ERIC'S POV
Gusto kong magmura. Gusto kong murahin ang babaeng iyon. Kung totoo man ang sinasabi niya, bakit ngayon lang siya dumating kung kailan may nakakain na sa amin? At kung nagbibiro man siya, puwes, hindi iyon isang magandang biro.
"Ano bang pinagsasasabi mo?!" Galit pa rin si Allen dahil sa ginawa ng babae sa kanyang pagkain.
"Ako si Amanda Agoncillo. At ako ang dahilan ng lahat ng ito." Wika noong babae habang nakatingin sa pagkain na tinapon niya sa sahig. Nakikinig lamang kaming lahat sa bawat salitang kanyang sasabihin.
"Teka teka. Anong ibig mong sabihin? Ikaw ang dahilan ng kung bakit may mga zombies na pagala-gala sa school natin?" Singit ko sa usapan nila. Tiningnan niya lang ako pero nagkuwento rin. Parang wala siya sa kanyang sarili habang nagsasalita. Parang marami siyang pinagdaanan bago niya kami marating dito.
"Nahulog ako sa patibong nila..." Sabi niya saka tuluyang bumagsak ang luha sa gilid ng kanyang mga mata.
***---***
"Ang kailangan mo lang gawin ay ibuhos ang lahat ng 'yan sa isa sa mga ulam na nasa loob ng kusina. Kapag nagawa mo iyon, isa ka na sa amin..." Wika ng babaeng kulay kalawang ang buhok. Magkakasama silang apat habang nakatitig sa kusina kung saan kinukuha ang mga pagkain na ibinebenta sa canteen.
"S-sigurado ka?" Nauutal na tanong ni Amanda habang pinagmamasdan ang hawak na maliit na boteng may lamang kulay pulang likido.
"Hay, ano ba 'yan, girl! Ang hina mo naman e! Ang isang 'Angel' ay walang inaatrasan, kakalabanin ang lahat ng haharang sa kanyang dinaraanan!" Wika naman ng babaeng may bangs at hanggang balikat lamang ang buhok.
Kinakabahan man ay ginawa pa rin ni Amanda ang ipinag-uutos ng tatlong babae. Naglalakad na siya ngayon papunta sa kusina at walang nakapansin sa kanya.
"Sure ka bang gagawin natin siyang 'Angel'? Mukha kasi siya mahina at manang kung pumorma." Tanong naman ng babaeng naka-braid ang buhok habang pinagmamasdan nila si Amanda na buksan ang pinto ng kusina. Nakangiti lamang ang leader nila saka siya sinagot.
"Syempre hindi. Gagawin lang natin 'to para may utusan tayo sa group." Wika nito at nagtawanan silang tatlo.
Kinakabahan man ay ginawa na ni Amanda ang ipinag-uutos sa kanya ng tatlong kaibigan. Tuluyan na siyang nakapasok sa kusina. Walang tao sa loob kaya't sinamantala na niya ito. Lumapit siya sa adobong niluluto pa lamang at doon niya ibinuhos ang lahat ng laman ng bote. Isang ngiti ang kumurba sa kanyang labi dahil nagawa na niya ito. Magiging isa na siya sa kanila.
"Alam mo bang bawal ka rito?" Laking gulat niya nang may boses na nagsalita mula sa kanyang likuran. Hinarap niya ito at bumungad sa kanyang ang isa sa mga teacher sa school na ito.
"Ay sorry po, ma'am. Hindi ko po kasi alam. Hindi na po ito mauulit." Wika niya habang nakayuko.
"Aba, dapat lang! Mga teachers at ang mga cook lang ang maaaring pumasok rito!" Galit na sabi ng guro. Hindi na niya ito tiningnan at muling humingi ng tawad. Naglakad na siya palabas na parang walang nangyari saka bumalik sa mga kaibigan.
***---***
"Kailangan na nating umalis dito. Hindi na tayo ligtas lalo pa't kasama natin siya rito." Wikang muli ni Amanda habang tinuturo niya si Allen. Mukhang hindi nga siya nagbibiro na kontaminado talaga ang adobong kanyang kinain.
"Ano?! Nahihibang ka na ba?! Kapatid ko 'yang tinutukoy mo!" Galit na turan ni Ellen na balak nang sugurin ang misteryosong babae.
