Nakangiti si Bobbie nang i-type niya ang 'The End' sa manuscript na iyon na binigyan ng titulo na, Sank so Low.
Sandali siyang huminto na nakatitig lang sa mga salita na hudyat ng pagtatapos ng manuscript. Hindi pa siya lubos na makapaniwala. Matapos ang anim ba buwan, natapos din sa wakas ang tagtuyot niya. May natapos siya!
At sa tanang writing career niya, ngayon lang siya nakatapos ng may fifty thousand word count na manuscript sa loob ng dalawang linggo.
And may she add, hindi lang ito basta nobela. Proud siya sa kuwentong ito dahil ito na yata iyong pinakapersonal na manuscript na sinulat niya. Kung paanong sa ibang nauna ay naglalagay lang siya ng isang bagay patungkol sa sarili niya, ito yata kaluluwa na niya ang nalantad niya—mga takot niya, iyong sense ng kalungkutan sa loob niya na hindi nawawala kahit kailan. At iyong galak at pag-asa na nabuo roon dahil sa mga simpleng bagay na ginawa ng isang tao na hindi niya alam na magiging importante palang bahagi ng kanyang buhay.
Parang gusto niyang maiyak sa tuwa.
Ipinrint na niya ang huling chapter at saka lumabas ng bahay bitbit ang printout. Kanina ay nagpaalam si Zach na doon sa beach magbabasa para raw makapag-concentrate siya.
Naabutan niya ang lalaki na nakaupo sa buhanginan at nakayuko sa binabasa. Nakatagilid ito sa kanya at nakaharap sa dagat.
Tatawagin niya sana ang lalaki nang biglang marinig niya ang pagsinghot nito. Napakunot ang noo ni Bobbie.
Umiiyak ba ito?
Pinahid ng isang daliri nito ang sulok ng isang mata.
Anak ni Mang Enteng, napaiyak nga! Magandang pag-iyak kaya iyon o hindi?
Mayamaya, tumanaw ito sa dagat at bumuntong-hininga. Ngumiti ang lalaki na parang may nakitang nakakatuwa sa tila mga bulak na ulap.
Sa wakas, lumingon sa kanya si Zach. Nagliwanag ang mukha nito sa lapad ng naging ngiti.
"Bobbie!" Tumakbo ito at binigyan siya ng mahigpit na yakap.
"Ano'ng nangyari?" takang tanong niya habang tinutulak ito nang kaunti. Masarap man sa pakiramdam ang mapaloob sa mga bisig ng binata, ayaw niyang masyadong masanay roon at baka hanap-hanapin pa niya.
Sinapo nito sa dalawang palad ang mukha niya. "I'm just so happy the old Raissa Teczon is back."
Napatawa siya kasabay ng pag-iinit ng mga mata. Kumurap siya para pigilan ang pagtulo ng luha. "Hindi mo pa nga nababasa 'yung huling chapter, eh. Malay mo, palpak pala pagdating dito."
Umiling si Zach. "You did great, Bobbie. I'm so proud of you." At bago pa siya nakaimik, napatakan na nito ng halik ang labi niya.
Binitiwan siya nito at kinuha ang printout ng last chapter mula sa kamay niya at saka ipinalit doon ang previous chapter na kababasa lang nito.
"Kakain tayo sa BergBlick mamaya. Papa-reserve na 'ko. I'll see you later at six." Kinurot nito ang pisngi niya saka lumakad na palayo.
Namimilog ang mga matang napatitig lang siya sa likod ni Zach na kung umasta ay parang wala itong ginawang kagulat-gulat.
Hello, hindi na ba big deal sa panahon ngayon ang halik sa labi?
****
Limang minuto bago mag-alas-seis, nagdo-doorbell na si Zach. Tarantang nag-spray si Bobbie ng pabango at binitbit ang sandals at bag bago binuksan ang pinto.
At hinila yata lahat ng hininga sa baga niya.
Simpleng V-neck shirt na pinatungan ng dinner jacket, maong pants at saka loafers ang suot nito, pero may something kay Zach na naging dahilan kaya extra guwapo ito ngayong gabi. Parang mas makinis ang mukha nito, mas expressive ang mga mata, mas matamis ang ngiti.
BINABASA MO ANG
Between the Pages (Published by Bookware, 2017)
RomansaPublished under my other pen name, Zoe De Jesus This is released na po in a longer and revised version at www.ebookware.ph in ebook format. Final title po ay #25 Brgy. Caparispisan, Pagudpud as part of XXV 25th anniversary collaboration project ng M...