Chapter 1

1.3K 36 2
                                    

UMALULONG NANG malakas ang aso.

"Ay susmaryosep!" Napaantada ang matandang ale at saka tinaboy ang aso sa tindahan. Kabilugan ng buwan. Bukod sa huni ng iba't ibang ibong panggabi at mga insekto, maririnig din ang huni ng ek-ek. "Magsara na tayo ng tindahan, Isko. Mukhang iba ang hihip ng hangin ngayong gabi," anang ni Aling Mameng na bakas sa mukha ang matinding takot.

Natigilan ang asawa nitong si Mang Isko na kanina lang ay abala sa paghahasa ng tari para sa manok-panabong nito. Tumuon ang mga mata ng matanda sa paparating. Nakasuklob ito ng itim. Natatabingan ng tela ang kabuuhan ng mukha at walang ibang makikita kundi ang mapupula nitong mga labi, baba, at binting ubod nang puti at kinis.

"Magandang gabi po," bati nito. Base sa boses, babae ito.

"Magandang gabi din, Ineng," ganting-bati ni Mang Isko na nasa tarangkahan ng kanilang pintuan. "Aba'y gabi na. Delikado para sa'yo ang maglakad nang ganitong oras. Maraming loko rito sa aming lugar."

"Isko, magsara na tayo," senyas ni Aling Mameng sa asawa. May nakukutuban na itong masama sa estranghera.

"Ano ba ang inyong sadya?" tanong ni Mang Isko. Hindi nito pinansin ang asawa.

Batid kasi ni Mang Isko na kung ano-ano na namang kalokohan ang tumatakbo sa isip ngayon ng kaniyang maybahay. Masyado itong mapapaniwalain sa mga engkanto at kung ano-ano pang katarantaduhan.

"Maaari po bang makiinom? Nauuhaw na po kasi ako," sabi ng babae sa mapanghalinang boses.

"Aba'y sige. Iyon lang pala. Teka at ipapakuha kita ng maiinom. Mameng! Ikuha mo nga ito ng maiinom."

Akma sanang tatayo ang matandang lalaki nang bigla itong dambahin ng babae. Hindi na nakasigaw si Mang Isko nang sakmalin ito ng matatalim na pangil. Samantalang napasigaw naman sa pagkagimbal si Aling Mameng sa nasaksihan. Nahulog sa lapag ang dala-dala nitong pitsel ng tubig.

Pinatay ng malakas ng hangin ang maliit na ilaw ng lampara. Nangibabaw ang kadiliman at ang kabog ng dibdib ni Aling Mameng.

"Tulo-" Hindi niya na naituloy ang pagsigaw nang maramdaman niya na sa kaniyang likuran ang babae. Banayad na tumarak sa kaniyang leeg ang matatalim nitong kuko.

"Huwag kang sisigaw," bulong nito sa kaniyang punong-tenga. "Huwag po kayong matakot, makikiinom lang naman ako."

Ngunit muling humingi ng saklolo si Aling Mameng dahil sa takot. Ilang saglit lang, muling nanahimik ang gabi. Dilat na dilat ang mga mata ni Aling Mameng habang kinakain ng malaking aso ang bituka nitong nakalabas mula sa winakwak na tiyan.

#

MAY HATID pa ring musika sa kaniyang pandinig ang tunog ng paparating na train. Maraming alaala ang napupukaw sa kaniyang isipan habang hinihintay ang pagdating ng sasakyang-metal. May masasaya, malulungkot at nakakagimbal na alaala.

Ngunit nang mga oras na iyon, pagkainip ang mas nangingibabaw sa babae. Gusto niya nang makauwi.

Ngunit mukhang hindi lang siya ang nakadarama ng pagkayamot. Maraming pasahero ang tulad niyang pagod sa trabaho at gustong makauwi na.

Marahil, may naghihintay rin sa mga itong anak o pamilya.

Inabala niya na lang sandali ang sarili sa panonood ng patalastas sa LED TV na nasa itaas. Ngunit agad din siyang nagsawa dahil paulit-ulit lang din naman iyon.

Kaagad din namang napawi ang pagkayamot ng babae dahil mayamaya pa ay natatanaw niya na ang train na babiyahe mula Cubao patungong Buendia. Alertong hinapit niya sa tapat niya ang kaniyang bag at nakipagsiksikan sa ibang pasahero.

May nag-announce ng babala, ngunit hindi rin naman ito masyadong nauunawaan dahil basag ang tunog ng speaker.

Matapos makipagsiksikan at makapasok sa loob ng train, kagyat na nakahanap ang babae ng mauupuan na malapit lang sa pintuan.

CelineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon