Kabanata 9

787 34 0
                                    

   Pinilit ni Lovelie na palakasin ang kanyang loob. Pinunasan niya ang kanyang luha gamit ang kanyang palad na puno ng dugo saka dahan-dahang tumayo. Iniwan na niya ang bangkay ng mga kaibigan saka nagsimula sa paghahanap kay Kristian.

   Mabilis siyang naglakad habang isinisigaw ang pangalan ni Kristian. Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi at maaaring nasa kamay na ng binata si Karla.

   "Kristian?! Kristian?! Huwag mong gawin 'yang binabalak mo, mapapahamak ka lang! Walang magandang maidudulot 'yan sa'yo!" Sigaw niya habang inililibot ang kanyang mga mata sa paligid.

   Maya-maya ay napabagal ang kanyang paglalakad. Nakita na niya si Kristian. Nakatalikod lamang ito sa pader at hindi umiimik.

   "K-Kristian? N-nasaan si Karla?" Nauutal niyang sabi. Hindi niya alam kung maglalakad ba siya papalapit sa kaibigan o mananatili na lamang ba siya sa puwestong kinatatayuan niya dahil baka kung anong gawin nito sa kanya.

   Hindi siya nito sinagot at nanatili pa rin ito sa kanyang puwesto. Tahimik ang paligid at ang paghinga lamang nilang dalawa ang tanging maririnig.

   "K-Kristian, hindi mo dapat ginawa ang ginawa mo..." Wika ni Lovelie sa pag-aakalang pinatay na ni Kristian si Karla. Tumulo nang muli ang luha sa gilid ng kanyang mata. Nanlambot na rin ang kanyang katawan kaya't napaupo na siya sa sahig.

   "H-hindi ko siya nahanap. Magaling siyang magtago. Siguro'y karma na lang ang bahala sa kanya." Malamig ang tinig ni Kristian. Napakunot ng noo si Lovelie. Nagsasabi kaya ito ng totoo? Isip-isip niya.

   "H-ha? E nasa'n na siya?" Tanong niya.

   "Hindi ko alam. Pero wala na akong pakialam. Kapag nakalabas na tayo rito'y magsisimula ako... Magsisimula ako nang wala siya..." Ramdam ni Lovelie ang lungkot sa bawat salitang binibigkas ng binata.

   "Kung 'yan man ang magiging desisyon mo, sige. Tara na. Maghanap na tayo ng daan palabas sa impyernong lugar na ito. Tayong dalawa na lang ang magkakampi ngayon." Wika niya upang mapalakas ang loob ng kaibigan. Tumayo na si Lovelie saka tinalikuran ang binata.

   "Siguro nga tama ka. Tara n-" Hindi na natapos pa ni Kristian ang sasabihin niya. Isang saksak pala ang kanyang natamo mula sa kanyang likuran. Agad siyang natumba sa sahig. Pinilit niyang iikot ang katawan upang makita kung sino ang may gawa nito sa kanya, dahilan upang manlaki ang kanyang mga mata.

   "H-hayop ka..." Ito na lamang ang mga nabigkas niya nang makita niya sa kanyang likuran ang binatang si Jofer. Isinaksak nito sa kanya ang kutsilyong nakuha ni Andrew kanina lamang.

   Napatingin pa si Jofer sa kutsilyong isinaksak niya kay Kristian. Nadagdagan na ngayon ang mga tuyong mantsa ng dugo na nakadikit dito. Isang malaking ngiti ang kumurba sa kanyang labi.

   "Hindi ka makalalabas dito ng buhay, Kristian." Wika niya saka tinuhod ang mukha ng binata. Agad itong napahiga sa sahig, dahilan upang lalong bumaon ang kutsilyo papunta sa kanyang dibdib. Agad na naglabasan ang dugo sa bibig ng binata. Ilang segundo lamang ang lumipas at binawian na rin ito ng buhay.

   "Lintik lang ang walang ganti..." Wika niya saka tinuon ang atensyon sa dalagang si Lovelie. Papatayin niya rin ito!

Sino kaya sa kanila ang makalalabas ng buhay?
Abangan...

Laro Ng Kamatayan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon