02 : Ang Puso

298 11 9
                                    

2

Ang puso, dapat laging inaalagaan. Hindi pinapagod, hindi pinababayaan. Bawal ang stress, bawal ang  pressure. Dapat pinagpapahinga, pinasasaya.

Ang puso, walang bibig. Hindi nakakapagsalita. Lakasan lang ang pakiramdam— iyan ang tanging solusyon para malaman ang kondisyon ng pinakaimportanteng parte ng ating katawan.

Sabi nga ng Eat Bulaga, “Palaging Alerto Kayo” dahil kung hindi ay hindi mo maririnig ang sigaw ng katawan mo. Magsisimula sa “Hinay-hinay lang, baka pumutok ang isang ugat.” hanggang umabot sa “Open-heart surgery, STAT.”

Ang saklap, hindi ba? Lalo na kung nagamit mo na ang lahat ng second chances na ipinagkaloob sa’yo. Kaya nga masama sa puso ang laging sobrang bilis kung tumibok.

Hindi lang naman sodium at transfat ang pwedeng maging sanhi ng heart failure. At hindi rin pag-ibig, di tulad ng iniiisip ng marami. Alam niyo kung ano pa ang pwedeng magpabagsak sa puso ng tao?

Hurt… rejection… fear…

Malalim ang sugat na inuukit ng mga ito sa pagkatao natin. Ang iba, sa sobrang lalim, hindi na nakakabangon. Mas pinipili na lang nilang tapusin ang lahat nang matapos na rin ang paghihirap nila.

Ano bang tamang itawag sa kanila— duwag o praktikal?

Sa totoo lang, marami akong nararamdaman ngayon. Paikot-ikot sila sa isipan ko mula pag-gising hanggang sa pagtulog ko. Ngunit isang pakiramdam lang ang tanging gusto kong takbuhan. Hindi kasi kaya ng puso ko ang ganito kabigat na pakiramdam. Mas matindi, mas nakakatakot harapin.

Lalo pang nadaragdagan sa tuwing papalapit na ang oras ng pag-uwi. Palakas nang palakas kung kumalabog ang puso ko. Mas malakas pa sa ingay na gawa ng construction site sa kabilang kalye. Mas nakakagulat pa sa biglaang pagbusina ng galit na galit na jeepney driver sa gitna ng traffic pagkatapos ng mahabang araw ng pagtatrabaho. Para bang may kumunoy na hinahatak pailalim ang mga paa ko sa bawat hakbang palapit ng bus.

Paano nga ba ako nagkaganito?

Pinipilit kong alalahanin. Inaamin kong nataranta ako. Nabigla, kaya ganun na lang ang naging reaksyon ko sa nangyari ilang araw na ang nakararaan.

Ang naaalala ko, sa ilang araw na pagsakay ko ng bus, lagi kong nahuhuli ang mga tingin niya.

Ang naaalala ko, habang tahimik akong bumibiyahe, lumapit siya at nagtanong.

Ang naaalala ko… Aaah, naalala ko na.

Kaya nag-rigudon ang puso ko,

kaya bumalik ang takot sa dibdib ko,

kaya harap-harapan ako kung pagtripan ng clown fish sa iyon…

Ayaw niya nang sinusungitan, at ako naman… ayaw ko nang nilalapitan.

BlangkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon