Umuwi na ako ng bahay. Pagkahiga ko sa kama ay saka ko naramdaman ang lahat ng pagod ko. Naubos ang lahat ng enerhiya ko mula sa pagbili ng decorations, hanggang sa paghahanda ng naudlot na surprise sa boyfriend at sa pagsagip sa isang mayabang na lalaki na muntikan nang magpakamatay.
Sino ba siya?
Inabot ko ang itim na libro sa bagpack ko at binuklat ulit ito. Nagbabakasakali pa rin akong magbabago ang nakasulat sa unahan nito, ngunit nabigo ako. Ang senaryong nakaimprinta sa maputing papel nito ay ang nangyari kanina sa rooftop, ang paglitas ko doon sa lalaki.
Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyayari, at talaga naman kasing hindi kapani-paniwala ang nangyayari. Isang bagay na mahirap ipaliwanag nang siyensya, sa tingin ko.
Nagkataon lang siguro.
Kinuha ko ang cellphone sa bulsa ng aking pantulog nang maramdamang nagvibrate ito. Tipid akong napangiti nang makitang sa aking boyfriend nanggaling ang isang message.
"Oh shit baby. Sorry I forgot our monthsary. Happy 1st. Love you."
Nanlalabo ang mata ko habang binabasa ang mensahe. Umaagos na naman sa aking pisngi ang mga luha ko. Nakalimutan niya pala talaga na espesyal ang araw na ito para sa amin. Kumikirot ang puso ko dahil umasa akong may ihinanda rin siyang sorpresa para sa akin.
------
Nagising ako na basang basa ang unan ko, hindi namamalayang nakatulog na pala ako habang umiiyak. Ramdam ko rin ang pagkapugto ng mata ko at ang pagkapaga ng ilalim na bahagi nito dahil sa puyat.
Sinilip ko ang aking cellphone at nagulat nang makatanggap ng maraming mensahe mula sa lalaking iniyakan ko kagabi. Humihingi siya ng pasensya sa akin at sinabing sabay kaming kumain ng tanghalian ngayong Linggo. Napabuntong hininga ako, alam kong dapat akong magalit sa kanya pero hindi ko magawa, siguro'y dahil nangingibabaw ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa kanya.
Pagka-unat ko ay nabigla ako nang makita sa bintana na tirik na tirik na ang araw hudyat na magtatanghali na. Nagmadali na akong bumangon at naligo, hindi na kinuskos ang sarili, pagkatapos ay nagbihis. Dali-dali kong kinuha ang bagpack ko at nilagay dito ang lahat ng nakakalat kong gamit sa kama. Isinakbit ko ito at umalis na ng bahay.
Habang sakay ako ng jeep papuntang restaurant kung saan kami magla-lunch date ng boyfriend ko ay hindi ko inaasahang makita sa mga gamit ko sa bag ang itim na libro, ang libro ng masokista. Kinuha ko ito at binuklat hanggang sa mapadako ako sa isang pahina ng pangalawang kabanata nito.
Lumilipad ang isip ng masokista habang sakay siya ng jeep, iniisip pa rin kung paano niya tatapusin ang buhay niya. Mabilis ang patakbo ng sinasakyan niya, marahil ay kaskasero ang driver nito.
Isang ideya ang sumagi sa kanyang kaisipan. Galing sa unahang parte ng jeep, sa likod ng driver, ay tumayo siya at payukong naglakad palabas nito na mabilis ang takbo. Walang ibang nakakapansin sa kanya sapagkat lahat ay may ginagawa.
Alam niyang kapag nahulog siya mula rito ay mababasag ang ulo niya, instant na kamatayan, instant na matatapos na ang kwento niya. Huminga siya ng malalim at handa nang tumalon....
"Manong, 'yung sukli ko po sa Bente. Sa kanto lang po ako!" malakas na sigaw ng aleng katabi ko. Kanina pa siyang sumisigaw ngunit hindi ata siya naririnig ng jeepney driver. Medyo may kahabaan kasi ang jeep na sinasakyan namin at mabilis ang pagpapatakbo ng driver kaya hindi niya talaga nabibigyang pansin ang aleng katabi ko.
Napagawi ang mata ko sa lalaking nasa likod ng driver. May suot siyang itim na headphone habang nakatulala lang sa kawalan. Kahit nakasideview siya, pamilyar sa akin ang mukha niyang iyon. Ang lalaking balak tumalon at magpakamatay sa rooftop ng aming school.
