Kabanata 2

2.7K 103 17
                                    

Zarina

BAKIT siya naririto? Pati ba naman dito, makikita ko pa ito?

Naningkit ang mga mata ko habang pinagmamasdan ang napakaseryoso nitong mukha.

Hindi ito nagpatinag at tinitigan ako lalo kaya ako na ang naunang nagbawi. Dali-dali akong umalis doon para umuwi. At doon ko nakita ang nag-iiyakan kong mga kapatid.

Ang Papa naman ay nakabulagta sa sahig kaya napasabunot ako ng buhok dahil sa nakita. Hindi ko na alam ang gagawin ko.

Nilapitan ko si Papa at nakita kong namumutla ito.

Tila ako nawalan ng kulay sa mukha. Para akong tinakasan ng sarili kong kaluluwa dahil sa nasaksihan.

B-Bakit?

Napaluhod ako’t nanghina.

Bakit . . . naman ngayon pa?

“I-Inatake siya sa puso, A-Ate, nang malaman ang nangyari kay Mama,” umiiyak na sambit ni Carl.

Agad ko itong niyakap habang basang-basa ang aking mukha dahil sa mga luhang sunod-sunod na nagsipatakan.

Tinulungan kami ng mga kapitbahay namin na dalhin si Papa sa ospital dahil halos hindi rin gumagana nang maayos ang isip ko’t katawan.

Tulala ako nang maupo sa upuan sa labas ng hospital.

Hindi ko na kinaya ang eksena sa loob. Para akong mawawalan ng balanse.

Ito na ata ang pinakanakakatakot kong bangungot sa buhay. Hindi ko na inabutan pa ng buhay si Papa.

Sa isang iglap ay nawala sa akin ang dalawa kong magulang. Ni wala man lang pasabi, hindi ako nakapaghanda. Edi sana, sinulit ko na ang lahat ng oras na mayroon kami noon.

Panay ang patak ng mga luha ko habang pinagmamasdan ang nanginginig kong mga kamay. Tila ako mababaliw dahil hindi ko alam ang gagawin ko.

Una, kinuha ng mga pulis si Mama. Pangalawa naman ito. Hindi ko matanggap. 

Napayuko ako at itinakip sa mukha ang mga palad. Sobrang bigat ng nararamdaman ko at parang gusto ko nang sumunod kay Papa.

Pero inaalala ko ang mga kapatid ko. Kailangan nila ako.

Malilipat ang pasanin sa mga paslit kong kapatid kapag ginawa ko iyon. Baka matulad sila sa mga batang nasa kalye na wala nang pamilya, na ayokong mangyari sa kanila.

Tama. Kailangan kong gawing lakas ang mga pagsubok na ito.

Marahas kong pinahid ang mga luha sa mukha ko at nagmadaling umalis sa lugar na iyon. Kailangan ako ng mga kapatid ko ngayon.

Tinakbo ko lamang ang distansiya mula sa hospital hanggang sa bahay kahit na madilim na at medyo malayo pa. Kinagat ko ang dila ko upang doon ibaling ang sakit, ngunit kahit ata ano’ng gawin ko ay kusang tumutulo ang mga luha ko. Ramdam na ramdam ko ang sakit sa dibdib.

Nang makarating ako sa bahay ay sinalubong ako ni Carl. Tulog na si Berry. Si Hearth at Carl na lamang ang gising habang umiiyak.

“Kumain na ba kayo?” halos paos kong tanong sa mga ito.

Umiling sila kaya lalo akong nasaktan. Niyakap ko sila at humingi ng tawad.

Halos hindi ako makahinga nang maayos habang inaasikaso ang makakain namin. 

Pinilit kong kumain kahit na ayaw ng katawan ko. Gusto kong may lakas ako na harapin ang bukas kaya kailangan kong magpalakas.

Humikbi ako habang pinagmamasdan ang mga kapatid ko na namamaga ang mga mata sa kakaiyak.

The Russian Mafia's GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon