Chapter 3

2.6K 60 0
                                    

ILANG ulit nang sinabi ni Liv sa sarili na titigilan na niya ang kahibangan niya kay Manolo dahil habang tumatagal ay nababaon lang siya sa kumunoy na siya rin ang may gawa. Pero paano niya iyon gagawin kung bigla-bigla na lang siya nitong sasabihin na – "Kung gusto mo talagang mag-boyfriend, ako na lang".

Samantalang makita-kita niya ito kinabukasan na masinsinang nakikipag-usap sa ibang babae. Hay, kung hindi lang masamang manuntok, malamang ay mata na lang ni Manolo ang walang latay ngayon.

Siguro, ang kailangan niya talaga ay isang distraction – bagong hobby, dagdag oras sa trabaho, nood ng sine o basa ng mga libro. Pero sabi ni Glecy, isa lang raw ang pinakamagandang distraction sa mga ganoong pagkakataon – ibang lalaki.

"Naalala mo si Jomari?" tanong nito. "Nakita ko siya kahapon sa bookstore. Biruin mong kilala pa 'ko hanggang ngayon? At 'neng, kinukumusta ka. Tinatanong kung single ka raw ba ngayon. Ang sabi ko, you're very much available!"

Ah, si Jomari. Block mate nila ito noong freshmen sila sa kolehiyo. Cute, funny. Nanligaw ito sa kanya noon pero isang araw, bigla na lang tumigil ang lahat – ang mga bulaklak, mga texts messages, mga tawag sa telepono. She actually liked him and if he only continued pursuing her, baka ito na ang naging unang boyfriend niya.

"O ayan," bulong ni Glecy sabay abot ng isang maliit na papel sa kanya. Kailangan pa nitong palihim na iabot ang papel na iyon dahil dumating na ang huli nilang kliyente para sa araw na iyon - at sa wakas, weekend na. "Tawagan mo, i-text mo, i-email, i-Tweet, i-Facebook, kahit ano. Yayain mong magkape o kaya mag-dinner para mag-catch up."

Dahan-dahan niyang inilapag sa mesa ang piraso ng papel at pasimple itong tiningnan, habang kunwa'y nakikinig kay Mrs. Del Mundo, ang kanilang masungit na kliyente. Birthday raw ng asawa nito at gusto nito iyong sorpresahin. "H-hindi ba para namang desperada ang magiging dating ko no'n kung bigla-bigla ko siyang tatawagan? Aba, limang taon na yata kaming hindi nagkikita tapos magpaparamdam ako bigla at yayayain siyang mag-date?"

"'Yung magmukha kang desperada sa kaka-asa mo kay Manolo, okay lang, tapos ito lang na magha-hello ka sa dating kaibigan, big deal sa'yo? Sis naman, akala ko ba handa ka nang magbagong buhay, na handa ka nang ituon ang atensiyon mo sa ibang lalaki? Ayan na, o! Si Jomari ay isang napakalaking senyales na mula sa Panginoon!"

Lumabi siya. May point si Glecy. Dapat nga pala ay nagmu-move on na siya ngayon. Baka nga iyon na ang paraan ni Lord para sa wakas ay makawala na siya sa pantasya niya sa kanyang best friend na paasa. "P-pero..."

"Pero ano na naman?" nakasimangot na tanong ng kaibigan.

Natapos na't lahat ang meeting nila ay hawak pa rin ni Liv ang papel na may nakasulat na contact numbers ni Jomari. Pababa na sila noon ng shop at patungo na cafeteria para magkape. "Sabi ni Manolo...mahal raw niya ako," mahina niyang sabi.

Nanlaki ang mga mata ni Glecy. "Oh my God!"

Huminto siya sa paglalakad, ngumiti ng isang napakagandang ngiti. "I know, right? OMG talaga!"

"OMG talaga, Liv!" malakas nitong sabi sabay taas ng dalawa nitong kilay. "Ano 'yan, nag-level up na naman 'yang pag-asa mo kay Manolo dahil lang sa sinabihan ka niya na mahal ka niya? Liv, mahal ka niya, bilang kaibigan. Hindi mo pa rin ba naiintindihan ang difference between 'love' na pang-kaibigan at 'love' na may pagnanasa? Don't tell me na magpapadala ka sa 'I love you' ni Manolo na wala naman talagang ibig sabihin?"

"Pero sabi niya, kung magbo-boyfriend raw ako, siya na lang. At least raw siya, matagal ko nang kilala, and 'yun nga...mahal raw niya ako."

Iling ang nakuha niya mula kay Glecy. "Pinapaasa ka na naman niyang si Manolo at ikaw naman, aasa na naman, ganoon ba? Ganito na lang, para malaman natin kung seryoso talaga siya sa sinabi niyang iyan...I have a very good idea. Ii-invite ko si Jomari sa birthday party ko sa Margarita Ville, then make him your date. What do you think?" nakangiting sabi ni Glecy habang umo-order doon sa counter. Kasunod lang niya ito.

Tagu-taguan ng Feelings (published under PHR) COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon