PARANG nabuhusan ng malamig na tubig si Olivia at tiningnang muli ang laman ng kahon. Kumikinang ang malaking diyamante ng singsing sa tuwing tinatamaan ng liwanag ng buwan at parang bigla siyang nasilaw dahil doon. Magpapakasal na ito sa iba at heto siya, mukha pa ring tanga na umaasang mamahalin siya ni Manolo sa paraang gusto niya.
Pumikit siya at nanalangin na sana, pagdilat niya ay wala na ang lahat – ang magandang tabing-dagat, ang binatang ilang ulit na niyang pilit kinalimutan at ang singsing na hawak niya. Pero imposible iyon. Ramdam pa rin niya ang lamig ng hangin, ang mainit na presensiya ni Manolo at ang bigat ng kahon na iyon. Dumilat siya at dahan-dahang ibinalik ang singsing sa binata.
Umiling-iling siya. "Itinatanong mo sa akin kung bakit ako umalis noon? Sige, sasagutin kita ngayon. Umalis ako noon dahil gusto na kitang iwasan at gusto ko nang kalimutan ang lahat tungkol sa'yo habang-buhay. Umalis ako dahil pagod na 'ko, Manolo. Pagod na 'kong makinig sa mga heartbreaks mo, sa mga kuwento mo tungkol sa mga babae'ng gusto mo, sa mga reklamo mo sa kanila!" Nilakasan niya ang loob at tiningnan ang kaibigan sa mga mata. Wala na siyang pakialam kung ano man ang magiging reaksiyon nito. "And then this...ipapakita mo sa'kin 'tong engagement ring na ibibigay kay Miranda...and what do you expect me to feel about this? Should I be happy? Of course, best friend kita e, dapat kung ano ang makapagpapasaya sa'yo, doon ako, hindi ba? Dapat matuwa ako dahil at long last, ikakasal ka na sa babae'ng mahal mo. Dapat-"
Lumapit sa kanya si Manolo upang pakalmahin siya pero bahagya siyang lumayo.
"Dapat hindi na lang ako pumayag na sumama sa'yo rito e," sabi niya habang umiiwas sa paghawak nito sa kanyang kamay.
"Liv, ano bang nangyayari sa'yo?" natatawa pa nitong tanong sabay huli sa dalawa niyang kamay.
"At nakuha mo pa talagang tumawa ha? I hate you, Manolo! Bitiwan mo 'ko, aalis na 'ko!"
Nang magawang makaalis ni Liv sa pagkakakapit ni Manolo ay mabilis siyang tumakbo papasok sa cottage pero mas mabilis sa kanya ang kaibigan kaya mas nauna pa ito sa kanya. Hinuli nitong muli ang kamay niya, hinatak siya papasok at mabilis nitong isinara iyon. Nang marinig niya ang pag-click ng lock, napatingin siya sa mga mata nito.
"M-Manolo, ano ba 'tong ginagawa mo? Bitiwan mo nga ako!"
"Ikaw, ano ba 'tong ginagawa mo?" balik nitong tanong sa kanya. Madilim sa loob ng cottage at kapwa sila walang maaninag kundi ang liwanag na nagmumula sa bintana.
"Aalis na 'ko ngayon. Ayoko na."
Pero sa halip na bitiwan siya ni Manolo ay lalo pa siya nitong ipininid sa pinto. Masyadong malapit ang mukha nito sa mukha niya na halos hindi na siya makahinga dahil sa sobrang kaba. Alam kaya ni Manolo ang epekto ng mga titig nito sa kanya? Alam kaya nito na kaunting-kaunti na lamang ay hindi na niya mapipigilan ang sarili at baka mahalikan na niya ito nang di oras?
"Manolo p'wede ba-"
"Shh..."
Inilapat ni Manolo ang hintuturo nito sa kanyang mga labi na lalo lamang nagpatalon sa nagri-rigodon na niyang puso. Napasandal na siya sa pinto at dahil hawak pa rin nito ang kanyang mga kamay, wala na siyang magawa kundi ang maghintay sa susunod nitong gagawin. Shit. Ano bang plano nitong gawin? Hahalikan ba 'ko nito? Shucks, hindi ako prepared!
"Ngayon, ipaliwanag mo sa akin kung ano 'yung nangyari kanina."
Umiling siya. Wala siyang dapat ipaliwanag at kung maaari lang, gusto na lang niyang kalimutan na lang ang lahat. She wasn't supposed to break down like that. Kung ano man ang mga nasabi niya, dahil 'yon sa ilang bote ng beer na nainom niya.
"Umalis ka noon dahil gusto mo 'kong iwasan? Gusto mo nang kalimutan lahat? B-bakit?"
"Hay naku...h-hindi na dapat ako sumama dito e...bakit nga ba ako sumama-sama pa rito?" nakayuko niyang bulong sa sarili pero dahil sa sobrang lapit nila sa isa't-isa ay alam niyang naririnig rin iyon ng kaibigan.
BINABASA MO ANG
Tagu-taguan ng Feelings (published under PHR) COMPLETE
RomantikRAW/UNEDITED VERSION RELEASED under Precious Hearts Romances "Kung aagawin ba kita sa kanya, magpapaagaw ka ba?"