07 : Damong Ligaw

238 7 5
                                    

7

Maraming galit sa damong-ligaw. Madalas kasi itong tumutubo sa mga hardin kahit wala ni sinuman ang nagtatanim dito. Kumbaga sa mga handaan at okasyon— party crasher. ‘Bwisita’ for short. Nakakasira kasi ito sa pinagsama-samang kagandahan ng mga halaman.

Maraming banas sa damong-ligaw. Sinisipsip kasi nito ang nutrisyon na dapat sana ay para sa mga tanim na inaalagaan. Kinuhuha nito ang dapat na para sa iba. Inaagaw.

Ngunit minsan, tataas din ang paghanga mo sa itinuturing na salot. Nagagawa kasi nilang tumubo sa mga lugar na hindi natin aakalaing possible palang gawin. Tulad na lang ng daan-daan na damo na lumalago sa pagitan ng maliliit na espasyo ng semento. Mahirap gawin iyon. Kahanga-hanga dahil lumalaki pa silang malusog.

Tila ba isa itong pagkakaibigan na nabuo sa gitna ng kahirapan at kagipitan. Kahit ilang bundok o bato pa ang pumigil dito, tutubo at tutubo pa rin ito. Dahil naroon pa ang ugat. Malalim na ang naabot nito at buong higpit na kumakapit sa lupa.

Ang mundo ay isang malaking gubat. Ang berdeng umaadorno sa lupain nito ay ang relasyon ng tao sa bawat isa. Mayroong malulusog, mayroon ding hindi kagandahan. Ang iba, huli na para maisalba. At sa pamumukadkad ng mga bulaklak, ipapalaganap nito ang pinakamagandang bagay sa mundo.

Sa pagninilay-nilay ko, napagpasyahan ko na ang friendship sa pagitan namin ni Gage ay tulad ng isang damong-ligaw loob ng gubat. Natural na natural. Oo nga’t natagalan sa pagsibol ngunit nang umusbong ay lumalaki namang malusog.

Sino bang mag-aakala na magiging malapit kami? Siguro nga, minsan ay napagpantasyahan ko rin ang mga mangyayari sa aming dalawa sakaling maging magkaibigan nga kami— ngunit noon iyon, at hindi ko naman akalaing magkakatotoo pala.

Nagkakilala kami noong first year college. Sina Mariella ang madalas ko noong kasama. Si Gage naman, halos lahat ng lalaki sa klase ay kabarkada. Siya iyong tipong hindi madalas ngumiti pero aakalain mong lagi niyang ginagawa. Ibang klase kasi ang mga ngiti niya— tumatatak sa alaala. Siya iyong tipong magsasalita lang kapag kinakausap, ngunit dahil madalas lapitan ng iba kaya aakalain mong palakaibigan. Siya iyong mukhang mabait, laging maaliwalas ang mukha… ang tanging taong nakilala ko na magkasing ganda ang ugali at ang panlabas na anyo.

Kung sino ang mga kaklase ko noong unang taon ay siya ring mga kasama ko pagdating ng sumunod na taon sa kolehiyo. Sa loob ng panahong iyon, parang magkakilala lang ang turing namin ni Gage sa isa't-isa. Mag-uusap kung kailangan, ngunit kapwa tahimik kung wala namang mahalagang pag-uusapan.

Salamat sa pagaalphabetize sa apilyedo ng mga estudyante.

Matindi ang pagtataka ko. Maraming bagay ang sumagi sa isipan ko. Napilitan lang ba siya? May nakiusap ba sa kaniya? Bakit sa dami ng choice, ako ang pinili niya?

Nang malaman kong magkahiwa-hiwalay kaming magkakaklase pagtuntong ng third year akala ko mahihirapan ako, pero lagi siyang nakabantay, nakaalalay. Akala ko mag-isa na lang ako, pero hindi siya umalis sa tabi ko. Hindi niya ako iniwan, hindi niya ako pinabayaan.  Sinigurado niyang komportable ako sa tuwing kasama ko siya.

Talagang nakapagtataka.

Kung kinwestyon ko siya… kung humingi ako ng sagot, ng paliwanag… kung tinaggihan ko ang kabutihan niya… may tsansa bang magiging magkaibigan pa rin kami? Minsan naisip ko na sana ay nagsalita ako sa simula pa lang. Pero sa takbo ng mga pangyayari ngayon, malabo na…. dahil hindi niya ako binigyan ng rason para layuan siya. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 02, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

BlangkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon