Ano pa ba ang saysay ng taong patapon na ang buhay? Saan pupulutin ang taong wasak pagkaraang siya ay punit-punitin?
Bawat isa sa atin ay nabiktima at nambiktima, nasaktan at nakasakit minsan sa ating buhay. Kung madalas man na tayo ang nasa ikalawang kategorya, ang hiling natin hindi hustisya kundi pag-asa. Pero magkalaban ba ang hustisya at pag- asa? O sadyang tao lamang ang patuloy na lumilikha na pag-awayin ang dalawang ito? Balikan natin ang pangunahing yunit ng lipunan. Ang pamilya.
Kapag ang anak ay nagkamali nararapat lamang na siya ay patawan ng karampatang parusa ng kanyang mga magulang. Hustisya. At sa pagbibigay ng parusa, hindi niya (mga magulang) nilalayon na ipadamang wala siyang kwentang anak, o gustong mawala na siya ng tuluyan sa buhay nila (o sa mundong ito), o kaya naman ay hindi na siya mahal. Ang nais niya ay ipaunawang ang anak ay nagkamali, ito ay magtanda, at itama ang mali upang sa susunod na pagkakataon ay hindi na maulit pang muli. Pag-asa. Bagamat minsa’y may nabibiktima at nambibiktima sa loob ng isang pamilya, sa isang mabuting tahanan, makikita nating nagsasama nang mapayapa ang hustisya at pag-asa. Nagaganap ang lahat ng ito sa pamilyang pinaghaharian ng pagmamahal. Dahil sa pagmamahal, ang hustisya at pag-asa ay parehong naigagawad nang hindi nasasagasaan o naisasantabi ang isa.
Sa bawat pagkakamali ng tao hindi naman talaga siya humihintong magmahal. Maaaring siya ay napagod o nakalimot lamang. Tulad nga ng sinabi sa tulang “Kapag Nakita Mo Na Siya” ni Maimai Cantillano “...Dahil mukha lang ng pag-ibig ang nakalimutan niya, at ipaalala mo ito sa kanya. ‘Wag kang magsasawang ipaalala sa kanya kung gaano siya kaganda. ‘Wag kang titigil sabihin sa kanyang mahal mo siya kahit na sa bawat pagbanggit mo ng mga salitang “mahal kita” ay pait at sakit ang naaalala niya. ‘Wag kang titigil na sabihin ito sa kanya hanggang sa maalala niya na sa likod ng bawat pait ay may tamis, sa likod ng bawat sakit ay may ligayang dulot ang mga salitang “mahal kita”… pakiusap ‘wag na ‘wag mo siyang bibitawan. ‘Wag na wag mo siyang pakakawalan. Ipaalala mo sa kanya na minsan ring siyang naniwala sa paghiling sa mga bulalakaw. Na minsan na rin siyang namangha sa mahika ng buwan at mga bituin. Na minsan na rin siyang naniwala sa mga salitang nilikha ng pag-ibig. Na minsan na rin siyang naniwala sa pag-ibig. Ipakita mo sa kanya ang bagong mukha ng pag-ibig…” Kaya naman walang dahilang sukuan ang taong nagkamali, ano man ang laki o bigat nito.
Ganito ang siyang ipinapakita sa atin ng Kapaskuhan. Ano pa ba ang saysay ng taong patapon na ang buhay? Saan pupulutin ang taong wasak pagkaraang siya ay punit-punitin?
Ang kwenta ng tao ay makikita sa kwento ng Pasko. Ang taong humamak sa Diyos, lumayo at lumimot sa pag-ibig Niya. Lumimot sa Pag- ibig na siyang nagbigay daan sa kanyang pag-iral at nagbibigay ng lahat ng kanyang kinakailangan. Ang taong mas pinili pang mabuhay sa kasalanan dahil sa pagkalinlang sa kinang ng mga bagay na iniaalok sa kanya ng kadiliman. At ang Diyos na patuloy na nagmahal. Ang lahat ng ito ay naganap sa isang madilim at tahimik na gabi sa Betlehem sa pagsilang ng sanggol na ating tagapagligtas, si Hesu-Kristo.
Gasgas na nga ang Bible verse na “John 3:16” For God so loved the world that He gave His only begotten Son, that whoever believes in Him shall not perish but have eternal life, maipakita at maipaliwanag lamang sa atin ang tindi ng kanyang pagmamahal. Ito ang kwenta ng tao. Kahit na siya ay patapon na, may pumulot sa kanya. Kahit na siya ay wasak na, siya ay niyakap at binuong muli ng Diyos.
Pagod ka na bang magmahal at magpatawad? Tingnan mo ang sanggol sa sabsaban. Bagamat mahina at tila walang magagawa ang paslit ngunit ang paslit ang siyang nagbukas ng langit.
Maligaya, Mapagpala, at puno ng Kwentang Pasko sa inyong lahat!
BINABASA MO ANG
Bulay-Bulay at Sari-Saring Gulay Para sa Buhay
PoetryThis is a compilation of my reflections on different aspects of life.