ISANG nakatutulig na ungol ang pinakawalan ng taong-lobo matapos nitong wasakin ang bintana ng warehouse. Kitang-kita ang balasik sa mga mata nito habang naglalakad itong dahan-dahan patungo sa pinakagitnang bahagi ng bodega.
Ngunit hindi nagpatinag ang mga aswang. Bagama't ang ilan sa kanila ay may takot sa dibdib, buo pa rin ang kanilang loob na lumaban.
"Para kay Supremo!"
Nagpalit-anyo ang mga aswang. Mayamaya ay napalibutan na ang taong-lobo ng malahiganteng mga aso.
Umaangil at sumisingasing ang higanteng mga aso habang pinalilibutan ang taong-lobo. Tila nag-aabang ang mga ito ng magandang pagkakataon para lumusob.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Mariz. Nagpalit na rin siya ng anyo. Kumulubot ang kaniyang mukha at tumubo ang kaniyang pakpak sa likuran. Dinaluhong niya ang taong-lobo, ngunit walang kahirap-hirap na iniitsa siya nito sa pader. Ngunit iyon ang kinuhang pagkakataon ng mga kasamahan ni Mariz para lumusob. Pinagkakagat ng mga ito si Celine.
Hindi magkandaugaga ang taong-lobo sa pagsalag sa pagkagat ng mga aswang. May tumalon sa kaniyang batok at bumaon ang mga kuko nito doon. May nangunyapit sa mga braso, tuhod, at paa niya; bumaon ang mga pangil ng mga ito roon.
Nagkulay-dugo ang sahig na kanina'y namumuti sa alikabok.
Kinagat ng taong-lobo ang ulo ng aso na nasa kaniyang batok. Walang buhay na bumagsak ang huli sa lapag at muling bumalik sa pagiging tao.
Ngunit mas lalong pinagkumpulan ng mga aswang ang taong-lobo. Bumangon si Mariz mula sa pagkakabagsak sa sahig at lumipad para dagitin ang 'di na makilala ngayong lobo. Punong-puno na ito ng sugat sa katawan. Ngunit batid ni Mariz na madali lang maghilom ang sugat nito. Dinagit niya ito at inilipad saka ibinagsak muli. Muli itong pinagkakagat ng mga kasamahan niya nang bumagsak. Umalulong ito na tila hirap na hirap.
Samantala, takot na takot namang nagsumiksik sa isa't isa ang magkapatid na Cindy at Claire. Umiiyak na sa takot ang dalawang paslit. Dinig na dinig nila ang malalakas na ungol at singasing ng kung anong mga hayop mula sa kanilang kulungan.
"Mommy," hikbi ni Cindy.
"Psst..."
Natigilan si Cindy sa pag-iyak. Napatingin ang magkapatid sa babaeng nasa harapan. Nakangiti ito sa kanila.
"Ligtas na kayo," sabi nito. "Halikayo. Ilalabas ko kayo dito."
#
UMULAN NG bala sa liblib at patarik na bahaging 'yun ng kalsada. Sa madilim na papawirin ay naroroon ang 'di mabilang na tiktik at wakwak.
Kagyat na nagliliwanag ang paligid sa walang tigil na pagpapaputok ng grupo nina Roger sa lumilipad na mga nilalang.
"Mga putang ina n'yo!" Naglilitawan ang ugat sa noo at litid ni Gary dahil sa tindi ng galit. Sa 'di kalayuan mula sa kinatutungtungan nila, naroroon ang gutay-gutay na katawan ni Jordan, ang kaniyang anak. Dinagit ang binata kanina ng isa sa mga wakwak at walang awang pinilas na parang papel ang katawan nito. Hindi nakakilos kanina si Gary dala ng pagkabigla. Ngunit nang mahimasmasan, saka siya nagsisigaw at walang habas na pinaputukan ang mga aswang.
"Cruz Mihi Refugium," panimula ni Mang Tobias sa orasyon ng San Benito. Hawak-hawak niya sa kamay ang kaniyang medalyon habang nagsasaboy siya ng agua bendita. Bawat aswang na matamaan na banal na tubig ay tila napapasong umaatras. Umuusok ang bahagi ng katawan ng mga itong nasabuyan ng tubig. Umaangil na nagtatangka ang mga itong lumipad, ngunit hindi ito pinaliligtas ng mga bala ni Fernan. Ang mga aswang na tinatamaan ng balang may dinasalang agua bendita ay sumasabog na tila mga lobong nasobrahan sa hangin. Pumupulandit na lang ang mga dugo't laman ng mga ito't kumakalat sa lupa. At tulad nga ng sabi ni Mang Tobias, hindi kaagad naghihilom ang sugat na dulot ng balang may esensiya ng bawang. Tumitiklop at nangingisay sa sakit ang bawat aswang na matamaan nito.
BINABASA MO ANG
Celine
HorrorPagkatapos ng nakapaninindig na near-death experience ni Celine sa Baryo Maaswang, pinilit niyang mamuhay nang normal at magbagong-buhay sa Maynila. Lumipas ang maraming taon at meron na siyang dalawang anak. Kung kailan tahimik na ang kaniyang buha...