04: Hangganan

220 7 8
                                    

4

Hilig ko ang bumiyahe. Hilig ko ang gumawa ng tugtugin sa aking isipan habang nagmamasid sa mga papalit-palit na larawan sa bintana. Gusto ko ang mahihinang pagtalon ng sasakyan habang binabaybay ang kalsada. Gusto ko kung paano pumungay ang aking mga mata kasabay ng ihip ng hangin, pati kung paano nito tangayin ang init na hatid ng haring araw lalo na sa katirikan nito.

Madalas man ay nakakapagod, sa bandang huli ay karapat-dapat naman para sa oras na inilaan. Dahil sa tuwing bumibiyahe ako, lumilipad ang isip ko. Nakakalimot ako. Nagiging tahimik, payapa ang kaluluwa ko. Bawat kilometrong itinatakbo ay tila isang hakbang palayo sa mga gumugulo sa isipan ko. Bawat segundo ay hatid ang saya at pagkakuntento na mababakas sa mga labi ko.

Ngunit ang lahat ay may hangganan. Marahil depende rin sa sitwasyon pero sa ngayon, ito ay isang masaklap na katotohanan. Napapabuntung-hininga na lang ako sa tuwing umaabot na sa dulo. Corny man pero minsan buntong na lang, wala nang hininga. Nakakabitin. Hindi pa sapat ang oras na iginugugol ko sa pagbiy—

“Pare, tingnan mo o. HAHAHA!”

Sa unahan man ako nakaharap, kitang-kita ko naman kung paano niya ako ituro sa mga kaibigan niya. Ang pandinig ko man ay nahaharangan ng paborito kong tugtugin, dinig na dinig ko pa rin kung paano nila ako pagtawanan. Masyado na yata akong naaapektuhan. Nakakalimutan kong wala ako sa sarili kong bahay. Katatawa-tawa siguro ang itsura ko nang pilit akong pumikit at ipinagdiin ang aking mga labi.

Ngunit isa lang iyon sa mga nangyari sa tuwing magkukrus ang aming landas. Wala pa ring kupas. Minsan ay nagawa pa niyang patungan ako ng ticket sa ulo habang bumabiyahe ang sinasakyan naming bus. Dinig ko ang tawanan nila, ramdaman ko ang mga tingin nila. Paano ba naman, nasa likuran ko lang sila.

Marahil ay pagod na ako. Marahil ay alam kong sa oras na tanggalin ko iyon ay may panibagong masamang espiritu na naman ang sasapi sa kaniya. Alin man sa dalawa ang dahilan, isa lang ang naging kasagutan: Nagkunwari akong walang alam.

Hinayaan kong isipin nila na hindi ko nararamdaman ang ga-bulak na bigat ng ticket sa ulo ko. Kaya naman sa unang pagkakataon simula nang sakyan ko ang bus na ito ilang buwan na ang nakararaan—

napangiti ako.

“Hindi niya alam. Di niya napansin!” sinubukan niyang kumbinsihin ang kasama niya— malamang pati na rin ang sarili niya.Iyon ang huli kong narinig habang papalayo ako sa kanila. Sa tono ng boses niya, alam kong gulat na gulat siya nang bigla akong tumayo at tinanggal ang simbolo ng kalokohan na sa ulo ko ay ipinatong niya.

Ito na. Sumagad na. Nasa dulo na siya ng kalsada. Dead end. Isang hakbang na lang at sa ibaba na siya ng bangin pupulutin. Malamang ang ginawa ko ay ordinaryo para sa iba. Inaamin ako, noong una ay kasama rin ako sa ‘iba’. Ngunit nang manahimik na… nang tumigil na… nang maging payapa na… Nakahinga na ako nang maluwag . Buti na lang ay may hangganan ang lahat

At ngayon ay abot langit ang aking pasasalamat.

BlangkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon