Matagal tagal na rin pala simula nung huli akong naging ganito.
Pabaling baling sa bawat parte ng higaan ko.
Gabi at tila nagmumukmok,
hindi alam kung anong gagawin para makatulog.
Puso laban sa isip, pero ano nga bang nais ipahiwatig?
Hindi ko na alam.
Nalilito, parang mahihibang.
Nalilito, sa dalawang dahilan.
Nalilito, sa pagitan.
Nalilito, sa kung ano ang pagdedesisyunan.
Akala ko ay buo na. Maayos at nasalansan na ang bawat ideya.
Ultimo kaliit-liitang detalye'y napag-aralan na.
Pero ano ito, bakit nandito na naman ako?
Bumabalik sa pinanggalingan ko, ang pagiging lito sa kung ano nga bang dapat gawin ko?
Ang hirap mapunta sa posisyong ito.
Na tipong hindi mo na alam ang gagawin mo.
Nandoon na ako sa puntong may desisyon at matatag na pananaw at pangangatwiran sa gusto ko, pero,
tila dagdag lang ito sa libo-libong akala na inasam ko sa buhay ko.
Ano ang tama sa mali?
Ano ang dapat sa hindi dapat?
Ano ang importante sa hindi?
Ano ang mahalaga sa hindi mahalaga?
Anong pinagkaiba ng bawat salita sa kung hindi ko naman ito tila maunawa?
Bakit nandito na naman ako,
sa sitwasyon kung saan nalilito?
Bakit ngayon pa, na kung kailan, kailangang kailangan ko nang gumawa ng desisyon,
dahil dito nakasalalay ang magiging resulta ng buhay ko sa mga susunod na taon.
Ano ba dapat?
