Chapter 5 - Personal Alalay

354 28 9
                                    

"ATE..."

"O, bakit?"

"Pupunta ako ng Singapore sa lunes. Dalawang linggo ako roon."

Kumunot ang noo ng ate Ana ni TineJoy. "Anong gagawin mo roon?"

"Ako ang pinasasama sa model namin na lalaban ng modelling competition doon. Buntis kasi 'yung madalas na sumasama sa mga ganung event. Ako 'yung napiling kapalit."

"Well, big break na para sa'yo 'yan, at magandang opportunity na rin. Imagine, makapagtra-travel ka na for free, babayaran ka pa."

"Problema lang..."

"Ano?"

"Hindi ko kasundo 'yung model na sasamahan ko. Napakayabang, palibhasa sikat siya."

"Sino ba 'yun?"

"Si Ryan Ronquillo."

"Wow, sikat nga!" Biglang na-excite ang kapatid ni TineJoy.

"Mayabang naman."

"Hayaan mo na. Sakyan mo na lang ang mga trip niya. Pupunta naman kayo roon para sa trabaho, so siguro naman he'll act professionally.

"Haay... Sana nga, ate."

***
MAAGANG GUMISING si TineJoy nang umagang iyon. Sabado naman, walang pasok kaya plano niyang gumala sa mall. Kagabi ay niyaya niya ang ate niya na manood ng sine pero tumanggi ito dahil may overtime work sa opisina. Sinubukan din ni TineJoy na yayain si Irish pero a-attend daw ito ng high school reunion kaya no choice na si TineJoy kundi gumalang mag-isa. Eh, sino pa ba ang pwede niyang isama? Wala naman siyang masyadong kakilala dito sa Manila.

Haay buhay...

Nag-ring ang cellphone ni TineJoy. Numero lang ang naka-register sa phone. Walang pangalan.

"Hello..." sinagot ni TineJoy ang tawag.

"Si Kristine Joy ba ito?" malamig ang boses na narinig ni TineJoy.

"Oo, sino 'to?"

"Ryan..."

"Sinong Ryan?"

"Ronquillo."

Nanlaki ang mata ni TineJoy. "Ryan Ronquillo? Paano mong nalaman ang number ko?"

"Hindi na importante 'yun. Tumawag lang ako para sabihin sa'yo na since tayong dalawa ang magkakasama sa Singapore, mas okay siguro kung magkakakilala tayong mabuti para mas makapagtrabaho tayo nang maayos."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Pwede ba tayong magkita mamaya?" diretsong tanong ni Ryan.

"Are you asking me for a date?!" bulalas ni TineJoy. Maging siya ay hindi alam kung bakit iyon ang lumabas na tanong sa bibig niya. Na-overwhelm ba siya na ang mayabang na si Ryan Ronquillo ay nag-effort na tawagan siya para sabihing magkita silang dalawa?

"Asa ka. Gusto ko lang makilala 'yung taong makakasama ko ng dalawang linggo sa Singapore. Para makapagtrabaho ako nang maayos at tama."

"Hindi ako puwede. May lakad ako mamaya."

"Hanggang anong oras ba ang lakad mo? Baka naman puwede pagkatapos. Wala na kasi tayong time. Sa lunes na ang flight natin."

"Eh, pupunta kasi ako sa mall. Manonood sana ako ng sine."

"Ikaw mag-isa?"

"Oo, ano naman ang masama?"

"Ba't wala kang kasama? Ganun ba kasama ang ugali mo at wala ka man lang kaibigan na gustong sumama sa'yo?"

"Excuse me! Hindi masama ang ugali ko. Kung merong masama ang ugali sa ating dalawa, I'm sure ikaw 'yun." Kung kaharap lang sana ni TineJoy si Ryan, nakita sana niya kung paanong naningkit ang mga mata nito.

"So, 'yun pala ang pagkakakilala mo sa akin? Masama ang ugali."

"Because I've seen it a few times already. And I'm quite convinced na natural na sa'yo ang manghiya ng tao. Na parang ikaw lang ang anak ng Diyos at kami ay tae mo lang!"

