HOLY WEEK. Siksikan sa bus. Kulang ang salita para i-describe ang sobrang init sa loob n'on. Ordinary na lang kasi ang maaaring masakyan ng mga pasaherong nagpa-book ng ticket ng Miyerkules Santo.
Ang ruta ng bus ay papuntang Bicol --- sa Albay. Kaya 'di na nakapagtatakang punong-puno ng mga bagahe ang aisle. May mga manok, appliances, kahon ng kung ano-anong abubot. May umiiyak na sanggol, nabubugnot na pasahero at nakaismid na ale dahil sa mga bagaheng halos umabot na sa bubungan ng bus. Wala na halos daanan sa dati nang masikip na pasilyo. At kung 'di matiyaga ang pasaherong dadaan at malakas ang tuhod nitong upang umakyat sa gabundok na mga bagahe, magtitiyaga na lang itong magutom sa upuan at 'di na bababa ng stop-over.
Pakons'welo na ng bus sa mainit at masikip na biyahe ang isang tv. Sa monitor ng TV ay makikita si Noli De Castro na nagre-report ng balita. Laman pa rin ng news ang tungkol sa nawawalang asawa ng namayapang si Roger Villarama, sikat na engineer at anak ng dating AFP general.
Sumunod na balita ang tungkol sa sunod-sunod na patayang nagaganap sa mga liblib na sulok ng probinsya, kung saan naghahasik ng lagim diumano ang isang adik. Brutal ang pagkakapatay sa mga biktima, kaya kahit wala pang pagkakakilanlan ang salarin, ipinagpalagay na ng awtoridad na lulong sa droga ang may kagagawan nito.
"Only an addict or an animal can do this kind of brutality," sabi ng hepe na halatang nagpapapogi sa TV.
Sa pinakahulihang sulok ng bus, makikita ang isang pasaherong may suklob sa ulo. Panaka-nakang tinatapunan ito ng nagtatakang sulyap ng katabi nitong pasahero.
Kulay-dugo ang buwan nang gabing 'yun.
"Para!" ang sabi ng pasaherong nakasuklob ang ulo't balot ng katawan ng jacket.
Agad namang tumigil ang nagtatakang drayber. Katatapos lang nilang mag-stop-over sa Lucena, ba't kaya bababa na agad ang pasaherong ito?
Umandar ang bus, pagkababa na pagkababa ng pasahero.
Walang katao-tao sa sulok na 'yun ng kalsada. Madilim din dahil walang poste ng ilaw.
Mayamaya lang, biglang nag-iba ang anyo ng misteryosong pasahero. Napunit ang suot-suot nitong damit at nag-anyo itong malaking lobo.
Mabilis itong nagsuot sa kakahuyan at nilamon ng kadiliman.
Kinabukasan, naging balita sa Lucena ang natagpuang bangkay ng isang lalaki na halos 'di na makilala dahil sa pagkagutay-gutay ng katawan.
Ang sabi ng mga pulis, posibleng may gumagalang mabangis na hayop sa kanilang probinsya.
#
TULALA SI Heide kinabukasan. Nakaupo siya sa baytang ng hagdan. Hindi na siya natulog.
Hawak-hawak niya pa rin ang itak. May tuyong dugo sa talim n'on. Ngunit hindi kaniya ang dugo.
"O Heide, anong ginagawa mo d'yan?" tanong sa kaniya ni Aling Toying. Ang bahay nito ang pikamalapit sa bahay nila. Pero malayo pa rin ang pagitan ng bahay nila sa kubo nito. "Ok ka lang, Ineng?" tanong nito nang 'di siya kaagad sumagot.
"O-ok lang po," sa wakas ay tugon niya nang bahagyang mahimasmasan.
"Kumusta si Tiya Coring?"
Napalunok siya at napatingin sa dugo na nasa itak niya.
"Ok lang po siya." Walang reaksiyon ang mga mata niya habang sinasabi 'yun.
Si Aling Toying lamang sa mga kapitbahay nila ang bukod-tanging may malasakit sa kanilang mag-lola. Papaano niya kaya sasabihin dito ang katotohanan? Na nagawa niyang hatawin ng itak ang kaniyang lola kagabi?

BINABASA MO ANG
Celine
TerrorPagkatapos ng nakapaninindig na near-death experience ni Celine sa Baryo Maaswang, pinilit niyang mamuhay nang normal at magbagong-buhay sa Maynila. Lumipas ang maraming taon at meron na siyang dalawang anak. Kung kailan tahimik na ang kaniyang buha...