06 : Gage

183 7 3
                                    

6

Malalaman mo na lang na tumatanda ka na kapag tumuntong ka na sa kolehiyo. Bawal na ang magulo, bawal na ang pasaway. Bawal na ang pagiging asal-bata. Oras na upang kumilos nang pino dahil hindi ka na isang musmos na hindi mapagsabihan.  Kung walang propesor na magagalit, o kahit hindi ito ipagbawal ng paaralan, siguradong mahihiya ka rin sa mga naunang estudyante.

Sa unang pagtapak mo sa kolehiyo, makikita mo kung paano kumilos ang mga tao. Tindig pa lang ay cool na cool na. Galaw pa lang ng kamay, dalagang-dalaga na. Ang iba ay astig— may kakaibang angas na dumadaloy sa mga humahakbang nitong mga paa. Mayroon namang iba na nakaw-pansin pa rin kahit nakatayo na sa kalayu-layuan at kasulusulukan ng kwarto. Agad mo ring mapapansin ang mga payaso ng tropa, ang mga masarap tumawa, at pati ang mga bugnutin sa magbabarkada.

May ilang awkwardout of place… ngunit hindi ba iyon ang pang-akit nilang taglay? Hindi ba’t ang pagkakaiba-iba ng bawat isa ang nagbibigay-kulay sa bawat araw? Nagbibigay-buhay at nagliligtas sa atin mula sa pasulput-sulpot na sandali ng pagkabagot?

Maging sa kolehiyo, mayroon ding mukhang mababait. Pero ingat lang, dahil hindi lahat ng may maamong mukha, mapagkakatiwalaan. Hindi lahat, maaasahan. Ang iba sa kanila, nagbabait-baitan lang. Piliing mabuti ang mga sasamahan, ang kakaibiganin. Dahil ang tiwalang ipinagkaloob mo, ang pagmamalasakit na inihandog mo— kayang-kayang basagin ng pinagbigyan mo. At ang masakit pa riyan, ang mga nabasag na piraso ng damdamin mo ang mismong pipinsala sa iyo.

Ngunit malayo iyon sa iniisip ko noong tumuntong ako sa kolehiyo, dahil nandiyan na ulit si Mariella. Mabuti na lang at magkasama na ulit kami. Sinikap talaga naming makapasok sa iisang unibersidad. Maging ang course namin ay pareho. Ganito siguro talaga kapag mag best friends… hindi mapaghiwalay. At ang maganda pa riyan, may iilan kaming kaklase noong high school na dito rin nag-aaral. Masarap pa rin silang kasama. Malapit pa rin kami sa isa’t-isa, kahit na nahiwalay ako sa kanila noong huling taon namin sa sekondarya.

Ang saya. Sobrang saya.

Ito iyong pakiramdam na hindi ko ipagpapalit kailanman… sa kahit kanino man. Kahit pa sa pinakagwapong lalaki sa loob ng bago kong silid-aralan. Kahit pa ang lakas maka-toothpaste model ng mga ngiti niya. Kahit pa palihim niya akong napapatawa sa mga jokes niya.

Nagsalita ako nang tapos…

Mabuti at napanindigan ko. Hindi ko ipinagpalit ang ganoong klase ng saya sa kahit na ano. Ngunit tao lang tayo. Hindi marunong makuntento. Karaniwan sa atin ang maghanap ng bago… ang maghangad ng higit pa roon.

Tao ako— isang ordinaryong tao. Naghanap din ako. Hindi dahil kailangan ko ng kapalit, kundi dahill mas panatag ang loob ko sa adisyonal na mapagkukunan ko ng kasiyahan. Na may panibago akong mapagkakatiwalaan. At nakahanap nga ako. Sa una, hindi ko alam ang daratnan ko. Kahit pa napaka-sarap tingnan ng mukha nito, hindi ko iyon ginamit upang i-uri siya sa partikular na klase ng tao.

Isa lang siyang ordinaryong tao tulad ko— naghahanap ng kaibigan, ng paniniwalaan.

“You’re a rare gem, Ingrid. I would’ve never known this if I didn’t take the time to get to know you, and I’m glad I did.” Hind agad ako nakagalaw nang lumabas iyon sa mga bibig niya. Nablangko ang isip ko. Ramdam ko ang panandaliang paghinto ng tibok sa dibdib ko, ang pagtigil ng hangin sa baga ko.

DUG DUG. DUG DUG. DUG DUG. Nagparamdam na naman ng puso ko. Pero sa pagkakataong ito, pangalan ni Gage ang nagbabadyang umalingawngaw sa nahihimbing kong mundo.

BlangkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon