Peste talaga siya sa buhay ko! Lagi na lang niya akong hinihingian ng papel, hinihiraman ng ballpen, pati kinokopyahan sa quizzes at exams! Kakapal talaga ng mukha.
"Bakit ba ako ang lagi mong binibwisit, ha? Wala ka bang ibang kaibigan, ha?!"
May quiz kami ngayon at ako na naman ang pinepeste niya.
"Ikaw lang ang kaibigan ko sa klase na ito. Ayoko sa kanila."
"Ayoko sa iyo. At hindi kita kaibigan."
"Ouch." Umakto pa siyang nasasaktan pero tumatawa naman siya. Inirapan ko siya at inabutan na ng papel.
"Hindi raw kaibigan pero hindi naman ako natiis."
Hindi ko na siya pinansin. Kinalabit niya ako. Nasa gawing kaliwa ko siya.
"Ano na naman ha?! Wala kang ballpen?!" Inis na bulong ko sa kanya.
"Grabe ka. Sasabihin ko lang na kahit hindi kaibigan ang turing mo sa akin, kaibigan pa rin ang turing ko sa'yo."
Nagsulat na siya habang ako, naiwang nakatingin sa kanya. Naisip ko kung ano ba talaga ang trip nito sa buhay. Oo, may itsura siya at aware ako na marami ang nagkakagusto sa kanya hindi lang sa section namin, maging sa buong university.
"Ano, naga-gwapuhan ka na sa akin? Alam ko naman, e." Nag-angat siya ng tingin at ngumisi.
"Kakapal talaga ng mukha mo," inirapan ko siya at bumalik na sa pagsusulat. Hindi ko namalayang nakatingin na pala ako sa kanya nang matagal. Ayan, nakuha pang magmayabang sa harap ko.
Tinapos ko na ang quiz at nag-ayos na ng gait. Hindi ko na hinintay pa matapos ang iba kong kaklase dahil wala naman akong kaibigan ni isa sa kanila. Dumiretso na ako ng canteen kaso may naramdaman akong humawak sa braso ko.
"Tatakas ka na naman." Ang hambog, nasa harap ko.
"Anong tatakas ang sinasabi mo? Pwede ba, huwag mo akong bwisitin. Mainit ang ulo ko kapag nagugutom ako." Yun lang at binilisan ko ang lakad ko. Dumiretso ako sa bilihan at kumuha ng ham sandwich saka blue lemonade.
"Magkano lahat ng babayaran ko, ate?" Tanong ko sa tindera.
"May nagbayad na niyan." Kumunot ang noo ko sa tindera. Bakit ba sa tuwing bumibili ako, laging may nagbabayad na agad?
"Sino na naman?" Sinundan ko ang itinuro niya at nakita ko ang hudas na nakaupo na sa isang table at ngumisi. Umirap ako at tumingin sa tindera.
"Hindi naman siya ang kakain. Ako. Kaya tanggapin mo ang bayad ko."
"Pero kasi, kapag tinanggap ko po 'yan, mawawalan po ako ng trabaho."
"B-bakit?"
"Susumbong niya po ako sa lolo niya na may-ari ng university na ito."
"Siya ba ang dahilan kung bakit libre lagi ang kinakain ko?"
Tumingin lang sa akin ang tindera at tumango. "Hindi ko talaga matatanggap 'yan. Uhh... Next, please." Hindi na ako pinansin ng tindera at kinausap ang nasa likod ko na susunod na bibili.
Wala na akong magawa kundi tumalikod at nakita ko ang hudas na nakatingin sa akin. Sumenyas pa na pumunta ako sa table niya pero hindi ko siya sinunod. Humanap ako ng ibang upuan at tahimik na kumain ng pagkain ko. Lagi na lang niyang ginagawa ito. Okay lang kasi nakaiipon ako ng pambaon ko. Para hindi na nahihirapan si Mama na magbigay ng pambaon ko at sa mga extra na gastusin sa pag-aaral.
Nakita ko siya sa gilid ng mata ko na tumayo at um-order na rin ng pagkain niya. Binilisan ko na ang kinakain ko. Naalala ko, gagawa pa ako ng assignment namin sa Statistics. Tumayo na ako at inayos ang kalat.
"Saan ka pupunta?" Nag-angat ako ng tingin at nakita na dala-dala niya ang in-order niya.
"Bakit mo ba tinatanong?"
"Bakit kasi ayaw mo na lang sumagot?"
"Bakit ba kasi namumwisit ka na naman?!" Medyo tumaas na naman ang boses ko.
"Wala... Hindi naman kita iniinis. Wala ka kasing kasamang kumain kaya sana sasamahan kita kaso tapos ka na pala."
"Kaya ko naman mag-isa, e." Iniwas ko ang tingin sa kanya.
"Kaya mo pero gusto kitang samahan. Kasi kaibigan mo ako."
"Salamat, pero hindi mo na kailangan pang gawin 'yon. Pati ang pananakot sa tindera na aalisin siya kapag nagbayad ako. Huwag mo nang gawin 'yon Hindi naman kailangan. Sige, mauna na ako."
Paalis na sana ako pero may nabunggo ako. Naramdaman ng katawan ko ang malamig na juice na tumapon sa dibdib ko.