Chapter 9

77 3 1
                                    

Nasundan pa ang pagkikita namin ni Sofia. Lihim ang bawat pagkikita kaya kahit ang aso naming si Gibo, bawal sumunod. Bawat araw ginagawa kong espesyal para matupad ang pangarap kong maging kami. At kapag nangyari iyon, ako na ang pinakamasaya sa lahat ng weirdo. Imagine, bukod sa busog ang mata, busog pa sa pagmamahal at busog din ang tiyan.
Pero may problema pa din. Mas matindi pa sa problemang kinakaharap ng Comelec sa PCOS machine. Kailangang maghiwalay muna kami ni Jane.

Hanggang ngayon, wala pa din akong lakas ng loob para ihinto na ang kasunduan namin ni Jane dahil mawawalan na ako ng dahilan kina Ermat para lumabas ng bahay. Malaki din kasi ang naitulong sa akin ni Jane para makakilos ako nang hindi nalalaman ng magulang ko.

That brat! Hindi ko alam kung sakit ng ulo o nakakatulong.

Paalis na sana ako ng bahay nang harangin ako ni Ermat sa pintuan. Hindi naman bago ang T-shirt niya para mapansin pa sa akin. Walang pinagbago sa itsura maliban sa bagong bunot na buhok sa kili kili.

"You're gorgeous, Mom." pambobola ko habang pinipisil ang bagong sibol na pimple sa akin baba.

"I know. Anak kita eh, kaya naniniwala ako sa'yo." Sumakay naman sa biro ang nanay kong suki ng gym pero di nabawasan ang bigat. "Saan ka pupunta, Zoilo?"

"Mommy naman, tinatanong pa ba? Siyempre kay Jane." rason ko.

May usapan kami ni Sofia ngayon. Excited nga ako kasi may sasabihin daw siya sa akin. Dapat daw sa personal kaya nagmamadali akong kumilos. Siguro papayag na siya sa suggestion kong maging kami dahil igi give up ko na si Jane.

"Miss ko na ang batang iyon. Hindi kasi siya pumunta ulit dito."

"Hayaan n'yo, Mommy, sasabihin kong dumalaw siya dito bukas."

"Huwag na, anak. Pupunta na siya dito. Kaya nga kita pinalabas kasi tinawagan ko na siya."

Hindi ko alam ang dapat na reaksyon sa nadinig ko. Paano ko sasabihin kay Sofia na hindi ako makakarating? Ano ang idadahilan ko?

Ang gulo. Bakit pumayag si Jane sa gusto ni Mommy? Bakit hindi man lang ako kinukonsulta?

At bakit ako tanong ng tanong, wala namang sasagot?

"Talaga po? Susunduin ko na po siya sa labasan."

Uunahan ko na si Jane.  Haharangan ko na siya sa daan para hindi na tumuloy sa bahay. Sasabihin ko na lang na magpanggap siyang masama ang pakiramdam. Ayokong sumira sa usapan namin ni Sofia.

"Hindi na kailangan. Ipasundo ko na siya sa tatay mo."

What?! Ano bang nagustuhan ng magulang ko sa brat na iyon at laging excited silang makita siya? Sayang naman ang paliligo ko samantalang kung tutuusin, bath holiday ko sa araw na ito.

Dumating si Jane. Piyesta ulit sa buong eskinita. Parang artista naman ang pakiramdam ni Daddy dahil maraming umaagaw sa kanyang atensyon, proud na proud siyang kasama si Jane. Lahat ng makasalubong kinakamayan, kinikindatan o nginingitian. Umiral ulit at 'Jane Invasion' sa lugar namin. Palibhasa, madudungis ang tao sa amin kahit bagong paligo, kaya kapag may dumaang maputi, siguradong pagtitinginan ng lahat.

Pagkapasok pa lang ng pinto, sinalubong na agad siya ni Mommy at niyakap ng mahigpit. Halos lamunin si Jane ng mga taba ng nanay ko.

