Sa panahon ng mga kaharian, ang hari ang siyang pinakamataas at pinakamakapangyarihang nilalang sa kanyang lupain. Tinitingala siya ng lahat, iginagalang at minamahal dahil siya ang tagapangalaga ng kanyang nasasakupan. Siya ang simbolo ng lakas ng kaharian. Kaya naman may mga taong nag-aalay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa kanilang hari sukdulang manumpa ng katapatan hanggang kamatayan mapangalagaan lamang ang kanilang hari. Sa panahong ang kapangyarihan, katanyagan, at kayamanan ang sukatan ng lakas, tila hindi na lamang iisa ang naghahari. Ang lahat ay “hari”.
Ngunit ano nga ba ang “lakas”?
Tinanong ni Hesus ang kaniyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” (Mk 9:33-35)
Malinaw na ang pagiging dakila na itinuturo ni Hesus ay hindi lamang makukuha sa kapangyarihan, katanyagan at kayamanan kundi sa kapakumbabaan. Kaya nga sa pasimula pa lamang ang pagdating ng Haring Anak ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng pagsilang sa isang marangyang paanakan kundi sa sabsaban. Hindi sa maringal at maingay na pagdiriwang kundi sa isang tahimik at payapang gabi. Gayun rin naman, si Hesus ay minahal at sinundan ng kaniyang mga alagad at ng iba pang mga disipulo hindi dahil mayaman siya (tandaang isa lamang siyang anak ng karpintero) kundi dahil nasaksihan nila ang pagmamahal ni Hesus sa pamamagitan ng paglilingkod sa pinakaabang nilalang sa lipunan. Ang paglilingkod ay lakas. Ang paglilingkod ay kapangyarihan.
Sa magkasunod na buwan ng Nobyembre at Disyembre, sinasalubong natin si Hesus na ating Hari. Ngunit tunay ba natin siyang tinatanggap na hari? O patuloy tayong naghahariharian? Nagsisigasigaan sa ating kapwa na ang nais ay maangatan ang lahat? Handa ba talaga tayong sumumpa sa Hari ng ating katapatan hanggang kamatayan mapangalagaan lamang siya sa pamamagitan ng pangangalaga sa Kanyang nasasakupan? O wala na tayong ibang hangad kundi ang pangalagaan ang ating sarili at tiisin ang iba makita lang ang sariling kaginhawaan. Tandaan mo wala kang karapatang maging siga dahil bali-baliktarin mo man ang mundo, balutin mo man ang katawan mo ng ginto, tadtarin mo man ng titulo ang iyong pangalan, “alalahanin mo, tao, na ikaw ay alabok at sa alabok ka magbabalik.
Kaya nga sa pagdiriwang natin ng Kristong Hari at Kapaskuhan, salubungin natin ang ating Panginoong Hesu-Kristo sa pamamagitan ng kapakumbabaan hatid ng katotohanang sa Kanya lamang tayo tunay na humuhugot ng tunay na lakas. At ang lakas na ito na nagmumula sa kanya ay siya nawang maipakita natin hindi sa pagiging “siga” (o maton) kundi sa pagmamahal at paglilingkod sa ating kapwa na siyang magsisilbing “siga” na magpapaningas at magpapalagablab ng apoy sa bawat puso upang pagharian ang mundo ng pagmamahalan.
BINABASA MO ANG
Bulay-Bulay at Sari-Saring Gulay Para sa Buhay
PoésieThis is a compilation of my reflections on different aspects of life.