Hindi Tayo Pero Parang Oo

23 1 0
                                    

Sabi ng iba, masarap sa pakiramdam yung tipo ng relasyon na hindi kayo pero parang oo

Sabi nila, magaan sa dibdib yung tipong inaalagaan ka, lagi kang kausap,at lagi pinapatawa, kahit hindi naman kayo

Sabi ng nakararami, napakasaya sa pakiramdam ng taong maaasahan mo kahit sa pagitan ninyo ay walang salitang "tayo"

Ang sagot ko? Masaya oo. Pero masakit. Nakakalito. Nakakatakot.

Masayang may nag aaruga at may nagpapasaya sa'yo kahit hindi mo sabihin

Masarap na may bubuo ng araw mo kahit hindi mo hilingin

Pero masakit..

Masakit dahil maitatanong mo sa sarili mong "Para saan?" "Bakit?"

Mapupuno ka ng"bakit" at iba pang mga katanungan na ang hatid ay sakit

Pero wala kang maisasagot dahil hindi mo alam kung saan ka huhugot ng sagot sa kadahilanang hindi mo alam kung ano nang lagay ninyo

Nakakalito

Nakakalito dahil hindi ko alam kung tama bang ipagpatuloy ito para sa sayang nadarama habang kasama ka o kailangan ko nang itigil para sa puso kong nagdurugo na

Nagdurugo dahil sa sakit at hapding nadarama sa t'wing pumapasok sa isipan kong "wala akong karapatan sa'yo, sinta"

Pasimpleng sinasabing mas mabuting ako'y iyong layuan kaysa patuloy na maramdaman ang mga bagay na hindi ko alam kung para saan

At higit sa lahat, nakakatakot

Nakakatakot ang tipo ng relasyong meron tayo dahil sa hindi ko alam kung anong lebel na ba nito

Natatakot akong ipagtapat ang aking damdamin dahil baka bigla ko na lang marinig galing sa mga labi mo na ganyan ka lang talaga sa lahat

Natatakot akong sabihin mong ganyan ka lang talaga makisalamuha

Makisalamuha na dumadating na sa puntong puso ko'y napaglalaruan at lagi nang lumuluha

Nakakatakot itanong kung ano ba ako sa'yo dahil baka bigla mong sabihin ang mga katagang espesyal; espesyal na kaibigan; ako'y isa lamang espesyal na kaibigan

Nababalot ng takot ang puso ko nang dahil sa pagkakaibigan natin na hindi ko alam kung may salitang "tayo" sa pagitan

Natatakot ako dahil maaaring isang araw biglang tumigil ang sayang nararamdaman at ako'y bigla mong iwanan nang walang sinasabing eksplanasyon dahil ako nga ay isang hamak lamang na kaibigan

Natatakot akong aminin ang laman ng aking puso dahil baka biglang mag iba ang ikot ng mundo nating dalawa dahil lang sa mga salitang "Gusto kita" ay mali "Mahal na ata Kita" at sasagutin mo nang katagang "Paumanhin"

Natatakot ako, sobrang natatakot na gusto ko nang putulin ang pagkakaibigang nagdurugtong sa ating dalawa

Natatakot ako na gusto ko nang burahin ang lahat ng mga alaalang ginawa ko katulong ka

Sobrang natatakot na at dumadating na sa puntong gusto ko nang tigilan itong panandaliang saya na iyong sa akin ay ipinadadama

Nakakatakot na

Takot na nagbibigay sa akin ng dahilan upang bitawan ka na

Upang bitawan na ang relasyon nating hindi tayo pero parang oo.


Poem (What My Lips Can't Say)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon