KIM'S POV
Hindi ako makagalaw sa kadahilanang mabigat si Drake—ang zombieng si Drake. Nakadagan siya sa akin at pinagmamasdan ko lamang siya habang unti-unti niyang kainin ang iba't-ibang bahagi ng katawan ko. Nagsimula na ring mamanhid ang buong katawan ko. Alam kong wala na akong pag-asa. Hinihintay ko na lang na maging kauri nila ako, na makikipagsabayan sa pagtakbo makakain lang ng laman ng tao.
"Kim... Kim... Kim..." Sa sobrang hilo ko ay hindi ko na malaman kung sino ang tumatawag sa pangalan ko. Gusto kong lumaban, pero paniguradong iisa lang ang kahahantungan ko, at iyon ay ang pagiging isa sa kanila.
Ito na nga ba ang kapalit ng ginawa ko kay Drake? Ito na ba 'yung tinatawag nilang karma? Gusto kong balikan ang huling mga minuto ng buhay ko. 'Yung parte tumatakbo pa kami paakyat ng hagdan. At higit sa lahat, noong buhay pa si Drake.
***---***
"Shit! Shit! Bilisan niyo, malapit na sila sa amin!" Ubod ng lakas na sigaw ni Kim. Ilang hakbang na lamang at maaabutan na sila ng mga tinatakbuhan nila kaya pilit niyang binibilisan ang pag-akyat. Ayaw niya pang mamatay. Marami pa siyang gustong gawin sa kanyang buhay.
Sa sobrang taranta niya ay inilagay niya ang kanyang paa sa daraanan ng kasabay niyang Drake. Agad itong natapakan ng binata, dahilan upang mawalan siya ng balanse. Hindi naman agad nakapagsalita pa si Drake tungkol sa ginawa sa kanya ng kasamahan dahil nauna na siyang kagatin ng mga zombies na nasa likuran nila.
Nakayukong tumakbo si Kim nang hindi man lang nililingon ang kaibigan. Labag sa kalooban niya ang kanyang ginawa pero ginawa niya lamang iyon para makaligtas. Iba talaga ang magagawa ng isang tao para lamang mabuhay.
Hindi na inabot pa ng ilang minuto ang katawan ni Drake. Sa sobrang dami ng kagat na natamo niya ay mabilis siyang nakapagpalit ng anyo at naging isa sa kanila. Pero kahit na nagpalit na siya ng anyo ay hindi na nawala sa kanyang isipan ang ginawang iyon ni Kim.
***---***
Hindi ko makakalimutan ang lahat ng iyon. Pero hindi ako nagsisisi, dahil nabuhay ako nang mas matagal sa kanya. Ilang minuto na lang din ang natitira at hindi ko na makikilala ang sarili ko. Tuluyan nang namanhid ang buong katawan ko. Dahil dito ay pinikit ko na lamang ang dalawang mata ko at hinintay na magkaroon ng isang himala.
ERIC'S POV
Sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay hindi agad kami nakakilos. Nangitim na ang balat ni Kim, naging malalim na rin ang mga mata niya. At ang mga sugat niya ay nagsimula nang mabulok at lumaki nang lumaki.
Nagpatuloy ako sa pananarak ng armas ko sa mga ulo ng mga zombies na lalapit sa grupo namin. Saksak dito, saksak doon. Halos mapuno na rin ng dugo ang uniform ko. Hindi tuloy mawala sa isip ko kung magagamit ko pa ba ito sa muling pagbabalik ng klase... Kung magbabalik man ang klase sa Prescott High.
"Guys, nabuksan ko na! Tara na!" Nakuha ni Lucas ang atensyon ko. Bago ako lumingon ay muli kong pinadaanan ng karet ang ulo ng isang zombie na lumapit sa akin. Ang karamihan sa kanila ay medyo malayo na kaya't nagsimula na akong tumakbo papunta sa gate. Sumunod na rin sa akin sina Amanda at Issa.
Pagkatapos naming makalabas ay agad din naming pinihit pabalik ang latch ng gate at ipinasok ang alambre at ipinulupot ito ng ilang beses nang sa gayon ay walang makalabas ni isa sa kanila.
Nakalabas man kami ay hindi pa rin nawawala ang kaba sa dibdib ko. Dumidilim na ang paligid. Hindi namin alam ang mundong bubungad sa amin. Naglakad na kami muli papunta sa main road kung saan kami makakasakay pauwi.
"Ito na ba ang part na maghihiwa-hiwalay na tayo?" Tanong ni Issa habang nakasiksik sa tabi ko. Nagkatinginan kaming tatlo sa sinabi niyang iyon.
"Ewan." Walang ganang sagot ni Lucas sa isang mababang tono. Nagtawanan kami nina Amanda at Issa sa sinabi niyang iyon. Hindi na masyadong galit sa mundo ngayon si Lucas, siguro'y dahil nakalabas na kami sa mala-bangungot na school naming iyon.
Sa huling pakikipaglaban namin ay may isa na namang nawala—si Kim. Hindi ko maintindihan kung bakit tila galit na galit sa kanya ang zombieng Drake. Kung anuman ang rason ay si Drake lamang marahil ang makasasagot.
Tahimik lamang ang buong paligid. Mula nang makalabas kami ng school ay wala pa rin kaming nakakasalubong na tao dito sa kalsadang magdadala sa amin sa main road kahit pa man na sa pagkakaalam ko ay maraming tao ang dumaraan din dito. Mga nagtatrabaho, nag-aaral o kaya naman ay bumibisita sa mga residenteng nakatira malapit sa school.
Pinagsawalang bahala na lamang namin iyon at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Maya-maya pa ay unti-unti na naming nasilayan ang malawak sa highway. Sa mga ganitong oras ay traffic na, puro busina lamang ng mga driver ang maririnig, pero ngayon, ni isang sasakyan ay wala kaming makitang dumaan.
Unti-unti kaming bumagal sa paglalakad. Para kaming nagpunta sa isang libing na nakasuot ng makukulay na damit. Parang hindi kami na-inform sa kung ano na ang nangyayari. Ano na nga ba ang nangyari sa ilang oras na nawala kami?
"B-bakit walang katao-tao?" Nauutal na nagtanong si Amanda. Walang sumagot sa amin. Lahat kami ay nagmamasid sa paligid. Mukhang wala namang nagbago. Ang kalsada na puno ng basura ng mga taong dumaraan ay ganoon pa rin. Wala namang senyales na nagkaroon ng zombie apocalypse.
"Alam niyo, guys. 'W-wag na lang muna kaya tayong maghiwa-hiwalay? Hindi ba't napakadelikado noon kung gagawin natin 'yon?" Suhestiyon ni Issa. Ito na naman siya, pumupulupot na parang ahas sa braso ko.
"Ano na bang nangyayari?" Hindi ko na kinayang manahimik pa. Inunahan ko sila sa paglalakad at tumakbo na ako papunta sa highway. Gusto kong makita ang lahat.
Pagkarating na pagkarating ko sa mismong highway ay napatigil ako. Tiningnan ko ang kaliwa at kanan ng kalsada. Nanlambot ang nga kamay ko. Parang nagbalik sa memorya ko ang lahat ng mga pangyayari sa loob ng school.
"H-hindi maaari..." Iyan na lamang ang mga salitang nasabi ko nang masilayan ko ang tunay na mundo sa labas ng paaralan namin. Gusto kong bumalik na lang sa loob. Ayoko nang muli pang makita ang lahat ng ito.
Tumakbo ako pabalik sa kanilang tatlo na pinagpapawisan. Bumilis nang bumilis ang tibok ng puso ko at nagsimula nang manikip ang dibdib ko. Pati ang mga kamay ko ay hindi na napigilan pang magpawis.
"Anong nakita mo?" Kitang-kita ang kuryosidad sa mga mukha nila. Hindi na ako sumagot at tumabi na lang din ako sa kanila. Ganoon na ba talaga kami katagal na nawala?
BINABASA MO ANG
Putrid (COMPLETED)
HorrorIsa itong normal na araw para sa mga estudyante ng Prescott High. Pansin ang walang kapantay na kasiyahan sa mga mukha ng bawat estudyante. Ngunit nang dahil sa isang kapabayaan, ang isang napakagandang panaginip ay magiging isang bangungungot. Maka...