NANG dumating ang roomboy ay agad siyang natakam nang makita ang dala nitong pagkain. Kaagad niyang ni-lock ang pinto nang makaalis na ang roomboy at pagkatapos ay inumpisahan na niyang lantakan ang pagkain.
Ilang saglit lang at naubos na niya ang pagkain. Grabe ang gutom niya. Para siyang 'di kumain ng isang buong araw.
Hindi pa siya nakakatayo mula sa kanyang kinauupuan nang may mag-doorbell. Napilitan tuloy siyang tumayo upang tingnan kung sino ang dumating.
Isang nakangiting Ryan ang bumungad sa kanya. Malapad ang pagkakangiti nito na para bang ang bait-bait, kahit hindi.
Nakakain na rin siguro ang kumag na ito kaya in good mood na, naisip niya. "Anong kailangan mo?" Tinaasan niya ito ng kilay.
"Yayayain sana kitang doon na lang kumain sa unit ko," nakangiti pa rin nitong sagot. "Malungkot kumain nang mag-isa, eh."
"H-ha?" Iyon lang ang nasabi niya. Eh, paano ba naman niya sasabihin na tapos na siyang kumain at ubos na ang pagkain?
"Ano? Ayaw mo ba akong makasabay kumain?"
"Sigurado ka?"
"Mukha ba akong nagbibiro?" Medyo nagtangka pa itong sumilip sa loob ng unit niya. "Papasukin mo ako para matulungan kitang maglipat ng food mo sa unit ko."
Sunod-sunod ang naging pag-iling niya na ikinapagtaka naman ni Ryan.
"Bakit? Anong problema?"
"Ikaw na lang ang kumain. Dito na lang ako," mariin niyang pagtanggi.
"Eh, bakit nga? Hanggang ngayon ba naman galit ka pa sa akin? Ang bait-bait ko na nga," nag-puppy eyes pa siya kay TineJoy.
Muntik na siyang mapabunghalit ng tawa dahil sa ginawa ni Ryan pero nanaig pa rin ang pagnanais niyang paalisin ito. "Sige na, kumain ka na roon sa unit mo. Dito na lang ako."
"Eh, kung dito ka kakain dadalhin ko na lang dito ang food ko."
"Hindi nga puwede, ang kulit mo naman eh!" Sininghalan na niya ito para mapilitan nang umalis.
Pero si Ryan ay nuno ng kakulitan. Hindi pa rin ito huminto sa pamimilit na makasabay siyang kumain. "Hintayin mo ako rito, kukunin ko lang ang pagkain ko." At aalis na sana ito para kunin sa unit nito ang pagkain ngunit maagap niyang nahawakan ito sa braso.
"Wait! Teka lang."
"Bakit?" nagtatakang tanong ng lalaki.
"Hindi nga tayo puwedeng magsabay na kumain..."
"Ha? Eh, bakit nga?"
"Kasi... Kasi, ubos na ang pagkain ko. Tapos na akong kumain," nahihiya niyang sagot.
Napabunghalit ng tawa si Ryan
"Seriously?" Hindi siya makapaniwala. "Ubos na ang food mo? Kinain mo na?"Nahihiya siyang tumango.
Mas lalo pang lumakas ang halakhak ni Ryan.
"Anong nakakatawa?" Kahit nahihiya ay pinilit niyang huwag magpa-intimidate sa Ryan na ito.
"Ikaw. Nakakatuwa ka," natatawa pa rin niyang sabi. "Imagine, naubos mo kaagad iyong pagkain, eh kaka-deliver lang no'n, 'di ba? Naubos mo agad?"
"Eh, gutom na ako pakelam mo ba? Walang masama sa ginawa ko. Hindi mo naman sinabi na sasabay ka sa akin." Pinanindigan na niya talaga ang nangyari.
"Ang sabihin mo, ang takaw mo!" At muli siyang humalakhak na parang wala nang bukas.
"Buwisit ka! Kahit kelan napakayabang mo! Akala mo kung sino kang guwapo." Sinabayan niya iyon ng pagwo-walkout. Mabilis siyang tumakbo papasok sa loob ng unit at isinara ang pinto.
Inaasahan niyang kakatok si Ryan at magso-sorry sa kanya pero napanis lang siya sa kahihintay. Walang Ryan na nagparamdam. At nang silipin niya ito sa labas ay hindi na niya nakita ang impaktong lalaki. Pumasok na ito marahil sa unit nito.
Mabuti naman kung ganoon. Ang akala talaga niya ay hindi na siya lulubayan ng pang-aasar ni Ryan. Niligpit niya ang pinagkainan at pagkatapos ay nagpasya siyang maligo. In-enjoy niya nang husto ang maligamgam na tubig na lumalabas sa dutsa. Kalalabas lang niya ng banyo nang tumunog na naman ang doorbell.