Bahagyang nagulat si Ryan sa kaprangkahan ng kausap. Pero wala sa bokabularyo niya ang salitang intimidate. Hindi si Ryan Ronquillo ang magyuyuko ng ulo sa isang babaeng matayog magsalita gayung ang totoo ay alalay lang naman niya ito pagdating nila sa Singapore. Ano ba ang akala ng Kristine Joy na ito, isasama siya sa Singapore para mag-cover ng event? Hindi! Isasama siya para mag-handle ng schedules at activities niya. In short, personal assistant. Pinaganda lang. Pero sa tagalog, alalay!

"We'll meet at 4pm sa Resorts World. Hindi puwedeng hindi ka dadating. I won't take no for an answer," madiin na sabi ni Ryan. Puno ng awtoridad ang boses nito. Gusto nitong iparamdam sa babaeng kausap na sa kanilang dalawa, siya ang may karapatang magdikta kung ano ang puwede at hindi puwedeng gawin.

Pero si TineJoy ay isang babaing palaban at matigas din ang ulo. "Paano kung hindi ako dumating? Remember, Sabado ngayon. Wala akong pasok sa trabaho. Kaya ako ang magsasabi kung ano ang gusto kong gawin sa araw na ito. And I'm so sorry to say na hindi kasama sa schedule ko ngayon ang makipagkita sa'yo."

"I can always ask Eve na palitan ka. Or worst, tanggalin ka sa trabaho mo."

"Then do it. Sabi mo nga, sa lunes na tayo lilipad papuntang Singapore. Wala nang oras para palitan pa ako. At hindi rin ako natatakot mawalan ng trabaho lalo na kung ikaw rin lang naman ang makikita ko sa araw-araw na ginawa ng Diyos."

"Anong problema mo? I just want us to have a good working relationship pagdating natin sa Singapore. Why are you making it so hard for the both of us?" Tuluyan nang inilabas ni Ryan ang nararamdamang inis sa kausap.

"Wala akong problema. Tanungin mo ang sarili mo, baka ikaw ang meron. Huwag kang mag-alala, ang ugali ko ay nakadepende sa ugali ng taong kausap ko. Maayos akong kausap. Hindi kita bibigyan ng problema sa Singapore basta ba huwag kang aasta na parang nabili mo na ang pagkatao ko. Hindi natin kailangang magkita mamaya para lang maging maayos ang pagtatrabaho natin. Matuto ka lang rumespeto ng tao, wala tayong magiging problema." Hinintay ni TineJoy na sumagot si Ryan. Pero wala siyang narinig na ano mang reaksyon mula sa binata.

"Hello? Hello! Andyan ka pa ba?" tanong ni TineJoy. "Hello!"

Nanatiling walang sumasagot kay TineJoy. Gigil na gigil ang dalaga. "Haay, bastos talaga! Goodbye!"

"O, sino'ng kaaway mo diyan?" Hindi namalayan ni TineJoy ang pagpasok ng ate Ana niya sa kanilang silid.

"Sino pa ba? Eh 'di 'yung mayabang na Ryan Ronquillo na 'yun."

"Oww, talaga? Bakit ka tinawagan? O, baka naman ikaw ang tumawag? Crush mo ba?"

Nanlaki ang mga mata ni TineJoy. "Ate! Diyos ko! Never kong tatawagan ang hambog na lalaking 'yun."

"Eh bakit ka nga tinawagan?" pangungulit ng ate ni TineJoy.

"Wala, nang-iinis lang. Sabi ko naman sa'yo mayabang 'yun, eh."

"O, siya! Sumunod ka na sa akin dito sa kusina para makapag-almusal na tayo. Ang aga-aga, lalaki ang inaatupag mo."

"Susmiyo! Maghunos-dili ka nga, ate!"

Humalakhak lang si Ana. Tuwang-tuwa ito na naaasar niya ang nakababatang kapatid.

Curves & EdgesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon