NANG dumating sa kuwarto niya ang pagkaing inorder ni Ryan para sa kanyang hapunan ay wala pa ring imik ni TineJoy. Hindi pa rin siya maka-get over sa nangyari kaninang hapon. Iyon na yata ang pinakamasamang bangungot na nangyari sa kanyang buhay. Hindi niya gugustuhing maulit pa iyon saan mang bansa, sa kahit anong pagkakataon.
Inilagay niya sa mesa ang pagkain pero hindi niya iyon ginalaw. Wala talaga siyang gana kahit na ba mukhang napakasarap ng pagkaing inorder ni Ryan para sa kanya.
Nagbukas na lang siya ng telebisyon para libangin ang sarili.
Nasa kasagsagan siya ng panonood ng palabas sa telebisyon nang marinig niyang tumunog ang doorbell. Nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kanya si Ryan na naka-shorts at t-shirt lang at may dalang tuwalya.
"Bakit?" suplada niyang tanong sa binata.
"Nasira kasi 'yung shower sa room ko. Makikiligo na lang muna ako sa bathroom mo," kampante nitong sagot.
Napamulagat si TineJoy. "Ba't 'di mo itawag sa customer service para ayusin nila?"
"Naitawag ko na. Ano, hihintayin ko pa ba 'yung gagawa bago ako maligo?" napapantastikuhan niyang tanong.
"Dito ka pa talaga maliligo?" Tinaasan niya ng kilay ang lalaki.
"Eh, ano naman? Bawal?" argumento pa niya.
"Saan ka naman nakakita ng naka-check in sa hotel tapos bigla-biglang kakatok sa katabing kuwarto para makiligo, aber?" Inangasan niya ang kausap.
"So, ayaw mo? Sabihin mo lang, hindi naman kita pipilitin. Pero let me remind you na kung hindi dahil sa akin, baka naghihimas ka pa ng rehas na bakal ngayon doon sa presinto," salubong ang kilay na sabi ni Ryan kay TineJoy. "Sana pala pina-experience ko sa'yo kahit overnight man lang sa kulungan. Para magtanda ka!" dugtong pa nito.
"Eh, 'di sana nga hindi mo na lang binayaran 'yung penalty para mag-isa ka lang sa event bukas. Tingnan natin kung hindi ka mangarag. Napaka-dependent mo pa naman sa ibang tao. Hindi ka makakilos para sa sarili mo. Magtimpla nga ng kape, inuutos mo pa sa iba," diretsong sabi ni TineJoy. Tila wala itong balak magpatalo sa kaharap.
"Ang dami mong sinasabi. Mahirap ba ang hinihingi ko? Makikiligo lang, o! Makikiligo lang po sana ako, mahal na prinsesa," nanggigigil niyang sabi. Malapit na talagang maubos ang pasensya niya sa matabang babaing ito. "Ganyan ka ba talaga? Napakadamot mo!"
Lalong nagusot ang mukha ni Tinejoy at humaba pa ang nguso. Tumirik pa ang mga mata niya tanda ng pagkainis sa kausap.
Maya-maya pa ay huminga siya nang malalim at saka nakasimangot na tiningnan ang lalaking nasa labas pa rin at naghihintay na papasukin niya.
Umalis siya sa pagkakaharang sa pintuan. "Ayan, pumasok ka na at maligo. Bilisan mo. Baka naman magpraktis ka pa ng fashion show sa banyo," salubong ang kilay na sabi niya.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik pa si Ryan. Mabilis siyang pumasok sa loob at dumiretso sa banyo ng unit ni Tinejoy.
"Wow, ha! Kabisadong-kabisado?" pagtataray pa niya sa lalaki.
Saglit na huminto si Ryan at sumagot, "Eh pareho lang din naman ito sa unit ko. Kaya alam ko kung nasaan ang banyo." Bago pa nakasagot si Tinejoy ay narinig na niya ang pagsara ng pinto ng banyo.
Umupo siya sa sofa, dinampot ang remote control at binuksan ang tv habang hinihintay niyang matapos sa paliligo si Ryan. Madalas ang sulyap niya sa pinto ng banyo na para bang inip na inip sa paglabas ng lalaki. Ang itsura ni TineJoy ay nagpapakita ng pagkainis. Hindi nawawala ang pagsasalubong ng kilay niya at gusot sa mukha.
Nang biglang bumukas ang pinto ng banyo at iniluwa si Ryan ay halos malaglag ang baba ni TineJoy sa nakita. Napalunok pa siya at saka tila wala sa sariling napanganga. Si Ryan ay nakatapis lang ng tuwalya mula baywang pababa at ang katawan nito at medyo basa pa patunay ang mga butil ng tubig na bumabagsak mula sa basa nitong buhok patungo sa balikat nito. Hindi namalayan ni TineJoy na nasa harapan na niya si Ryan at nakakaloko ang pagngisi nito.
"Masarap ba ako?" tila nang-aasar na tanong ni Ryan.
Wala sa sariling napatango si TineJoy at saka muling lumunok. "Oo..."
Napabunghalit ng malakas na tawa ang lalaki na siyang nagpabalik sa katinuan ni TineJoy.
"Sabi ko nga ba at pinagnanasaan mo ako, eh!" Hindi nawawala ang nakakalokong itsura ng muka ng lalaki.
Nakaramdam ng pagkapahiya si TineJoy. "Hindi, ah! Kapal ng mukha mo. Bakit kita pagnanasaan, guwapo ka ba?" singhal niya rito.
"Dahil masarap ako. Hindi ba, kasasabi mo lang?" Natatawa pa rin si Ryan.
"Hindi, noh? Lumayas ka na nga rito. Baka nakakalimutan mo, babae pa rin ako. Hindi magandang halos hubad ka na sa harapan ko."
Kumunot ang noo ni Ryan at nagsalubong ang mga kilay.
"Alis!" pagtataboy sa kanya ng babae.
Itinaas niya ang dalawang kamay na para bang sumusuko pero hindi pa rin nawawala ang nakakalokong ngiti. "Okay, 'wag kang high blood. Aalis na ako..." Kalmadong naglakad si Ryan patungo sa pintuan. Nakasunod lang ng tingin si TineJoy.
Binuksan ni Ryan ang pinto pero bago tuluyang lumabas ay nilingon niya si TineJoy at saka muli siyang nagsalita. "Pasensya na, malay ko ba naman na babae ka pala..." At saka muli siyang humalakhak.
"Bastos!" Mabilis niyang dinampot ang remote control ng tv at ibinato kay Ryan. Pero mas mabilis na nakalabas ang lalaki at naisara ang pinto kaya hindi niya ito tinamaan. Sa pinto na tumama ang remote control at saka bumagsak sa sahig. Basag!
Matutulog na sana siya nang muling maligaw sa unit niya si Ryan. Preskung-presko ang itsura nito sa suot na white shirt at khaki cargo shorts.
"Ano na naman ang kailangan mo?" singhal niya rito kahit ang totoo ay gusto niyang matulala sa kaguwapuhang nakabalandra sa kanyang harapan.
"Kumain ka na ba? Sabay na lang tayo." Bakit ang pakiramdam niya'y nagpapa-cute sa kanya ang lalaking ito.
"Kanina pa po ako tapos kumain. Matutulog na nga ako nang mag-doorbell ka."
Bahagyang nagsalubong ang kilay ni Ryan. "Ang aga pa para matulog."
"May lakad pa po tayo bukas. Hindi ko naman pinangarap na ma-late ka nang dahil sa akin Baka masisante pa ako. Kaya bumalik ka na sa unit mo at matulog ka na rin. Maliban na lang kung gusto mong magmukhang bilasang tilapia bukas sa event. Nakakahiya naman..."
"Ang dami mo nang sinabi. Gusto ko lang naman na may makasabay kumain."
"Eh, tapos na nga ako. Kanina pa. At wala akong balak na kumain ulit. Diet ako."
Muntik nang mapabunghalit ng tawa si Ryan. Ang tabachingching na si TineJoy, diet daw? Gusto niya talagang humalakhak nang malakas na malakas kundi lang niya napigilan ang kanyang sarili.
Akmang isasara na ni TineJoy ang pinto pero mabilis itong pinigilan ni Ryan. "Nag-uusap pa tayo. Napakabastos mo naman."
"Matutulog na nga ako. Hindi ka ba marunong umintindi? Inaantok na ako. Ngayon, kung ayaw mo pang matulog, magpatulog ka!" Bigla niyang isinara ang pinto at sinigurong naka-lock iyon.
Naiwan sa labas si Ryan na walang nagawa kundi bumaik na lang sa kanyang sariling unit na madilim ang mukha. Naiinis ba siya sa ginawa ni TineJoy o mas naiinis siya sa sarili niya?
Ewan. Hindi niya alam.
Minabuti na lang niyang matulog na rin. Tama naman ang sinabi ng tabachoy na 'yon. Mahirap nang magmukha siyang haggard bukas sa event. Haggard, na sa lenguwahe ni TineJoy ay mukhang bilasang tilapia.
Bahagya siyang napangiti nang maalala ang sinabing iyon ng babaeng mataba.
At saka niya napuna, bakit ba ang bilis niyang mainis kay TineJoy?
Pero ang bilis niya ring mapangiti maalala lang niya ang isang simpleng bagay na ginawa o sinabi nito.
Natakot siya sa naisip na posibleng sagot sa kanyang tanong.
Imposible 'yon!

BINABASA MO ANG
Curves & Edges
HumorPag nagmahal ka, piliin mo kahit hindi seksi. Alalahanin mo, magmamahalan kayo... hindi rarampa. ALL RIGHTS RESERVED. Rank 139 in Humor - Jan 1, 2018 Rank 288 in Humor - Dec 29, 2017 Rank 869 in General Fiction (May 7, 2017)