MAGING ang panahon ay nakikidalamhati sa pagkamatay ni Roger. Walang tigil sa pagluha ang ulan habang nagmukha namang pulutong ng itim na mga kabute ang mga payong kung titingnan ang sementeryo mula sa itaas.
Nagluluksa sa puntod ni Roger ang buong angkan ng Villarama.
"Sinong halimaw ang may kagagawan nito sa anak ko?!" sigaw ng ina ng lalaki na halos yakapin na ang ataul ng anak.
"Melissa, tama na." Pinigilan ni Ret. Gen. Delfin Villarama ang kabiyak. Tuyo ang mga mata ng dating heneral ng AFP, ngunit mababakas sa madilim na mukha nito ang pagluluksa sa pagkamatay ng panganay na anak. "This won't end here, Roger. Magbabayad ang sinumang may kagagawan nito sa'yo," pangako ng heneral pagkatapos tuluyang mailibing ang anak.
Mangilan-ngilan na lang ang natitirang mga tao sa sementeryo. Sa 'di kalayuan mula sa puntod, naroroon si Celine at tahimik na lumuluha.
Wala na si Roger.
Napatay niya ito.
"Roger, anong gagawin ko?" bulong niya na animo'y naghihintay ng kasagutan.
Umaasa pa rin si Celine na masamang bangungot lang ang lahat-lahat. Hindi biro ang iniyak niya nang gabing napatay niya ang asawa. Sa pagbalik niya sa katinuan, nakita niya si Roger na duguan.
"Roger... Please come back." Napunta sa paghagulhol ang kanina'y mahina niyang paghikbi. "Hindi ko kayang mag-isa." Sobrang sakit ang nararamdaman niya sa dibdib nang mga oras na 'yun. Kung maaari lang, mamatay na rin siya. "Hindi ko kayang mag-isa. I need you."
Ipinalabas sa medya ng mga Villarama na napatay si Roger ng mga kidnappers. Pinilit diumano nitong iligtas nang mag-isa ang mga anak by giving ransom and without coordinating to the police. Ngunit hindi tumupad sa usapan ang mga kidnappers at binaril nila si Roger. Tinangay ng mga ito ang ransom money at magpahanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ang mga halang na bituka ng mga awtoridad.
Mapalad na nailigtas ng mga rumesponding kapulisan ang dalawang anak ni Roger Villarama. Ngunit sadyang na-trauma ang mga ito kaya hanggang ngayon ay 'di pa rin makunan ng testimonya.
Samantala, nawawala naman ang dating asawa ni Roger. Ayon sa doktor ng pamilya Villarama, dumadaan ngayon sa matinding depresyon si Celine. At humihingi ng tulong sa publiko na ipagbigay-alam sa mga ito kung sakali mang mamataan nila ang babae.
Iyon ang naging laman ng mga balita sa telebisyon at sa mga pahayagan. Pawang mga kasinungalingan. Mapait na napangiti si Celine. Dahil narito ang pumatay. Muling bumigat ang loob niya. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balita sa mga anak.
Ngunit mas minabuti niya nang nasa poder ng pamilya ni Roger ang mga ito. Hindi ligtas sina Cindy at Claire sa piling niya.
Totoo nga ang sabi sa kaniya noon ng kaniyang lola bago siya umalis sa Hacienda Azul. Hindi niya matatakasan kahit kailan ang kaniyang pinagmulan. Hahabulin siya nito tulad ng 'di matapos-tapos na bangungot na paulit-ulit na magbabalik.
"Paalam Roger." Walang tigil ang pagbuhos ng mga luha niya, tulad ng mabagal na pagpatak ng ulan nang mga oras na 'yun. "Good bye Cindy... Claire..."
Magpapakalayo siya. Malayong-malayo sa mga ito.
#
MABAGAL ANG usad ng panahon sa baryo nila. Hindi tulad ng oras sa siyudad, mabilis lumipas ang magdamag. Walang magawa ang mga tao minsan. Pagkatapos ng kani-kanilang trabaho, sa k'wentuhan nauuwi ang karamihan. Tsismisan sa mga kababaehan at k'wentong barbero at payabangan naman sa mga kalalakihan.
Sa ganun, umiinog ang mundo ng mga taga-Pulang Lupa, isang tagong baryo sa Albay.
"Diyos ko, hindi pa ba namamatay? 'Di ba ang tagal na n'ung naghihingalo?"

BINABASA MO ANG
Celine
HororPagkatapos ng nakapaninindig na near-death experience ni Celine sa Baryo Maaswang, pinilit niyang mamuhay nang normal at magbagong-buhay sa Maynila. Lumipas ang maraming taon at meron na siyang dalawang anak. Kung kailan tahimik na ang kaniyang buha...