Na out of place ako sa sariling pamamahay. Hind man lang ako isinama sa usapan. Bonding moment daw kasi iyon nila Mudra at Pudra.

Buti na lang, naisipan munang magluto ni Mommy ng pananghalian kaya nagkaroon ako ng chance para kausapin nang masinsinan si Jane. Lumapit ako sa kanya at niyayang pumunta sa kubo sa may likod-bahay para makapag usap kami ng maayos.

"Loi, I have a good news!" Pinisil pisil ni Jane ang braso ko. "Listen, hindi na ako affected noong makita kong magkasama si Dexter at yung whore niya."

Natawa naman ako. Hindi apektado pero 'whore' ang tawag sa babae. "I'm glad you have moved on!"

"Salamat sa tulong, Loi. Kung wala ka, hindi ko agad magagawa ito."

"Dahil sa kiss ko?"

"Tarantado!" Hinampas niya ako ng hawak na bag.

"Maiba ako, bakit di mo sinabi na pupunta ka dito? May lakad kasi kami ni Sofia ngayon."

"Naku! Sorry!" Hinawakan niya ang kamay ko at kita ko sa mata niya ang sincerity. "Excited din kasi akong i inform ka kaya gusto kitang i surprise."

Nadala nga lang siguro ng excitement si Jane kaya hindi agad niya nasabi sa akin na dadalaw siya sa bahay.

Sa kwento niya, nagkita muli sila ni Dexter sa get together party ng isa nilang common friend. Wala na daw kahit konting sakit sa tuwing makikita niya ang pagmumukha ng kanyang ex.

Masaya ako para sa kanya. Sa wakas, wala nang dahilan para magpanggap.

"Maganda yan. Wala ka namang mapapala kung magiging bitter ka pa."

"Hindi ko nga alam kung paano ako nag move on eh. Bigla na lang nawala."

"Sa kiss nga siguro. Matatamis kasi ang halik ko."

"Kasi inupakan mo ang matatamis na pagkain doon sa party." Namumula si Jane tuwing uungkatin ko ang halik kaya di ko na inungkat pa ulit.

Katahimikan.

"Hanggang anong oras ka dito? Gusto ko sanang pumunta kay Sofia." sabi ko.

"Hindi ba pwedeng dito na muna ako? Wala akong gagawin sa bahay eh."

"Hmmm. Hindi naman pwede kitang iwan kita dito. Masesermonan ako."

"Ah, ganun ba? Sige aalis na ako." Tumayo si Jane at naglakad papunta sa may pintuan papasok sa kusina. Kinuha niya ang atensyon ni Mommy. "Excuse po. Aalis na po ako."

"Ano?! Mamaya na! Nagluto ako ng pagkain natin. Mag usap muna kayo ni Zoilo." Lumapit si Mommy sa may pintuan at sinigawan ako. "Hoy Zoilo! Asikasuhin mo ang bisita!"

Patay! Ginagamit na ni Jane ang kanyang sandata--- ang kanyang charm.

Tinext ko na lang si Sofia na hindi ako makakarating dahil sasamahan ko si Mommy sa pamimili. Buti na lang, pumayag siya na bukas na lang kami magkita. Nabura tuloy ang excitement ko.

"See? Dito daw muna ako." Binigyan ako ni Jane ng pinaka sweet at peke niyang ngiti.

"Brat!"

"I'm not a brat!  Hindi ko hiniling na magustuhan nila ako."

"Sinasamantala mo naman."

"Ipagpapalit mo na ba talaga ako sa Sofia na iyon?" panunukso niya. Inilabas pa niya ang kanyang balikat na parang nang aakit sa binigyan ako ng mapanuksong kindat. Umikot ikot siya sa loob ng kubo at dumikit sa akin. "Lover boy?"

"Itigil mo nga yan. Natatawa ako sayo!"

Tumawa naman ng tumawa si Jane matapos itigil ang pinaggagawa niya. "Sus! Nanlaki nga ang mata mo eh!"

Napalunok ako ng laway.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 23, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

HU U? Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon