Chapter 1

5.8K 96 13
                                    

HINDI na mabilang ni Liv kung ilang beses na niyang tinitingnan ang pulang orasan sa dingding ng lobby ng gusali ng kanilang opisina. Mag-a-alas siyete na ng gabi, nakauwi na ang lahat ng kasamahan niya sa trabaho at ilang oras nang kumukulo ang tiyan niya sa gutom.

Mahigit apat na taon na siyang nagtatrabaho sa J'J Creative Events, isa sa mga kilalang events organizing company sa bansa, kasama ang kanyang matalik na kaibigan na si Glecy. Marami-rami na ring nahawakang proyekto ang kanilang team, mula sa mga simpleng debut at wedding hanggang sa mga milyun-milyong piso'ng corporate events at kung siya ang tatanungin, kontento na siya sa ganoon. Kahit pa sobrang demanding ng trabaho niya, wala siyang reklamo dahil iyon naman talaga ang gusto niyang gawin at wala na siyang iba pang pangarap sa buhay, maliban na lamang ang makamit ang mailap na pag-ibig ng kaibigang si Manolo.

Ang sabi ni Manolo, susunduin siya nito dahil sa isang 'emergency'. May importante raw itong sasabihin kaya heto siya sa lobby, nagtitiis sa kumakalam na tiyan.

Sinasabi na nga ba niya, na-good time na naman siya ng best friend niyang iyon. Kung bakit ba naman wala siyang kadala-dala? Ilang beses na nga bang nangyari ang ganoon na paghintayin siya ni Manolo sa wala?

Dalawang bagay lamang naman ang naisip niyang 'emergency' ng best friend – brokenhearted na naman ito o may bago na naman itong popormahan at kailangan nito ng tulong niya. At siyempre, bilang isang ulirang kaibigan, bibigyan niya ito ng payo, kahit pa nga minsan ay masakit na iyon sa kanya.

Oo, ganoon na siya ka-tanga pagdating kay Manolo. Pikit-mata, kahit masaktan. Basta maging masaya lamang ito, kahit siya ang parating naiiwang luhaan. Sabi nga ni Glecy na kanyang best friend-slash-shock absorber-slash-assistant-slash-diary simula pa noong kolehiyo, p'wede na siyang patayuan ng monumento dahil sa pagiging martir. Ang dami naman raw pumo-porma sa kanya, bakit si Manolo pa?

E, hindi rin niya alam. Kahit siguro pagsama-samahin pa ang lahat ng lalaki sa mundo, walang kaabug-abog na si Manolo ang pipiliin niya. Dahil best friend niya ito, at mahal niya ito.

Sa totoo lang, wala namang 'mahal-mahal' noong una. High school friends sila, naging college best friends sila, hanggang ngayon na may kani-kaniya na silang trabaho. Pero ano itong nararamdaman niya ngayon? Nami-miss niya si Manolo sa tuwing hindi niya ito nakikita – na hindi naman nangyayari noon. At ngayon, mamatay-matay siya sa paghihintay ng text message o tawag nito sa tuwing nawawala ito sa radar niya.

Hindi pa man, sumasakit na ang tiyan niya nang sabihin sa kanya ni Manolo na makikipagkita ito sa kanya, dahil may importante raw itong sasabihin. Magtatapat na ba ito sa kanya ngayon? Aaminin na ba nito ang tunay nitong nararamdaman?

Teka, paano nga kung magtapat na ito sa kanya? Sasagutin ba niya ito? Handa na rin ba siyang umamin na mahal na nga niya ito? For Christ's sake, humigit-kumulang labindalawang taon na silang magkakilala at kalahati niyon na niya itong pinagnanasaan.

Pinagnanasaan talaga? Oo, dahil aminin man niya o hindi, nanlalamig (at nag-iinit) na siya kapag nagkakadikit ang mga braso nila, na noon ay wala lang naman sa kanya. Noon nga, magkatabi pa silang nakakatulog sa kama niya, nang magkayakap pero kung ngayon iyon mangyayari? Susmio, baka magkasala siya sa Diyos!

Iniling-iling ni Liv ang ulo pero napangiti rin pagkatapos.

Hay, si Manolo, ang kanyang best friend na paasa. Chinito ito, kayumanggi. At kapag ngumiti na ito, wala na - gumuguho na ang lahat ng defenses niya. Hindi man into katangkaran, hindi naman ito magpapahuli sa ka-cute-an. Hindi rin naman ito athletic pero hilig nito ang pagtakbo at pagba-badminton kaya naman kakikitaan rin ito ng muscles kahit paano.

Si Manolo ang tipo na masaya na sa mga simple'ng bagay. Hindi nito hinangad na maging doktor tulad ng ina o propesor tulad ng ama nito. Kung mayroon itong pinagkakagastusan, iyon ay ang libangan nitong pagpipinta. Hindi pabor ang mga magulang ni Manolo sa hilig nitong iyon kaya naman ang kuwarto na niya ang ginawa nitong art studio noon pa man. Halos mapuno na nga iyon ng mga sketches at paintings ni Manolo, na sa tingin niya ay kailangan na niyang magpagawa ng extension para lamang roon.

Tagu-taguan ng Feelings (published under PHR) COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon