ERIC'S POV
Blaaag! Marahas kong binuksan ang pinto at agad na lumabas. Dahilan para mapunta sa akin ang atensyon ng mga zombies. Sumunod na rin sa likuran ko sina Kim at Issa na nag-pose pa paglabas nila. Mabilis na nagtakbuhan ang lahat ng zombies sa amin. Ang tantiya ko ay aabot ng mga bente katao—este ka-zombie ang mga ito. Nanatili kaming magkakasamang tatlo habang naghihintay na lapitan kami ng mga zombies. Nakahanda na ang mga armas namin, hinihintay na lang namin na may magtangkang lumapit sa amin.
At ang matagal na naming inaasam ay dumating na. Paunti-unting naglapitan ang mga zombies sa amin. Isa-isa na naming tinusok at pinagsasaksak ang mga ulo nila. Tama nga ang nabanggit sa amin ni Amanda, lahat sila ay hindi na nakatayo pa nang mapuruhan namin nang todo ang mga ulo nila. Naalala ko tuloy ang palabas na "The Walking Dead", kung saan sa ulo rin nila pinapatamaan ang mga zombies na lumalapit sa kanila. Ngayon ay napatunayan ko nang totoo ang lahat ng iyon.
"Bilisan na natin, baka dumami pa sila lalo mamaya." Parang hirap pa magsalita si Kim dahil maraming zombies ang lumalapit sa amin.
Nakatatakot kapag lumiliit ang distansya sa pagitan namin at ng mga zombies. Iba sa pakiramdam kapag nakikita namin nang mas malapitan ang mga sugat na natamo nila.
Napatingin ako sa karet na hawak-hawak ko. Puno na ito ng mga dugo. Hindi ko na ito pinansin pa at nagpatuloy na ako sa pananaksak ng mga ulo nila. Madali lang pala silang patayin dahil hindi sila lumalaban gamit ang kanilang mga kamay o paa. Ginagamit nila ang kanilang nga bibig para mangagat, gusto lang talaga nila kaming kainin.
Maya-maya pa ay naubos na namin ang lahat ng zombies na balak kaming kainin. Nagkalat ang mga katawan nila sa buong hallway. Bumalik muli ang nakabibinging katahimikan.
"Kraaar!" Napatingin ako sa aking tabi kung saan nadadaganan ng iba pang mga zombies ang isa pang zombie. Pilit nitong inaabot ang aking paa kaya naman umatras ako. Nagulat ako nang biglang tapakan ni Kim ang ulo ng zombie na parang isang lobo na gusto niyang putukin. Nagkalat sa sahig ang malambot at nagkadurug-durog nitong buto at ang mga laman nito.
"Bumalik na tayo sa kanila." Walang emosyong sabi ni Kim habang nakatapak pa rin ang isa niyang paa sa ulo nito. Agad kaming umalis dala-dala ang mga armas namin at ang martilyo na natagpuan ni Kim.
***---***
"Lucas! Amanda! Buksan ninyo ang pinto!" Sigaw ko habang pinipihit ang doorknob. Agad naman itong nagbukas at bumungad sa amin si Amanda na nakayuko. Pumasok na kami sa loob at muli naming ini-lock ang pinto.
Wala namang nagbago. Nakahiga pa rin si Lucas habang si Amanda naman ay pinagmamasdan kami habang umiinom kami ng tubig. Nakakauhaw din naman kasi ang ginawa namin.
"N-nakakuha ba kayo ng kahit anong tool?" Nauutal na nagtanong si Amanda. Ewan ko ba sa kanya, nakokonsensiya siguro siya sa pang-iiwan niya sa amin. Pero wala na lang 'yun, basta't makalalabas na kami. Iyon ang importante.
"Oo, nakakuha na kami ng martilyo." Sagot ni Issa. Nakaupo lamang kami sa sahig habang si Lucas naman ay medyo nalalayo sa amin at nakahiga.
"Tara na. Umalis na tayo." Sabi ko saka ako tumayo. Ayoko na talagang magpagabi pa sa school na 'to. Siguro dati, noong dito pa kami nagka-camping. Pero ngayon na sasamahan naman kami ng mga halimaw na iyon, huwag na. Mabuti nang mamatay ako kaysa maging isa ako sa kanila.
"Lucas? Tara na..." Yaya ni Kim saka lumapit kay Lucas na nakahiga pa rin. Hindi siya nito kaagad sinagot. Pero maya-maya ay tumayo na rin ito.
Niligpit na namin ang mga natitira pa naming pagkain sa iisang bag at dinala na rin ni Issa ang natitira pang tubig. Binigay niya ang kanyang armas kay Amanda at ang martilyo naman ay pinahawak namin kay Lucas para magamit niyang pangdepensa. Lahat kami ay nakabantay kay Issa dahil wala siyang kahit na anong armas na pwede niyang magamit.
Binuksan na namin ang pinto at agad kaming dumiretso pababa ng building kung saan naghihintay sa amin ang ilan pang mga zombies. Pababa pa lamang kami ng hagdan pero nagsisimula na silang magsilapit sa amin. Agad kong pinakita sa kanila kung paano patayin ang mga zombies. Gamit ang aking karet ay itinusok ko iyon sa ulo ng isa sa kanila. Agad din naman nila akong ginaya ay sumabak na rin sila sa isang madugong labanan.
"Kraar! Kraaar!" Nagsama-sama ang mga ingay nilang lahat. Nakaririndi. Habang tumatagal ay lalong umiingay ang mga iyon. Lalo naman naming binilisan sa pagbaba. Lahat ng humaharang sa daan namin ay pinapatay namin nina Kim, Amanda, at Lucas. Nang marating namin ang gate ay agad naming binigyan ng oras at espasyo si Lucas. Sa kanya na nakasalalay ang lahat. Siya ang may hawak ng martilyo kaya't siya lang din ang makapagbubukas nito. Hinaharangan namin ang lahat ng zombies na nagbabalak lumapit sa amin, pero habang tumatagal ay padami nang padami ang mga dumarating na zombies. May nababawas pero meron ding nadadagdag.
"Lucas, bilisan mo! Parami na sila nang parami!" Sigaw ko saka muling itinarak sa ulo ng isang zombie na lumapit sa akin.
"Oo, binibilisan ko na nga!" Sigaw niya. Rinig na rinig na rin namin ang paulit-ulit na paghampas ng martilyo sa padlock.
"Para ito sa pagkawala ng mga kaibigan namin!" Sigaw ni Kim saka niya isinaksak sa mukha ng isang zombie ang kanyang itak. Mabilis itong natumba sa sahig kasama ang ibang pang zombies na napatay namin. May ilang mga zombie na pamilyar ang mukha gaya ng mga naging guro at ilan sa mga kaklase namin. Pero hindi na kami nagdalawang-isip pang kitilin ang buhay nila.
Lumabas na rin ang tapang ni Amanda. Parang aral na aral na niya ang paggamit sa bakal na hawak niya. Kung ano man ang maging resulta nito ay ipagpapasa-Diyos ko na lamang. Mapatawad sana niya kami sa mga ginawa naming pagpatay.
Sa gitna ng karumal-dumal na labanan ay isang halimaw ang kumuha ng atensyon ko. Si Drake. Hindi ako maaaring magkamali. Tandang-tanda ko pa ang suot niyang sapatos noong dumausdos siya pababa ng hagdan. Kasabay ng iba pang mga zombie ay sumugod din siya papunta sa amin. Lalo akong nangilabot nang makita kong may galit sa bawat paghakbang niya papalapit sa amin.
"Kraaar!" Mas malakas ang ingay na nagagawa niya. Pero imbes na tumakbo ay tumalon siya papunta kay Kim.
"Kim!" Sigaw ni Issa habang nakaturo sa zombie na papunta sa kanya. Hindi na nakapaghanda pa si Kim kaya agad siyang natumba sa sahig. Mabilis kaming tumakbo ni Amanda papunta sa kanya pero huli na ang lahat. Kinagat siya nito sa kanyang pisngi at mabilis iyong natuklap mula sa kanyang mukha.
"Ahhh!" Namimilipit sa sakit na sigaw ni Kim habang nakadagan sa kanya ang zombie nang si Drake.
BINABASA MO ANG
Putrid (COMPLETED)
Kinh dịIsa itong normal na araw para sa mga estudyante ng Prescott High. Pansin ang walang kapantay na kasiyahan sa mga mukha ng bawat estudyante. Ngunit nang dahil sa isang kapabayaan, ang isang napakagandang panaginip ay magiging isang bangungungot. Maka...