Tumigil na rin ang ulan, ang lahat ay unti-unti nang natutuyo at bumabalik sa dati, naamoy ko na ang alimoom na unti-unti ring nagpapairita sa aking ilong. Natuyo man ang lahat ngunit hindi ang aking mga mata, hindi ang luha na bumukal sa aking puso, hindi ako...
Mahal ko siya higit sa aking buhay, higit sa mga bagay na pinahahalagahan ko... ngunit may mga pangyayari talagang hindi natin mapipigilan... Ako si Eros at ito ang aking kwento.
August 02, 2003.
Kalilipat lang namin ng bahay noong araw na iyon, badtrip! Ayoko kasing lumipat. Ayokong iwanan ang mga nakasanayan at mga nakalakihan ko na, ayoko iwan ang aking mga kalaro at kababata ngunit wala akong magagawa kundi lumipat kasama ang aking nanay at tatay.
Matapos noon, pumunta kami sa bagong school na lilipatan ko, nagpa-enroll at agad ding pumasok. Badtrip! Ang weird naman ng mga classmate ko dito. Ang teacher ko pa walang inatupag kundi magbenta ng yema at hamburger na malamig. Haaaayyy.. anu ba ito?
Tila napakatagal ng pagtakbo ng oras, alas kwatro kasi ang uwian naming ngunit naistock yata yung mga daliri ng relo tila ninenerbyos ito sa pagtitig ko sa kanya 3.50pm... 3.51pm... 3.52pm... 3.53pm... 3.53pm... 3.53pm... halaa teka?? Bakit?? Anu na naman ba ito?? Mukhang nawalan pa ng baterya ang relo natuluyan na ata. 4PM..! gumana! Ayos! Uuwian na!
September 08, 2003.
Sanay na ako. Gumising ng maaga at mag-ayos papuntang school, bumili ng yema at hamburger kay teacher at makipag-mingle sa mga weird kong kaklase, umuwi pagkatapos ng matagal na paghinto ng orasan at maglakad pauwi.. nagtitipid ako, dahil nung mga panahong iyon gusto ko ring bumili ng tamagochi. Uso kaya yun!
Ganun paulit-ulit, nakakasawa, walang bago, walang luma, parang ewan lang ang lahat maging ikaw siguro ay nabo-boring-ngan na sa mga kinukwento ko ngunit sa aking paglalakad may nakita ako, bukod sa bente pesos na naapakan ko, may boses na sumigaw ng "aray! Ang bente pesos ko." Isang weird na naman, imbes kasi na ung daliri niya ang alalahanin niya nakuha pa niyang indahin ang nararamdaman ng bente pesos niya, napasagot tuloy ako, "sorry, pasensya na kung naapakan ko ung bente pesos mo, nasaktan ba si manuel."
Masamang tumingin ang babaeng sa tingin ko ay kasing edad ko lang. " nakuha mo pang magbiro, wag kang mag-alala hindi nasaktan si manuel." Sagot niya. Dali-dali siyang tumayo at tumakbo palayo.
Hindi ko man lang naitanong ang pangalan niya, pero okey lang naman kasi hindi rin naman ako interesado sa kanya. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makauwi ako. Panay pa rin ang aking pagngiti dahil sa ka-weird-dohan ng babaeng nasalubong ko kanina, nabati tuloy ako ng nanay ko "mukhang maganda ang araw mo sa school anak haaa."
"Bakit po? May kakaiba po ba sa akin?" ang maang-maangan kong sagot.
"Mula kasi ng pumasok ka sa school na yun ay lagi ka na lang nakasimangot pag-umuuwi, pero ngayon parang naka-get over ka na sa paglipat ng bahay at paglipat ng school." Ngumiti na lang ako. Hahaba pa kasi ang usapan.
October 09, 2003.
Nasa kamay ko na noon ang resulta ng aking mga exam, wow. It's between 1 and 100 so bahala ka nang manghula ng score ko. As usual kailangan ko na namang bilhin ang yema at malamig na hamburger ni teacher, nangako siya ng plus sa lahat ng bibili, plus 1 per yema at 5 per hamburger. Tuwang tuwa ako at dali-daling kinumpyut ang score ko, dahil kung bibili ako ng 3 yema magiging --it's between 4 and 100 na ang ipapahula ko sa inyo. Bumunot na ako ng 6 na piso ( dos kasi isa ng yema ni teacher ) "teacher 3 yema sa akin!" ang pagmamaka-awa ko.
