Kabanata 7

786 40 0
                                    

   "Angelica! Angelica!" Ang malalakas na sigaw na lamang ni Kristian ang tanging maririnig sa paligid. Patuloy niyang ginigising ang dalaga ngunit hindi nito maimulat ang kanyang mga mata dahil sa sobrang dami ng sugat na natamo ng ulo nito.

   Sa kalagitnaan ng paggising niya sa kaibigan ay isang hindi inaasahang suntok sa mukha pala ang matatamo niya. Galing pala ito kay Jofer.

   "Walang hiya ka! Hayup ka! Akala namin mabuti kang tao pero kaya mo palang gumawa ng mga ganitong bagay! Mamamatay ka, isinusumpa ko, mamamatay ka!" Sigaw ni Jofer habang hila-hila ang damit ni Kristian na duguan na ang ilong.

   "W-wala akong ginawa sa kanya! Maniwala kayo s-sa akin!" Wika niya na tila nanghihina na. Agad siyang tumingin kay Karla na nasa malayo at tila nanonood lamang sa ginagawa sa kanya ni Jofer.

   Nang makita siya nitong nakatingin sa kanya ay agad itong umiwas ng tingin na parang may ginawang isang masamang bagay.

   "K-Karla, tulungan mo ako..." Mahinang bulong ni Kristian sa kasintahan. Alam niyang kahit mahina lamang ito ay rinig na rinig ito ni Karla. Ngunit nagkunwari lamang ito na hindi siya nito napansin.

   "Hayup ka, mamamatay-tao ka! Mamamatay ka rin gaya ng ginawa mo kay Angelica!" Malakas na sigaw ni Jofer saka muling pinagsusuntok ang mukha ni Kristian. Paulit-ulit ito at palakas nang palakas.

   "Sweetheart, bilisan mo na. Baka maabutan pa tayo dito nila Andrew." Mahinhing sabi ni Karla habang natingin-tingin sa paligid.

   "Oo, sweetheart... Papatayin ko na 'tong hayop na 'to!" Wika ni Jofer saka sumulyap kay Karla. Nag-init ang lahat ng dugo sa katawan ni Kristian. Ang dati niyang maling akala ay isa pala talagang katotohanan. Muli niyang inalala ang mga masasaya nilang panahong magkasama.

   Saan ako nagkulang? Isip-isip niya. Ngunit isinantabi na niya muna ang lahat ng kanyang kalungkutan at inisip niya muna kung paano siya makaliligtas sa mga kamao ni Jofer.

   Bago siya muling suntukin ng binata ay alisto niyang hinawakan ang dalawang kamay nito. Gulat na gulat si Jofer sa nagawa ni Kristian. Bago pa man tuluyang kumawala ang binata sa kanyang mahigpit na pagkakahawak ay agad siyang tumayo kaya naman napaupo si Jofer sa sahig. Hindi niya pa rin binitawan ang mga kamay ng binata.

   "Mas hayop kayo... Nagtiwala ako sa inyong dalawa, at ngayon, sira na ang tiwalang iyon. At sa puntong ito, kayo naman ang mamamatay." Wika niya na punung-puno ng galit. Mabilis niyang binitawan ang kaliwang kamay ni Jofer at saka sinamantala ang oras upang gumanti ng isang suntok sa binata. Sa sobrang lakas nito ay agad na natumba sa sahig si Jofer at duguang bumagsak sa lupa.

   Mabilis na umatakeng muli si Kristian at saka pinaulanan ng mga puwersadong suntok sa mukha ang binata. Dugo rito at dugo roon. Punung-puno ng dugo ang paligid. Tumigil na lamang siyang bigla nang makita niyang hindi na makagalaw si Jofer. Dahan-dahan siyang tumayo habang nakatingin sa minamahal niyang si Karla, na ngayon ay isa na lamang anino para sa kanya.

   "K-Kristian... H-huwag mong hayaang mapuno ng galit ang puso mo..." Wika ni Karla habang naglalakad paatras nang dahan-dahan.

   "Huminga ka na, hangga't kaya mo pang huminga..." Wika niya na tila wala na sa sarili.

Saan kaya dadalhin si Kristian ng kanyang galit?
Abangan...

Laro Ng Kamatayan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon