NAGKAKAGULO ANG mga tao sa gym ng Holy Angels College kung saan gaganapin ang basketball game. Nagsisigawan ang mga estudyante sa na kanina pa excited sa magaganap na laro.
Nasa bench si Donny at ang team mates niya sa St. Gabriel Mongoose. Sa kabilang bahagi, ilang metro ang layo sa kanila ay doon naman nakaupo ang kalabang team na Holy Angels Panther.
Tumayo si Donny.
"Saan ka pupunta?" tanong ng isang ka-team niya.
"CR lang."
Mabilis na naglakad si Donny papuntang comfort room na katabi lang din ng comfort room ng mga babae. Siya lang ang tao roon pagpasok niya. Pumunta siya sa urinal at nagbawas ng tubig sa kanyang katawan. Nang matapos ay naghugas siya ng kamay at agad ding lumabas sa toilet para bumalik sa kanyang mga kasamahang nasa gym.
Lingid kay Donny, nasa kabilang comfort room si Kisses na abala sa pagre-retouch ng kanyang make-up.
Nakakailang hakbang pa lang si Donny pagkalabas mg comfort room nang may tumawag sa kanya.
"Donny!"
Nilingon niya ang tumawag at nagulat pa siya sa kanyang nakita. "Coach Robby?"
Si Coach Robby ang coach ng kalabang team nina Donny.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Hinanap talaga kita para sabihin sa'yo na kailangang ipatalo mo ang team n'yo."
"Anong...?"
"My team needs this championship. I need this championship. Kailangang manalo ang team ko," matigas na sabi ni Coach Robby.
"Hindi puwede. We also want to win. So, may the best team wins na lang, Coach Robby."
Ngumisi ang coach. "Ipatatalo mo ang team mo o uuwi kang baldado. Your choice, man!"
"Are you threatening me?" napalakas ang boses ni Donny. Hindi siya makapapayag na gaganunin lang siya ng kung sino. God knows kung gaano kaimportante sa kanya ang pagiging team captain ng basketball team ng school niya. Dahil dito kaya siya nakakapag-aral. Maraming hirap ang dinaanan niya para makuha ang scholarship na ito kaya hindi siya makapapayag na mawala ito nang basta-basta. At mas lalong hindi siya makapapayag na masira ang pangalan niya dahil masasangkot siya sa isang pandaraya. Siya pa ba ang sisira sa team nila? Hindi maaari!
Hindi inaasahan ni Donny ang kasunod na gagawin ni Coach Robby. Hinawakan siya nito sa parteng leeg ng kanyang jersey at pinagbantaan. "Ipapatalo mo ang team mo sa ayaw at sa gusto mo."
Papalabas na si Kisses sa comfort room pero mabilis din siyang napaurong pabalik nang makita niya ang isang lalaki na tila sinasakal si Donny. Maingat siyang sumilip sa gilid ng pinto ng toilet para makita kung ano ba talaga ang nangyayari sa labas. Tinalasan din niya ang pandinig upang masagap kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.
"Hindi ko gagawin ang gusto mo," matigas na sabi ni Donny.
Dinig na dinig ito ni Kisses. Nagulat pa siya at muntik nang mapasigaw nang makita niyang biglang sinuntok ng lalaki sa sikmura si Donny. Halos mapaluhod si Donny sa sakit na naramdaman.
Muling nagbanta ang lalaki, "Babalikan kita kapag hindi mo ginawa ang sinabi ko." Iyon lang at agad itong umalis.
Agad na lumabas ng CR si Kisses at nilapitan si Donny. "Donny! Sino 'yon? Bakit ka niya sinuntok?"
"Wala, napagtripan lang siguro ako. Siyempre, dayo ako dito sa school nila. Nandiyan ka pala sa CR?"
"Oo, nag-retouch kasi ako. Eh, ano 'yung sabi mo sa kanya na 'di mo gagawin ang gusto niya?"
"Ha?" Hindi nakasagot si Donny. Narinig pala ni Kisses 'yon.
"Tapos sabi pa niya, babalikan ka niya kapag 'di mo ginawa 'yong sinabi niya. Ano ba talaga 'yon? Magulo eh." Ayaw talagang paawat ni Kisses sa pagtatanong.
"Wala, kalimutan mo na 'yun. Halika na, baka mag-umpisa na ang parade."
Wala nang nagawa ang dalaga kundi sumunod kay Donny.
"Coach Jerome, ayan na si Donny kasama si Kisses," sabi ng isang team mate ni Donny nang makita nitong paparating na sila ni Kisses.