"Seryoso ka ba ate? Baka nakikipag-joke time ka lang sa amin?" Pinagpapawisan na si Allen at sa tingin ko'y kinakabahan na siya. Pinagmamasdan ko ang bawat kilos niya at mukhang wala namang ipinagbago.
Hindi tuloy mawala sa isip ko na muntik na rin kaming makakain ng adobo, kung hindi lamang namin hinugasan nang mabuti ang mga plato sa lababo ay marahil nasa sitwasyon din niya kami.
"Mayroon na lamang tayong ilang minuto para makalabas sa lugar na ito nang wala siya. Maniwala kayo, hindi maganda kapag inabutan pa natin ang pagpapalit niya ng anyo." Wikang muli ni Amanda. Tumayo na siya sa upuan at binuksan ang pintuan ng kusina. Sumilip-silip pa siya rito para tingnan kung may zombie ba sa labas.
"Urgggh. Urgggh!" Napunta kay Allen ang atensyon naming lahat. Natumba siya sa sahig at umubo-ubo. Ito na marahil ang sinasabi ni Amanda na pagpapalit ng anyo ni Allen. Sa sobrang takot ni Amanda ay agad niyang binuksan ang pinto at tumakbo palabas.
"Ellen, umalis na tayo rito!" Wika ni Lucas habang pinagmamasdan si Ellen na nakatingin sa pagpapalit ng anyo ng sarili niyang kapatid. Nakakapanlumong tingnan ang bawat eksenang nakikita ko.
"H-hindi. Sige na, mauna na kayo. Sundan niyo si Amanda at baka may malaman pa kayo tungkol sa mga nangyayari." Wika ni Ellen na ikinagulat naming dalawa ni Lucas. Nagkatinginan pa kaming dalawa at tila hindi alam kung ano ang dapat gawin.
"Hindi, Ellen. Hindi na siya ang kapatid mo! Umalis na tayo habang may oras pa!" Sigaw ko kay Ellen saka hinawakan ang kanyang kamay. Hinihila ko siya pero parang ayaw niya talagang magpapigil.
"Hindi ko iiwan ang kapatid ko rito! Umalis na kayo!" Wala na rin kaming ibang nagawa kundi sundin ang kanyang mga sinasabi.
"Krar! Kraaar!" Tila tapos na ang kanyang pagpapalit-anyo at isa na siyang ganap na zombie. Dali-dali kaming lumabas ni Lucas habang pinagmamasdan si Ellen na umiyak.
"Lucas, ano na ang gagawin natin?!" Tanong ko sa kanya habang pinagmamasdan naming tumayo ang zombie na nasa sahig. Hindi ako sinagot ni Lucas at hinila niya na ang mahabang mesa at nilagay ito sa tapat ng pinto.
"T-tulungan mo ako!" Sambit niya. Nagbubutil-butil na ang pawis sa kanyang mukha. Agad akong kumilos at buong puwersang tinulak ang mesang gawa sa kahoy. Pinatungan din namin ito ng mga armchair na yari sa kahoy saka tuluyang umalis habang bitbit ang mga bag namin na puno ng pagkain. Iniwan na lamang niya ang isang galon ng tubig at sinabing maghahanap na lamang kami ng ibang paraan para makainom.
"Ahhh! Allen, ako ito! Ang ate mo! Aray!" Isang sigaw mula sa loob ng kusina ang narinig namin bago namin tuluyang lisanin ang canteen. Nasa labas lamang pala si Amanda at nagtatago. Hinintay niya kami at naghanap siya ng galon ng tubig. Kapansin-pansin rin ang basang sahig malapit sa kanya.
"Binawasan ko ang galon para hindi ako mahirapang magbuhat." Wika niya sa amin saka siya tuluyang umalis sa kanyang pinagtataguan.
"Hindi na, 'eto, Amanda. Ikaw na ang magbuhat ng bag na 'to at ako nang bahala sa galon!" Sabi ko saka ibinigay sa kanya ang dalawang bag at binuhat ko na rin ang galon. Umalis na kaming tatlo at nagmadaling makabalik sa clinic.
BINABASA MO ANG
Putrid (COMPLETED)
HorrorIsa itong normal na araw para sa mga estudyante ng Prescott High. Pansin ang walang kapantay na kasiyahan sa mga mukha ng bawat estudyante. Ngunit nang dahil sa isang kapabayaan, ang isang napakagandang panaginip ay magiging isang bangungungot. Maka...