"WHAT THE HELL?!" Napatingin ang lahat ng nasa canteen sa amin.
"S-sorry! U-uhhh... Hindi ko nakita na mabubunggo kita." nag-angat ako ng tingin sa nabunggo ko. Kaya pala nakatingin na halos lahat sa amin dahil isa siya sa mga kilala sa school na ito. Cheerleader ng school, si Nicka Clarrize Soliven.
"Next time, titingin ka sa mababangga mo at sa dadaanan mo, okay? Paano na 'yan, wala na akong juice!" Maarte niyang sabi sa akin sabay halukipkip niya.
"A-ah... Bibilhan na lang kitang bago-"
"Mahal 'yang juice na 'yan! Fresh juice pa 'yan! My ghad!" Sabay irap niya sa akin.
"Huwag kang mag-alala, bibili-"
"Nicka..." napatingin ako sa gilid ko, nandun na pala nakatayo si Andrei.
Nagbago bigla ang itsura ni Nicka. Biglang namula at nawala ang mataray niyang itsura.
"A-andrei..." Ngumiti siya kay Andrei. Lihim akong napailing. Grabe talaga ang epekto ni Andrei sa mga babae.
Nagulat ako ng naglahad ng panyo sa harap ko si Andrei. Nag-angat ako ng tingin sa kanya at sumemyas siya na kuhanin ko na. Hindi ko na sana kukuhanin kaso nanlalagkit na ako sa juice na natapon sa akin.
"Ako na ang bibili ng juice mo." Sabay tingin niya kay Nicka pagkaabot ko ng panyo.
"N-nako, hindi na. Hayaan mo na. I can buy another juice. Nakakahiya naman sa'yo." Sabay ngiti niya. Abot yata hanggang tenga ang ngiti niya kay Andrei.
"P-pasensiya na talaga, Nicka."
"It's okay, next time be careful okay?" Nagulat man ako sa pagpapalit niya ng mood pero wala na akong pakialam. Kailangan ko ng makapagpalit.
"Are you sure, Nicka? Don't worry. Kaya ko namang palitan 'yung juice mo. May pagkain pang kasama. Huwag ka nang tumanggi." Singit ni Andrei sa usapan namin.
"Uhmm.... Sige na nga! Mapilit ka, e." Napatingin lang ako sa kanilang dalawa.
"A-aalis na ako. Maiwan ko na kayo. Pasensiya na ulit, Nicka. Hindi na mauulit."
"Okay, you're forgiven." ngiting-ngiti niyang sabi sa akin at umabrisete na kay Andrei.
Tumango lang ako at tumalikod na sa kanila. Pumunta na ako sa locker ko para makapagpalit. Lagkit na lagkit ako sa juice na natapon sa akin. Buti na lang talaga naglalagay ako ng extra shirt sa locker ko.
Kring! Kring!
Napamulat na lang ako dahil may tumatawag sa cellphone ko. Nakatulugan ko na yata ang pagbabantay kay Andrei kagabi.
Pero nandito ako sa kama kung saan nakahiga si Andrei kagabi. Paano? Nasaan na naman siya napunta?
Kring! Kring!
Inabot ko ang cellphone ko sa side table.
"Hello?"
"Lumabas ka d'yan sa kuwarto mo." 'Yun lang at pinatay na ang tawag. Tiningnan ko kung sino ang tumawag. Si Kuya Gino pala. Tsk. Ano na naman bang mayroon at bakit tumawag pa siya? Pwede naman siyang kumatok sa kuwarto ko.
Naghilamos lang ako sa CR sa kuwarto ko at nag-toothbrush saka ako lumabas.
"Kuya Gino... Bakit ba-"
Napatigil ako sa pagsasalita dahil nandoon si Kuya sa salas, prenteng nakaupo sa sofa. At katabi niya si Andrei na walang suot pang-itaas...
"Bunso, sino itong lalaki na ito ha? Bakit may lalaki kang inuwi rito? Anong ginawa niyo? May nangyari ba ha?!"
Nanlaki ang mga mata ko kay Kuya.
"Kuya! Walang nangyari! Anong sinasabi mo d'yan!?"
Lumapit ako sa kanila. Si Kuya napatayo na sa inuupuan niya.
"Bakit nga may lalaki rito?"
"Tinanong mo ba siya kung bakit siya nandito?"
"Hindi niya raw alam. Nanamantala ka pa yata ng kahinaan ng isang tao. Hindi kita pinalaki nang ganyan, Georgina!"
Napatampal na lang ako sa noo ko. Tumingin ako kay Andrei. Ngumiti lang siya nang tipid.
"Kuya! Kaibigan ko 'yan noong college. Nahimatay siya kagabi sa labas ng pinagtatrabahuhan ko at nilagnat! Basang-basa rin siya ng ulan! Hindi ko alam ang bahay niya kaya rito ko dinala! Walang nangyari! Ano bang sinasabi mo?!"
Natahimik si Kuya.
"Okay na ba, ha?" Sabi ko kay Kuya. Tumingin din ako kay Andrei. "Okay na ba?"
Napatango sila parehas.
Napasabunot ako sa ulo ko. "Kaaga-aga, naiistress ako sa inyo!"
"Sorry na bunso, kasi naman. Pagbungad ko, makikita ko siya na walang suot na pang-itaas. Akala ko kung ano na."
Tumingin ako kay Andrei. "Isuot mo nga kasi 'yang t-shirt!"
"Hindi kasi akin ito. Nahiya naman akong gamitin."
"Oo nga, akin 'yan!" Singit ni Kuya Gino.
"Hay! Ewan ko sa inyo!" tinalikuran ko sila at nag-walk-out papuntang kusina.