"Donny, Kisses bilisan n'yo mag-uumpisa na ang parade!" sigaw ni Coach Jerome.
Inalalayan ni Donny si Kisses dahil siya rin ang tatayong escort nito.
Ang parada ay ginanap doon din lang sa loob ng gym. Umikot doon ang dalawang magkalabang team kasama ang kanilang muse.
Pagkatapos ng parada ay nagsimula na ang laro.
Maganda ang simula ng laro ng team ni Donny. Mabilis silang nakaipon ng 12 puntos kumpara sa 8 ng kalaban. Maganda ang inilaro ni Donny. Katunayan, nakapagbuslo siya ng kabuuang 28 points sa score nilang 47 bago matapos ang first half.
Nang tumunog ang buzzer sa pagtatapos ng first half ng laban, 47-42 ang score pabor sa St. Gabriel Mongoose.
Pabalik sa bench ay nasulyapan ni Donny si Coach Robby na tila masama ang tingin sa kanya. Binalewala na lang niya iyon. Nag-concentrate na lang siya sa binuong game plan ni Coach Jerome para masiguro ang panalo nila.
Kauumpisa pa lang ng second half nang mangyari ang isang aksidente. Habang hawak ni Donny ang bola at nagdri-dribble papunta sa goal ay sinalubong siya ng isang kalabang player at nagtangkang supalpalin ang pagtira niya ng bola. Bumangga sa katawan ni Donny ang kalaban at nawalan siya ng balanse na naging dahilan para bumagsak siya sa court. Naitukod niya ang kanyang kanang kamay at agad siyang nakaramdam ng kakaibang sakit at saka niya napansin ang biglang pamamaga ng bahaging nagdudugtong sa kanyang kamay at braso.
Hindi na nakapaglaro si Donny dahil kinailangang bigyan siya ng first aid ng medics na nakaantabay sa isang parte ng gym. Nang makitang na-dislocate ang buto sa kanyang pulso ay minabuti nang dalhin siya sa ospital para mabigyan ng agarang atensyong medikal. Si Kisses ay nagboluntaryong samahan sa ospital si Donny. Agad na rin nitong tinawagan ang mga magulang ni Donny para ipaalam ang nangyari sa binata.
Pagdating sa ospital ay agad na inasikaso si Donny. Pina-xray ang kanyang kamay para makita kung gaano kalaki ang naging pinsala sa buto nito. Nang lumabas ang x-ray result pagkalipas ng isang oras, at saka inihanda si Donny para sementuhan ang nabali nitong buto.
*****
"KISSES!""Ate May!"
"O, kumusta ang game nina Donny?" tanong ni Maymay.
"Hindi ko pa alam kung sinong nanalo. Naaksidente kasi sa court si Donny, nabalian ng buto sa kamay. Ako na 'yong sumama sa ospital."
"Galing kang ospital ngayon?"
"Oo, mula ospital dumiretso na ako rito. Nakauwi na si Donny. Nasementuhan na 'yong wrist niya. Gusto ngang pumasok eh. Pero hindi na pinayagan ng parents niya. Bukas na lang siguro siya papasok."
"Mabuti naman at okay na siya."
"Ano nga pala 'yung sasabihin mo sa akin?" biglang naitanong ni Kisses.
"Ahh, naalala mo ba 'yung kahapon noong pinatawag ako ng principal?"
"Oo. Ano nga ba ang nangyari doon at parang iba na ang mood mo noong lumabas ka ng principal's office?"
"Hindi nagustuhan ng principal 'yung editorial na sinulat ko sa The SG Chronicles. Gusto niyang bawiin ko ang isinulat ko roon at mag-public apology ako sa next issue ng SG. Hindi ako pumayag dahil alam kong tama ako at walang mali sa isinulat ko."
"Anong sabi ng principal?"
"Pinagbantaan niya akong hindi ako ga-graduate with honors kung hindi ko gagawin ang utos niya."
"Paano 'yan?"
"Hindi naman ako natatakot sa kanya. Gawin niya kung anong gusto niyang gawin. At gagawin ko rin ang dapat kong gawin para maipaglaban ang karapatan ko," buo ang loob na tinuran ni Maymay. "Hindi ako natatakot sa kanya, Kisses. Kahit principal pa siya!"
BINABASA MO ANG
Could Be Love
FanfictionSi Edward ang president ng Student Council. Effective na leader, sinusunod at iginagalang siya ng mga estudyante sa St. Gabriel Academy. Matagal na niyang crush si Maymay pero natotorpe siya sa harap nito. Si Maymay ang editor-in-chief ng school o...