"Ayy, eros pasensya na ubos na kasi ung yema eh ung hamburger na lang ang natira." Ang sagot ni teacher. Alam kong iniisip mo ngayon na binili ko ang hamburger at gusto ko sabihin sayo na hindi ko iyon binili, pinaghihinalaan kasing nung Friday pa ung hamburger nayun, yun kasi ang umiikot na chismis sa buong classroom, idagdag pa ang pagiging amoy alimoom nito.
Umuwi na ako, nilukot ko ang resulta at tinago ang papel sa aking bulsa sa pag-asang hindi makikita ng nanay at tatay ko ang resulta ng exam.
"EROS!!!" sigaw ni nanay.
"Bakit po??" ang nanginginig kong sagot.
"Ano ito, bakit ang baba ng score mo?" tanong ni nanay.
"Hindi po akin yan nay." ang tanggi ko.
"ee kanino? Kay Eros??" palag ni nanay
"Dalawa pong kaming Eros sa classroom." ang painosente kong sagot.
"Dalawang Eros na may parehas na apelyido, magaling! MAGALING!" ang palaban na sagot ni nanay.
Hindi na ako lumaban pa, talo na eh, nabuking na ako ni nanay, kaya ayun napalo ako. kahit sino namang magulang eh magagalit kung mababa ang score mo. Pero sa totoo lang, sumama ang loob ko, yun lang ung kaya ko ee bakit ba nila ako pipiliting kumuha ng mataas na score kung yun lang ang kaya kong gawin, atleast kahit paano may score at hindi na-zero. "Hay pagbubutihin ko na nga lang sa susunod at hindi na ako bibili ng burger baka yun ang dahilan kung bakit bagsak ako."
Kinagabihan ay lumabas ako ng bahay, naupo sa gilid at nagpahangin. Nagpalipas ng sama ng loob. at doon ako'y nagmuni-muni, nag-isip-isip, at habang ako'y nag-i-is-star gazing nakita ko sa isang bubungan ang isang pamilyar na mukha. Napa-isip ako, sino kaya yun?
"EROS!!!" ang sigaw ni nanay.
"Bakit na naman kaya?" tanong ko sa aking sarili.
"Yung sinaing mo..!!" hirit pa ni nanay.
"Ayyy..andyan na po!" pagmamadali kong sagot.
Habang naghahapunan... patuloy ko pa ring iniisip ang pamilyar na mukha, natapos na ang hapunan ngunit hindi ko pa rin maalala, tumatanda na yata ako ng mabilis. Nagliligpit na ako ng pinagkainan ng bigla akong tawagin ni tatay, "Eros.."
"Patay na, mukhang alam na ni tatay." Bulong ko sa aking sarili. "Bakit po tay?"
"Bili mo nga ako anak ng Imodium, nasobrahan ata ako ng kinain." Utos ni tatay.
"Buti na lang." bulong ko sa sarili.
"Sige nak, kunin mo ung bente pesos sa wallet ko." Dagdag ni tatay.
"BENTE PESOS?" Biglang bumalik sa akin ang alaala ng babaeng natapakan ko ng bente pesos.
"Siya nga!" ang aking sigaw.
"Sino?" ang sabay na tanong ni nanay at tatay.
"ay wala lang po." Ang tanggi ko.
Dali-dali akong bumili ng diatabs para kay tatay, at nang magawa ko na ang inutos niya bumalik ako sa gilid nang bahay, sa pagbabaka sakaling makita ko pa ulit ang babaeng iyon. Ngunit nabigo ako. Wala na siya sa bubong, patay na ang ilaw sa kanilang bahay.
BINABASA MO ANG
Si Eros, ang Bente Pesos at si Hesus.
Short StoryAlamin ang koneksyon ng Bente Pesos at ni Hesus sa buhay ni Eros at kung paano siya babaguhin ng mga ito. ----- PS. kung inyo pong nagustuhan ang SI EROS, ANG BENTE PESOS AT SI HESUS, paVOTE po and paSHARE na din sa iba. :) THANK YOU PO! YEY! GOD BL...