"Gumising ka, Angelica!" Kanina pa niyuyugyog ni Kristian ang katawan ng kaibigan ngunit hindi pa rin ito nagigising. Ilang minuto na rin ang lumilipas mula nang nagising siya na kasama ang mga kaibigan. Lalo pa siyang nataranta nang mapansin niyang bago sa paningin niya ang lugar na kinalalagyan nilang anim.
"Nasaan na kaya tayo?" Walang ganang tanong ni Karla.
"Di ko rin alam. Pero kailangan ko nang makauwi at baka hinahanap na 'ko ni... Mama..." Biglang nanlumo ang mukha ni Andrew. Muli na naman niyang naalala ang naganap na away sa kanilang bahay noong mga nakaraang araw.
"Nasa'n kaya tayo? Pa'no tayo napunta rito?" Mukhang naiiyak na si Jofer sa sitwasyon nila ngayon. Hindi sila tiyak kung nasaan sila at kung papaano sila nakarating sa lugar na ito.
"Naaalala niyo ba? Hindi ba pauwi na tayo galing mall? Magkakasama pa nga tayo, e." Nakakunot ang noo ni Lovelie habang iniisip ang mga nangyari. Mabuti na lamang at natatandaan niya pa ang ibang detalye ng mga bagay na ginawa nila.
"Baket hindi ko maalala?" Nalilitong tanong ni Andrew. Tiningnan niya ang ibang mga kasama at nakita niya na nagigising na si Angelica. Nilapitan niya ito upang masigurado na ayos lamang ito. Inilapag niya nang marahan sa kanyang hita ang ulo ni Angelica.
"Ayos ka lang ba, Angelica?" Tanong ni Andrew nang makitang tuluyan nang dumidilat ang mga mapupungay na mata ng kaibigan.
"Oo, ayos lang ako... Tulungan mo akong makatayo." Utos ng dalaga. Sumunod naman si Andrew at maingat na tinulungang makatayo ang kaibigan.
Nang tuluyan nang makatayo si Angelica ay minasdan nila nang mabuti ang buong lugar. Nasa loob sila ng isang lumang bahay. Puno ito ng mga gamit na natatakpan ng puting tela. Puno na ng agiw ang mga dingding ng bahay at mukhang hindi na ito naaalagaan nang maayos ng may-ari. Tila isang mansyon ang bahay na ito sa laki. Maganda rin ang pagkakadisenyo ng bahay at sigurado mayaman ang nagpagawa nito. May mga bahagi ng bahay na nababalot ng dilim, at meron din namang may kakaunting ilaw lamang.
"Tara, hanapin na natin ang daan palabas ng mansyon na ito para makauwi na rin tayo kaagad." Utos ni Karla. Siya na ang unang tumayo sa kanilang anim at naglakad paalis sa puwesto nila kanina. Sumunod naman ang lima pa niyang kasama.
Habang naglalakad ay napansin nila ang isang pintuan sa ilalim ng hagdanan. Walang takot na nilapitan ito ni Karla upang malaman kung ito ay isang lagusan palabas ng bahay. Pilit niyang iniikot ang door knob nito ngunit hindi ito bumubukas. Kaya nagpatulong na siya sa mga lalaki upang mabuksan ito.
Nang mabuksan nila ito ay wala silang ibang nakita kundi kadiliman. Papasok na sana si Karla nang bigla siya hawakan ni Lovelie sa balikat.
"Huwag na. Baka kung ano pang meron sa loob ng silid na 'yan. U-umalis na tayo rito..." Natatakot na wika ni Lovelie. Gusto na pa sanang magpatuloy ni Karla ngunit nakita niya rin ang takot sa mga mukha ng iba pa niyang kaklase.
Sino kaya ang nagdala sa kanila sa lugar na iyon? Abangan...
BINABASA MO ANG
Laro Ng Kamatayan (COMPLETED)
TerrorNagising na lamang ang anim na magkakaibigan sa loob ng isang bahay na walang daan palabas. Napag-alaman na lamang nila na kailangan nilang magpatayan upang may matirang isa at iyon lamang ang maaaring mabuhay sa kanila. Ano kaya ang kapalaran na na...