Ayon sa tradisyon ng ating Inang Simbahan ang titulong Birhen ng Santo Rosaryo ay nagmula sa rosaryong ibinigay at itinuro ng Mahal na Birhen kay Sto. Domingo de Guzman (o mas kilalang Sto. Domingo, paring español, na siyang nagtatag ng Dominican Order/ Order of Preachers (OP) pagkaraang magpakita sa kanya taong 1208 sa simbahan ng Prouille sa Pransya. Pagkaraan nito ay marami nang naitala sa kasaysayan na sa tulong at pamamagitan ng pagrorosaryo, napagtagumpayan ng tao ang maraming pagsubok dito sa mundo.
Ang ating pintakasing Birhen ng Santo Rosaryo, ang ating Mahal na Inang si Maria, ang siyang gumabay sa ating parokya sa loob ng napakaraming taon at patuloy na gumagabay at gagabay sa atin sa ating paglalakbay sa daan ng Krus. Sino nga naman ang tunay na makapagtuturo sa atin sa daang ito kundi ang taong nakasama ni Hesu-Kristo mula sa simula hanggang sa wakas at magpasahanggang sa kasalukuyan. Siya na tumanggap sa Salitang nagkatawang tao, ang Anak ng Diyos, na sumama at nag-aruga, hanggang sa pananatili niya sa paanaan ng Krus habang unti-unting nalalagutan ng hininga ang kanyang kaisa-isang anak na si Hesus ang siya lamang na lubos na makapagsasabing “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo” (Juan 2:5). Siya ang ating Gabay. Tagapamagitan.
Gawi nating mga pilipino ang magpalakad o magpatulong. Kapag may nagustuhan ang isang binata, tiyak lalapit siya sa pinakamalapit na tao sa buhay ng pinapangarap niyang dilag. “Ilakad mo naman ako…” ‘yan ang linya kadalasan. O dili kaya sa isang taong naghahanap ng trabaho. Lalapit siya sa taong maaaring malapit sa management o malakas sa kinauukulan. Sa ganoong paraan mas magiging malaki ang posibilidad na siya ay tanggapin. Bakit? Dahil kilala nila ng lubos ang mga “tagalakad” na ito.
Sa tuwing tayo ay nagdarasal ng Santo Rosaryo, tila inilalakad tayo ni Maria, ang pinakamalapit sa puso ni Hesus, sa kanyang Anak. Sa bawat paglipat ng pagkakapisil natin sa mga butil ng rosaryo, iniaakay at inilalakad tayo ni Maria sa Misteryo ng buhay ng anak niyang si Hesu-Kristo mula sa tuwa, hapis, liwanag at kaluwalhatian. Kilala ni Hesus ang Kaniyang ina. Kilalang-kilala. Sa tuwing dinarasal din natin ang rosaryo, nakikilala natin ng malaliman ang kanyang anak at gayun din naman nakikilala Niya tayo at lubos na napapalapit sa Kanya. Kaya ang taong nagdarasal ng Santo Rosaryo ay lubos na nagiging matatag dahil nababatid niya na anumang misteryo ng buhay ligaya man, tagumpay, o paghihirap, mayroon siyang kapiling sa paglalakad.
Sa tuwing dinarasal natin ang Santo Rosaryo, pisilin natin ng may pagmamahal ang bawat butil nito. Ito ang mumunting mga palad ng ating Ina na siyang gagabay sa atin. Damhin ang haplos ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, haplos ng Mahal na Ina na nagbibigay kapayapaan at liwanag sa puso ng sinumang kumakapit sa kanya. O Mariang Gabay! Ipanalangin mo kami!
BINABASA MO ANG
Bulay-Bulay at Sari-Saring Gulay Para sa Buhay
PoesíaThis is a compilation of my reflections on different aspects of life.