Kabanata 1

4.9K 122 18
                                    

Zarina

“HIJA, ang ganda ng kulay ng kutis mo. Tiyak na mabenta ka sa mga banyaga.”

Pasimple kong nilingon ang ale na nagsalita habang abala ako sa pagse-serve ng pagkain.

Akala ko ay hindi ako ang kausap nito, sa akin pala nakatingin. Tumuwid ako ng tayo at nahihiyang ngumiti rito bagamat nangingilabot.

Mukhang may kaya ang ginang dahil puro burloloy ang katawan nito at tila mamahalin ang dalang bag. Makulay rin ang mga kuko at may kolorete sa mukha.

“A-Ah, salamat po.”

Inabot ko rito ang platito ng isang order niya na adobong manok. Ito ang nag-iisang kustomer ko sa hapong iyon kaya hindi busy masiyado.

“Ikaw ba ay may nobyo na?”

Akala ko ay aalis na ito sa harapan ko pero mukhang gusto pa ako nitong kausapin.

Marahan akong umiling at kiming ngumiti. “Wala pa ho.”

“Saan ka naman nag-aaral?”

Napahinga na lang ako nang malalim dahil sa pagiging madaldal nito. Sandali kong inayos ang hairnet na suot bago sumagot. “Hindi na ho ako nag-aaral.”

Huminto na ako nang mag-second year college ako dahil hindi na kinaya ng budget. Sa ngayon, nagtatrabaho na lang muna ako sa isang karinderya para maipagpatuloy pa ng mga kapatid ko ang pag-aaral nila.

“Ay! Bakit? Sayang naman!” komento nito na ikinailing ko.

Hindi naman ako nanghihinayang. Okay na sa akin basta maka-graduate ang mga kapatid ko.

“Mahabang kuwento ho, e. Dala na rin ng kahirapan.”

Nagkunwari ako bigla na nag-aayos ng mga gamit nang may dumating na kustomer—na ayaw na ayaw kong pagserbisyuhan, sa totoo lang.

Wala pang isang minuto pero namawis na agad ako sa kaba at pagkailang.

“Ano pala ang pangalan mo, Miss?” pukaw sa akin ng babae na ikinangiwi ko.

Please lang, maupo ka na at kumain. Huwag mo na akong daldalin!

“A-Ahm, Zarina ho.” Nang mapadako ang tingin ko sa lalaking bagong dating ay muli akong kinabahan.

Ayan na naman kasi siya. Tatambay ng ilang oras dito at tititigan ako nang lantaran. Parang puro itong banyaga pero hindi ko alam kung ano ba ang lahi. Napakaseryoso nito palagi, parang laging masama ang timpla, at hindi pa pala-imik.

Sino ba ang hindi mangingilabot kapag tinitigan ng lalaki sa paraang seryoso at walang kangiti-ngiti? Ano ba ang malay ko sa iniisip nito habang tinititigan ako?

Ikatlong araw na niya iyong ginagawa rito. Ano ba ang kailangan nito sa akin?

Tulad ngayon, nakatayo lang ito sa tapat ko, sa tabi ng babaeng dinadaldal ako. Nakatitig. Hindi niya ba alam na napaka-creepy niyang tao?

Napalunok ako at nagbaba ng tingin. Hindi ko kayang salubungin nang matagal ang mga titig nito dahil nanghihina ako. May kung ano sa presensiya niya na nakakapanlambot ng mga tuhod.

Mukhang napansin din ng babae ang bigat ng tensiyon kaya kusa na itong naupo sa bakanteng table at kumain.

Kahit ayaw kong tingnan ang lalaki ay ginawa ko pa rin at pilit na ngumiti.

“What’s your order, Sir?”

Adobong manok na naman siguro ang bibilhin nito. At hindi nga ako nagkamali nang ituro niya iyon, saka ibinalik na naman ang walang kapagurang titig sa mukha ko.

The Russian Mafia's GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon