-send na rin ng mga edited jobs niya. Kasabay niyon, magda-download na rin siya ng mga bagong assignments.
May Internet at network signal naman sa Pagudpud, pero medyo mahina iyon kaya minabuti na niyang magbiyahe nang kaunti para makasigurado. Kailangan din niyang makalayo sandali dahil hindi na niya maintindihan ang nangyayari sa kanya.
"Ano ka ba, Pare! Kailangan mong ituloy 'yan, baka mawalan ka ng trabaho kung hindi. Alam mo naman kung gaano na ang gastos natin diyan 'tapos, aayaw ka pa?"
Napaisip ang binata. "Kung bayaran ko na lang kaya lahat ng gastos ng Bookworm dito?"
Pumalatak ang kaibigan. "Sayang ang pera, ano ka ba! Ano ba problema mo? S'abi mo, may maayos na siyang plot. Eh, di isulat na lang 'yun. Siguruhin mo lang na maganda ang kakalabasan."
"Hindi 'yun," frustrated na tugon ni Zach.
Paano ba niya sasabihin na hindi iyong manuscript ang problema, kundi iyong epekto sa kanya ng mismong sumusulat ng nobela? Hindi niya masabing kumakabog ang dibdib niya nang malakas kapag nagtatama ang mga mata nila ni Bobbie. At gusto niyang manapak nang nakaraang gabi pagkakitang kasama nito ang Dindo na iyon. Pakiramdam niya ay nagseselos siya kahit wala siyang karapatan... kahit sa tingin niya ay wala naman siyang gusto kay Bobbie.
"Eh, ano ba talaga, Kuya?" Natatawa na ito ulit.
"Nabo-bore na ako dito," pagdadahilan niya. "Nakakasawa na dahil pulos iyong dagat at iyong babaeng iyon lang ang kaharap ko dito. Samantalang siya, may pa-date-date pang nalalaman."
"Tunog nagseselos ka, alam mo ba?" Sa tingin yata ng kaibigan ay katawa-tawa ang sitwasyon niya kaya ayaw siyang seryosohin.
"Umayos ka nga, Lenny. Naaasar na ako sa 'yo," sabi niya.
Tumawa lang ito ulit. "Eh, totoo naman. Para kang confused. Ganito na lang ang gawin mo. Una, tanggapin mong gusto mo si Bobbie. 'Tapos, sabihin mo sa kanya... iparamdam mo. Dalhan mo ng bulaklak at chocolates."
Kung kaharap niya ang dalaga, piningot na niya ito.
"Hindi ko siya gusto," giit niya.
"Eh, bakit ka affected ng personal niyang buhay? Dapat sa trabaho ka lang naka-focus."
Naghahanap pa siya ng tamang salita para ilarawan ang nararamdaman niya nang maringgan niya ang pamilyar na boses mula sa kabilang linya. Mukhang dumating ang boss niya.
"Ah, Zach... 'andito na si Sir."
Kinabahan siya bigla.
"Si Zachary ba 'yan?" naulinigan niyang tanong ng general manager mula sa kabilang linya. "Pakausap nga."
"Kakausapin ka raw ni Sir," sambit ni Lenny.
"O-okay," nasabi lang niya.
"Hello, Zachary," bati ni Sir Greg. Malaki at mababa ang boses nito... at nakakakaba. "Kumusta?"
"Hi, Sir." Pilit niyang pinasaya ang tinig. "Okay po ako. Ang ganda po ng Pagudpud, sobra. Malayo nga lang talaga."
"How's Raissa?" walang ligoy na usisa nito.
"Ah... okay naman po siya."
"And the book?"
"Ah, m-maganda po 'yung manuscript na sinusulat niya. I'm sure m-magugustuhan ninyo po." Napangiwi siya pagkasabi ng kasinungalingang iyon.
BINABASA MO ANG
Between the Pages (Published by Bookware, 2017)
RomancePublished under my other pen name, Zoe De Jesus This is released na po in a longer and revised version at www.ebookware.ph in ebook format. Final title po ay #25 Brgy. Caparispisan, Pagudpud as part of XXV 25th anniversary collaboration project ng M...