ERIC'S POV
"Bakit dalawa na lang kayo? Nasa'n na 'yung magkapatid? Sino siya?" Kakapasok pa lamang namin pero tinadtad na kaagad nila kami ng mga tanong. Hindi muna kami sumagot at ipinakilala muna naming dalawa si Amanda.
Noong una'y balak na nilang ipakain sa mga zombie sa labas si Amanda pero naintindihan din nila ang kuwento nito. Halos hindi makatingin sa amin si Amanda, siguro'y nagi-guilty siya sa dami ng mga kasalanang nagawa niya ngayong araw.
"E nasaan na nga ang magkapatid?" Tanong ni Drake. Nakaupo kaming lahat sa sahig at pinagsasaluhan namin ang mga biscuit at iba pang pagkain na nakuha namin sa canteen. Nagtira rin kami ng marami para may makain pa kami sa mga susunod pa na oras.
"Wala na sila..." Walang gana at nanlulumong pahayag ni Lucas. Hindi makapaniwala sina Drake at Kim sa kanilang narinig. Siguro'y sa saglit na panahon na magkakasama sila ay napamahal na sila sa isa't-isa.
"Oh, Eric. Kumain ka muna." Nagulat na lang ako nang magsalita si Issa na nasa tabi ko. Tinatapat niya sa aking bibig ang chocolate cupcake na nabalatan na niya.
"Hindi na, Issa. Busog pa ako." Palusot ko pa. Wala na siyang ibang nagawa kundi ang kainin na lamang ang cupcake na iyon.
"So, paano na tayo?" Tanong ni Kim habang kumakain ng donut.
"Aalis na tayo rito pagkatapos nating kumain. Hahanap tayo ng mas ligtas na lugar na pwede nating tulugan." Sagot ni Lucas.
Kung tutuusin ay mayroon na kaming matutulugan dito. May double-deck na kamang nakapuwesto sa kaliwa at kanan na bahagi ng clinic. May dalawang magpaparaya para matulog sa sahig. Pero dahil nga sa salamin sa bintana ay kailangan naming magtago sa tuwing may dadaan na zombies sa labas. Hindi naman nila ito gustong palagyan ng tela dahil lalo raw mapapansin ng mga halimaw sa labas na may mga taong nagtatago rito sa loob.
"Kailangan nating magplano. Hindi 'yung basta-basta na lang tayo lalabas. Para na rin tayong pumunta sa lungga ng mga kalaban na walang kahit na anong panlaban." Nagsalita na rin si Amanda. Nagsisimula na niyang maramdaman na isa rin siya sa amin.
"Cerlibirrius narritous ang tawag sa virus na kumakalat sa mga katawan nila ngayon. 'Yung laman ng boteng binigay sa akin ng mga peke kong kaibigan ay ninakaw nila sa chemistry lab." Dagdag pa niya. Pinakinggan lang namin ang mga sinasabi niya.
"Mabilis na nilalamon ng virus ang balat sa katawan ng organism na kinalalagyan niya. Kaya naman amoy bulok sila, at tinalo pa ang amoy ng patay na daga." Wikang muli ni Amanda. Kailangan talaga naming mag-ingat kung ayaw naming madapuan ng ganoong klase ng virus.
"Kung gusto niyo silang patayin, sa ulo niyo patamaan." Babala ni Amanda.
"Maghanda na kayo. Balutin niyo ng mga tela ang buong katawan niyo." Utos ni Lucas. Agad naming kinuha ang mga bed sheets ng mga kama at mga kurtina. Pati ang table cloth ng nurse hindi namin pinalampas. Naghanda kaming lahat at nagbitbit ng mga kahoy.
"Handa na ba kayo?" Tanong ni Drake habang nakalagay ang isa niyang kamay sa doorknob. Binuksan niya na ito at nauna nang lumabas. Sumunod naman kami ni Lucas habang nasa gitna namin sina Kim at Issa. Silang dalawa ang may dala ng mga pagkain at ng natitira pa naming tubig.
"May paparating!" Bulong ni Drake. Agad kaming nagtago sa likod ng isang kotseng nakaparada. Sinilip ko ang mga ito mula sa ilalim ng sasakyan.
Kraaar! Kraaar! Paulit-ulit lamang sila sa kanilang sinasabi. Nakakairitang tingnan ang hitsura nila at ang paraan nila ng paglalakad. Paglampas nila sa amin ay agad kaming naglakad ulit papunta sa gate. Nagbabaka sakali kaming mayroon nang nakapagbukas nito. Kaunting oras na lang ang natitira at babalutin na ng kadiliman ang buong school. Lalong magiging delikado para sa aming lahat.
Ilang minuto lamang ang lumipas at nakikita na rin namin ang mataas na gate ng paaralan. Ito lang ang nag-iisang entrance at exit ng school. Pagkalabas namin dito ay agad kong irereklamo ang kawalan ng fire exit dito.
"Ano na ang sunod nating gagawin?" Tanong ni Issa. Lahat kami ay nag-iisip ng paraan kung paano kami makakalabas. Mayroong padlock pero mukhang kakayanin naman naming akyatin.
"Bakit kaya hindi natin subukang akyatin tutal hin-" Lahat kami ay nabahala nang marinig namin sa aming likuran ang mga paparating na zombies.
"Shit! Nandiyan na sila!" Natataranta na naman si Amanda. Tila nato-trauma na siya dahil sa lahat ng nangyayari. Napaka-ironic. Siya ang nagpasimula ng lahat ng ito pero siya rin ang pinakagusto nang matapos ang lahat. Nababaliw na siya.
Agad kaming nagtakbuhan paakyat sa makitid na hagdanan. Nauna kami nina Issa samantalang nasa dulo naman sina Kim at Drake. Kahit na nauuna na kami ay binabantayan ko pa rin ang mga nasa dulo at baka nasa kritikal na sitwasyon na sila.
Ang mga halimaw na iyon ay talaga ngang mabibilis. Parang tao lang din sila kung tumakbo pero dahil sa pananabik na makagat kami ay nadoble na ang bilis nila.
"Shit! Shit! Bilisan niyo, malapit na sila sa amin!" Sumisigaw si Kim sa likod. Makakarating na sana kami sa second floor nang makarinig kami ng tila nahuhulog sa aming likuran. Nilingon ko iyon at laking gulat ko nang makita kong dumadausdos pababa si Drake.
"Drake!" Napatigil ako at gusto ko siyang tulungang makaakyat pero bigla akong hinawakan ni Issa sa braso at pinigilan. Tuluyan na siyang naabutan ng mga zombies sa baba at dahil doon ay tumigil sila para mapagpiyestahan ang katawan ni Drake.
"Wala na tayong magagawa! Tumakbo na tayo!" Sigaw ni Issa sa akin. Tuliro akong tumakbo muli at sumunod na lang sa pinuntahan nina Lucas. Pumasok kami sa isang classroom na nasa dulo ng hallway. Agad ding ni-lock ni Kim ang pinto at pinagtulungan naman naming isara ang lahat ng bintanang jalousie. Niladlad din namin ang makapal na kurtina para walang makakita sa amin mula sa labas.
Agad naming inayos nang tahimik ang buong classroom. Lahat ng upuan ay nasa gilid at ang nakararami ay magkakapatong sa likod ng pinto at mga bintana. Naalala ko tuloy bigla tuwing magpa-Pasko. Party party kami lagi sa loob ng classroom.
"Nawalan na naman tayo ng isang kasamahan..." Malungkot na wika ni Issa. Halos ingay na lamang ng ceiling fan ang naririnig namin dahil sa sobrang tahimik. Nagtira lamang kami ng limang armchair at inilagay namin iyon sa gitna ng classroom. Pero mas napili nina Issa at Lucas na humiga sa malamig na sahig dala na rin siguro ng sobrang pagod.
"Babalik tayo sa gate. Siguradong maaakyat natin 'yun." Bigla na lang nagsalita si Lucas. Nakatakip sa mukha niya ang braso niya.
"Hala, paano naman kaming mga hindi marunong umakyat?" Kontra ni Kim. Kung tutuusin ay wala na siyang ibang choice. Kung gusto niya talagang makaalis dito, gagawin niya ang lahat kahit pa ang akyatin ang mataas na gate sa baba.
"If there's a will, there's a way..." Wika ni Issa habang nakatingin sa kisame ng classroom. Mukhang palaban si Issa at mas nanaisin din niyang umakyat kaysa manatili rito. Hindi na siya sinagot pa ni Kim at nanatili na lang ding tahimik.
BINABASA MO ANG
Putrid (COMPLETED)
HororIsa itong normal na araw para sa mga estudyante ng Prescott High. Pansin ang walang kapantay na kasiyahan sa mga mukha ng bawat estudyante. Ngunit nang dahil sa isang kapabayaan, ang isang napakagandang panaginip ay magiging isang bangungungot. Maka...