Walang emosyong tumayo ang lalaki sa kanyang kinauupuan at nagsimulang maglakad papalabas ng jeep. Hindi siya sumenyas ng "para" sa driver, at hindi rin naman siya napapansin ng driver dahil abala ito sa pagpapatakbo ng napakabilis na sinasakyan naming jeep. Walang ibang nakakapansing pasahero sa kanya bukod sa akin.
Kita ko sa mukha niya ang pagiging desidido na bumaba ng jeep kahit tumatakbo ito. Isa na naman ba ito sa naisip niyang paraan ng pagpapakamatay niya?
Napalaki ang mata ko nang mapagtanto na ang gagawin ng mayabang na lalaking eto ay ang nakasulat sa itim na libro na hawak ko.
"Next time, please don't try saving me or someone who wanted to die. Psh!"
Naalala kong sinabi niya sa akin nung huling beses ko siyang niligtas. Hindi ko alam ang gagawin, nagpapanic na ang neurons sa utak ko. Gusto ko siyang iligtas, pero natatakot akong masungitan ulit niya ako.
Nang malapit na siya sa dulo, kung saan ako nakaupo, ay nakita ko siyang huminga ng malalim, handa na para tumalon sa labas ng jeep. Walang bahid ng pagdadalawang isip sa kanyang mukha. Bumwelo na siya para tumalon...
At sa isang iglap, bumagal ang paligid sa aking paningin. "Para po!" sumigaw ako ng malakas para marinig ako ng driver, kasabay nang paghawak ko sa kamay ng lalaking balak tumalon sa jeep.
Sa sobrang lakas ng pwersa ng pagpreno ng driver ay gumulong kami pauna ng lalaking hawak-hawak ko. Bumangga pa ang ulo ko sa metal na pangharang ng driver at ng mga pasahero.
"Manong 'yung sukli nga po sa Bente! Kanina pa akong sigaw nang sigaw dito!" Napamulat ako nang marinig ang boses ng aleng katabi ko habang galit na galit na sumisigaw sa driver ng jeep.
Bigla akong napalingon sa paligid. Nakaupo ako sa dulong parte ng jeep, at wala sa unahan kung saan ako—kami gumulong ng lalaking gustong magpakamatay ulit.
Tumingin ako sa likod ng driver, isang babae ang nakasakay dito at hindi ang mayabang na lalaki. Wala siya sa sinasakyan kong jeep.
Nanaginip lang ba ako kanina? Bakit biglang nanakit ang katawan ko?
Inilipat ko ang pahina ng itim na libro na hawak ko.
Lumilipad ang isip ng masokista habang sakay siya ng jeep, iniisip pa rin kung paano niya tatapusin ang buhay niya. Mabilis ang patakbo ng sinasakyan niya, marahil ay kaskasero ang driver nito.
Isang ideya ang sumagi sa kanyang kaisipan. Galing sa unahang parte ng jeep, sa likod ng driver, ay tumayo siya at payukong naglakad palabas nito na mabilis ang takbo. Walang ibang nakakapansin sa kanya sapagkat lahat ay may ginagawa.
Alam niyang kapag nahulog siya mula rito ay mababasag ang ulo niya, instant na kamatayan, instant na matatapos na ang kwento niya. Huminga siya ng malalim at handa nang tumalon.
Pero bago pa siya makatalon ay may humawak sa kanyang kamay, kasabay nang pagtigil ng jeep na naging dahilan para gumulong sila papauna. Galit na galit ang masokista, naudlot na naman ang kanyang pagpapakamatay dahil sa pumigil sa kanya.
Pagmulat ng mata niya ay nagtaka siya sapagkat wala ang pumigil sa kanya at tanging siya lang ang nakaupo sa sahig ng jeep. Hindi siya maaaring magkamali, alam niya at ramdam niyang may tumulong sa kanya.
Isang maligno?
Isang diwata?
Hindi niya alam kung ano ito, pero isa lang ang alam niya, pinipigilan siya nito sa ginagawa niyang pagtapos sa kwento niya.
"Sino ka?" bulong nito sa hangin na para bang kinakausap mula sa kung saan ang estranghero.
YOU ARE READING
The Masochist's Most Painful Story
FantasySa lahat ng nobelang sinulat ko, ito ang pinakamahirap simulan. Sa lahat ng nobelang sinulat ko, ang kwentong ito ang ayaw kong lagyan ng katapusan. Durog ako. Dinurog mo pa ako lalo. Akala ko hanggang tayo sa dulo. Pero mas pinili mong b...