Wala sa loob na binuksan niya ang pinto. Nawala sa isip niyang nakatapis lang siya ng tuwalya.
Binuksan niya ang pinto. Kitang-kita niyang nanlaki ang mga mata ni Ryan nang makita siya sa ganoong ayos.
"Anong nangyari sa'yo? May suman festival ba rito sa unit mo?" natatawang tanong nito sa kanya.
At saka lang tila naalala ni TineJoy na nakatapis lang siya ng tuwalya. Tatalikod sana siya para magtungo sa kuwarto at makapagsuot ng damit pero narinig niyang nagkomento si Ryan.
"Ngayon ka pa aalis kung kelan nakita ko na," natatawa nitong sabi.
Nanlaki ang mga mata niya. "Anong nakita? Wala kang nakita." Pinandilatan niya ang lalaki.
"Meron! Ayan, o. Drum na nakabalot sa tuwalya. Para kang giant lumpia."
"Ha!!!" hindi makapaniwalang sabi niya. Ang bastos ng lalaking ito.
"Pumupunta ka lang ba talaga rito para inisin ako?" singhal niya rito. Nakakasama naman ng loob na makakasama niya ng sampung araw ang lalaking ito tapos puro konsumisyon lang pala ang ibibigay nito sa kanya. "Ang kapal naman ng mukha mo. Akala mo kung sino kang guwapo!"
"Well, guwapo talaga ako," kalmado nitong sagot na bahagya pa ngang natatawa. Balewala lang rito ang nakikitang pagtataray ni TineJoy. Aliw na aliw itong makitang naaasar ang matabang babae. "Mapupunta ba tayo rito kung hindi ako guwapo? Mai-invite ba tayo sa fashion show competition dito kung hindi ako guwapo?"
"Mayabang!"
"May ipagyayabang naman." Pumorma pa ito at nagpapogi sa kanyang harapan. "Hindi ka ba naguguwapuhan sa mukhang ito?"
"Hindi! Hindi! At isa pang hindi!" talak niya rito. "Umalis ka na at magbibihis na ako!"
"Hindi naman kita panonooring magbihis ah," natatawa na namang sabi nito. "At wala akong balak na makita nang personal ang mga kolesterol mo." Kitang-kita niya sa mukha nito na nagpipigil lang itong humalakhak. Gustong-gusto talaga ng Ryan na ito na asarin siya.
"At wala ka rin bang balak tumigil sa kaaasar sa akin? Nakakapikon ka na, ah! Umalis ka na nga. Alis!" pagtataboy niya rito.
"Hindi. Ba't ako aalis, hindi mo pa nga ako pinapapasok?"
"At bakit kita papapasukin?"
"Bisita ako. Nag-doorbell ako, binuksan mo ang pinto, pero 'di mo ako pinapasok."
"Dahil quota na ako sa pang-aasar mo. Kapag pinapasok pa kita, aba baka hindi ako makapagpigil---"
"Baka 'di ka makapagpigil, reypin mo ako?" At tuluyan na nga itong humalakhak.
"Ang kapal ng mukha mo! Hindi kita type unggoy." At bigla niyang isinara ang pinto.
Naiwan sa labas si Ryan na hindi pa rin mapigilan sa paghalakhak. Ilang saglit pa ay muli itong nag-doorbell. Paulit-ulit.
Sa loob ay nagbibihis na si TineJoy. Wala siyang pakialam kung paulit-ulit na pindutin ni Ryan ang doorbell. Nang matapos siyang magbihis ay saka niya muling binuksan ang pinto.
Madilim na mukha ni Ryan ang sumalubong sa kanya. Galit na ba ito? Siya naman ang tila gustong matawa sa nakitang itsura ng lalaki.
"Ano? Bata lang? Naglalaro ng doorbell?" nakataas ang kilay na singhal niya rito. Nakita niyang hindi nagbago ang itsura nito. Salubong pa rin ang kilay.
Nakatitig lang sa kanya ang masungit na mukha ni Ryan. Walang salita. Titig lang talaga. Pagkatapos ay walang imik itong naglakad pabalik sa unit nito.
BINABASA MO ANG
Curves & Edges
HumorPag nagmahal ka, piliin mo kahit hindi seksi. Alalahanin mo, magmamahalan kayo... hindi rarampa. ALL RIGHTS RESERVED. Rank 139 in Humor - Jan 1, 2018 Rank 288 in Humor - Dec 29, 2017 Rank 869 in General Fiction (May 7, 2017)