Kabanata 2

1.3K 41 3
                                    

   "G-guys, tingnan niyo 'tong nakita ko..." Kinikilabutan na wika ni Andrew. Napatingin sa kanya ang lima pa niyang kasama. Halos magtaasan ang lahat ng balahibo nila nang makita nila ang tinutukoy ng kaibigan. Hawak-hawak nito ang isang kutsilyong may mga mantsa ng dugo. Sa katagalan nito ay natuyo na ang kulay pulang markang iniwan ng dugo.

   "Kailangan na talaga nating umalis. Ayoko na, suko na ako. Tama na ang mga biro niyo!" Natatakot at naiirita na si Lovelie. Nagsimula nang mataranta ang lahat. Nagkalat-kalat sila sa mansyon upang hanapin ang pintong magdadala sa kanila sa kabilang bahagi ng pader.

   Sa paghahanap nila ay isang pinto ang nabuksan ni Jofer. Sa lakas ng puwersang ibinigay niya rito ay nadapa pa siya. Hindi na niya napansin na may mahabang stick palang nakakonekta sa likurang bahagi ng pinto. Eksaktong napindot ng dulo ng stick ang isang maliit na telebisyon sa gitna ng kuwarto. Agad nitong nakuha ang atensyon nilang lahat. Sama-sama silang pumasok sa loob ng madilim na silid at umupo sa harapan ng telebisyon.

   Tanging ang ilaw lamang ng imahe sa telebisyon ang nagsisilbing liwanag sa loob ng silid. Noong una'y kulay puti lamang ang mayroon sa screen, ngunit maya-maya'y isang nakakatakot na puppet ang lumitaw sa gitna ng screen. Sira na ang isang mata nito at gulo-gulo ang kanyang mga buhok. Gula-gulanit na rin ang suot nitong damit.

   Ilang saglit pa ang lumipas at isang lalaking nakasuot ng suit at nakatakip ang mukha ang lumapit sa nakakikilabot na manika. Lumuhod ito sa sahig at unti-unting ipinasok ang kanyang kamay sa likod ng puppet upang makontrol ito.

   "Magandang gabi sa inyong lahat..." Panimula ng lalaki. Sa tuwing nagsasalita siya ay siya namang pag-angat niya sa bunganga ng puppet upang pagmukhaing nagsasalita ito. Nagkatinginan ang anim na magkakaibigan nang magsalita ang lalaki. Nakakatakot ang boses nito na parang nanggaling pa sa ilalim ng lupa.

   "Narito kayo dahil kailangan ko ng makakalaro. Matagal-tagal na rin mula nang may huling makipaglaro sa akin, kaso nga lang, wala na sila..." Biglang bumaba ang boses nito na tila nalulungkot. Sa takot ng magkakaibigan ay mas lalo silang lumapit sa isa't-isa.

   "Hindi yata sila nag-enjoy sa mga games ko. Huhuhu!" Hindi na nakapagpigil pa si Karla. Tumayo na siya at inikot-ikot ang kanyang paningin sa apat na sulok ng silid.

   "Tigilan niyo kami! Wala kaming kasalanan sa inyo kaya pakawalan niyo na kami! Mga hayop kayo!" Tila wala sa sarili ang dalaga. Alistong tumayo si Andrew at Jofer upang awatin ang kaibigan. Nang mapakalma nila ito ay muli itong umupo upang makinig sa mga sasabihin ng puppet.

   "Madali lang naman kase ang gusto kong mangyari, gusto ko lang makipaglaro. Kapag natapos na ang laro, maaari nang makalabas ang mananalo..." Napakunot-noo ang karamihan sa kanila dahil hindi nila naiintindihan ang nais maiparating ng nasa telebisyon.

   "N-natatakot na ako..." Pabulong na wika ni Lovelie sa katabing si Angelica. Niyakap na lamang siya ng dalaga upang mawala kahit papaano ang takot na nadarama nito.

   "Tandaan niyo, isa lang ang makalalabas nang buhay dito sa loob ng bahay ko. Kaya kung gusto niyo nang makalabas, simulan niyo na ang pumatay. Paalam!" Nang matapos ito ay bigla na lamang namatay ang telebisyon at nagsimula na muling balutin ng kadiliman ang buong lugar.

Kumapit kaya sila sa patalim para lamang makamit ang inaasam nilang kalayaan? Abangan...

Laro Ng Kamatayan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon