Kabanata 3

2.4K 115 24
                                    

Zarina

Isang araw bago umuwi sa bahay si Mama at ibigay sa akin ang malaking halaga ng pera, ay napagplanuhan nilang mag-akyat-bahay sa isang may kayang pamilya—na makapangyarihan daw at galing sa ibang bansa—Russians. Ayon sa mga pulis, marami pa raw ang mga kasabwat doon, karamihan ay mga adik din na mga lalaking taga-rito lamang sa lugar namin, at kasama ang mga kaibigan ni Mama na mga babae. Nagkataong wala roon ang may-ari ng bahay at tanging mga kasambahay lang at isang babaeng anak ng pamilyang banyaga, kaya madali nilang napasok.

At sa kasamaang palad, nakita sila ng batang babae. Doon naisip ng isa sa kanila na patahimikin ang bata nang panghabang-buhay.

Pinagtulungan nila iyong patayin, saka ninakaw lahat ng maaari nilang manakaw na kayamanan.

Nakakalungkot lang isipin na nagawa ni Mama ang mga bagay na iyon. Napakabuti niyang tao, pero dahil sa impluwensiya ng mga kaibigan at sa kagipitan na rin sa pera ay natulak siyang gumawa ng krimen—krimeng lalong nagpalala ng sitwasiyon namin sa buhay.

Napabuntong hininga ako na lang ako habang pinaliliguan si Strawberry. Hawak nito si Didi na paulit-ulit niyang nilulunod sa balde at pinaglalaruan.

“Zarina?”

Natigil ako sa pagbabanlaw sa bata nang may pamilyar na tinig akong narinig.

Nanlaki pa ang mga mata ko at napanganga nang makita si Kuya Sean.

Daglian kong tinapos ang pagbabanlaw sa paslit bago ito dalhin sa maliit na kuwarto. Si Hearth na ang nagbihis sa bata kaya binalikan ko si Kuya Sean na mukhang kagagaling lang sa trabaho bago dumeretso rito.

“Kumusta ka na, Zarina?” seryosong anito nang paupuin ko sa upuan.

Malungkot akong ngumiti bago sulyapan ang kabaong ni Papa. “Eto, malungkot pa rin dahil sa mga nangyari.” Malat pa ang boses ko.

“Condolences, Zarina,” aniya na may lungkot sa mga mata. Ngumiti lang ako bilang tugon. “Parang tumabang ang mga pagkain sa karinderya simula nang mawala ka roon. Hinahanap ka na ng mga admirer mo,” anito na agad kong ikinatawa.

“Babalik din naman ho ako pagtapos nito,” mahina kong turan.

Makakabalik pa ba talaga ako? Baka nga hindi na ako abutan pa sa susunod na linggo.

Napayuko ako at agad na nanginig nang maalala ang mga nangyari kahapon. Iyong lalaking iyon na banyaga. Sino ba talaga siya?

Ilang araw na ang nagdaan at lahat ng mga naiwang pamilya ng mga kasamahan ni Mama, pinaglalamayan na. Nailibing na rin si Papa, at ako, nakabalik na rin sa karinderya.

Bagamat walang masamang nangyayari sa akin—sa amin ay hindi pa rin ako makampante. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod kaya masiyado akong paranoid.

At ang nakakainis lang, wala man lang ginagawa ang awtoridad para matigil na ang pagpaslang sa mga inosenteng tao. Masiyado raw malinis ang gumawa ng krimen dahil walang bakas ng pagkakakilanlan kung sino ba talaga ang gumagawa niyon. Pero marami ang nagsasabi na kapamilya lang din iyon ng batang napaslang. Baka grupo nila.

Ayoko mang lumabas ng bahay dahil sa takot ko ay mamamatay naman kami sa gutom kung hindi ako magtatrabaho.

“Ilang araw na rin kayang hindi nadalaw rito si Mister Pogi. Baka ngayon ay dumalaw na iyon since nandito na ang pakay niya,” dinig kong wika ni Ate Helen na ikinaalis ko mula sa pagkakatulala.

Walang buhay ko itong nilingon at naabutan itong nakikipag-usap sa kusina kay Kuya Rolan.

Gusto kong mangilabot at mandiri, at tutulan ang sinabi nito, pero hindi na ako nagsayang pa ng laway. Napatungo na lang ako at mariing nilamukos ang laylayan ng suot na shirt.

The Russian Mafia's GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon