"O, ANO'NG sagot mo?" kinikilig na tanong ni Glecy sa kanya kinabukasan.
Hindi mapigilan ni Liv na mapangiti sa tanong na iyon ng kaibigan at kailangan pa niyang takpan ang bibig para lamang pigilan ang sariling mapatili dahil sa sobrang pagkakilig. "E...w-wala."
Pinaikot ni Glecy ang mga mata. "Dapat ang isinagot mo – oh, yes, Manolo! Mag-papaagaw ako sa'yo agad-agad!"
"A-ayoko namang mag-assume," nakasimangot niyang sabi. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na niyang tinitingnan ang kanyang cellphone na nakapatong doon sa ibabaw ng kanyang mesa, na hindi naman nakaligtas sa mga mata ni Glecy.
"Ayaw mong mag-assume pero ano 'yang ginagawa mo? Buong araw ka nang nage-expect ng text at tawag niya, diba? Hindi pa ba pag-a-assume 'yan?"
Inirapan niya ito at dinampot ang cellphone para ilagay na sa loob ng bag. Totoo naman ang sinabi ni Glecy, na buong araw siyang nakaabang sa kanyang telepono sa tuwing tumutunog iyon. Bakit ba naman hindi? Pagkatapos ng naging pag-uusap nila ni Manolo kagabi ay hindi na muli sila nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap tungkol doon. Alas-singko y media na ay hindi pa rin ito nagpaparamdam, na hindi normal dahil hindi dumadaan ang isang araw nang hindi ito tumatawag o nagpapadala man lamang ng text message.
"Hay naku girl, sa halip na mapanis ka diyan habang-buhay kaka-isip, bakit hindi mo siya tanungin kung ano nga ba talaga ang score ninyong dalawa? My God, sa mga 'paasa' moves niyang gano'n, siguro naman, puwede mo nang lakasan ang loob mo na mag-inquire sa kanya about your 'relationship', ano? "
Tama. Siguro nga, mas tama na kausapin niya si Manolo tungkol sa naging usapan nila. Walang anu-ano'y tumayo na siya at binitbit ang bag. "Mauna na 'ko, Glecy. Ikaw na munang bahala rito ha."
"Teka, teka!" pahabol nitong sigaw. Nasa pinto na siya nang maabutan nito. "Saan ka pupunta?"
"Uuwi na. Pupuntahan ko si Manolo."
"At bakit?" taas-kilay nitong usisa. Hinawakan nito ang handle ng pinto para pigilan siyang buksan iyon. "Olivia, may meeting pa tayo with Mr. Frank!"
"Ikaw na rin ang may sabi na lakasan ko na ang loob ko at ako na ang magtanong tungkol sa kung ano ang mayroon kami ni Manolo, hindi ba? So, kakausapin ko siya ngayon bago pa magbago ang isip ko."
"O well, pasensiyahan na lang tayo kapag ako ang niyaya niya ni Mr. Frank na maging Valentine's date niya, ha?"
"He's all yours, Glecy," nakangiti niyang habol rito.
Simula nang maging kliyente nila si Mr. Frank Cervantes ay hindi na tumigil si Glecy ng panunukso. He's a businessman, came from a wealthy family and yeah, with good genes. Matangkad ito, guwapo, matipuno ang pangangatawan. Sabi nga ni Glecy, kung mayroong isang lalaki na gusto nitong maka-date, si Mr. Frank Cervantes iyon. 'He's a Greek God' – iyon ang eksaktong mga salita ni Glecy para ilarawan ang kanilang galanteng kliyente.
Pero wala sa mga to-do list niya ang makipag-relasyon sa mga kliyente at mayroon na siyang sariling 'Greek God' – si Manolo. At isa pa, pakiramdam niya ay mas gusto nito si Glecy kaysa sa kanya dahil makailang beses na rin siyang tinanong ni Mr. Greek God tungkol kay Glecy – mula sa kung ano ang paborito nitong pagkain hanggang sa musika'ng pinapakinggan nito.
Sa buong biyahe ni Olivia pauwi ay hindi niya maiwasang kabahan. Manolo has never been this out of reach. He's supposed to give her a call already lalo pa't pakiramdam niya ay napakarami nilang dapat pag-usapan. Pero kahit isang text message ay wala. Ni hindi nito sinasagot ang mga tawag niya.
Isang katok, dalawa, tatlo. Madilim na nang makarating siya sa bahay ni Manolo at bukas na ang mga ilaw sa loob kaya nakasigurado siyang may tao roon. Muli siyang kumatok at nang susubukan na niyang pihitin ang seradura ay bigla iyong bumukas.
BINABASA MO ANG
Tagu-taguan ng Feelings (published under PHR) COMPLETE
RomansaRAW/UNEDITED VERSION RELEASED under Precious Hearts Romances "Kung aagawin ba kita sa kanya, magpapaagaw ka ba?"