Chapter 5

2.4K 63 1
                                    

MULA doon sa bintana ng kanyang kuwarto sa itaas na bahagi ng kanilang bahay ay nakita ni Olivia na pumarada ang lumang asul na kotse ni Manolo sa kabilang kalsada. Pagkatapos suklayin ang mahaba niyang buhok at tingnan ang sarili sa salamin ay napabuntung-hininga siya. Simple'ng peach summer dress ang napili niyang isuot – na sa tingin niya ay tama lamang sa okasyon – hindi masyadong kaswal, hindi rin masyadong pormal. Tumingin siya sa suot na wrist watch – alas onse ng umaga. Muli, huminga siya ng malalim.

This is it, sabi niya sa sarili. Ilang beses pa ulit siyang nag-spray ng pabango bago iyon ilagay sa loob ng kanyang shoulder bag. This is it. Ito ang huling araw ng pagiging single mo, Olivia Borromeo dahil bukas, girlfriend ka na ni Manolo Callejo.

Pinilig-pilig ni Liv ang ulo para alisin iyon sa kanyang isip. Iyon ang huling araw na aasa siyang mamahalin siya ni Manolo at bukas, magbabagong buhay na siya.

Nagmamadali siyang bumaba ng hagdan at lakad-takbo siyang lumapit doon sa nakaparadang sasakyan ni Manolo. Kinawayan pa niya ito bago naupo sa passenger seat ng kotse.

"Ready?" nakangiti nitong tanong sa kanya.

Kaswal lang rin ang suot ni Manolo na kulay puti'ng polo shirt at faded jeans. Napahugot siya ng hininga dahil sa paraan ng pagtitig nito. "Y-yep, let's go."

Habang daan ay hindi maiwasan ni Liv na paminsan-minsa'ng tingnan ang katabi. Tahimik lang ito na nakatingin sa daan na tila malalim ang iniisip. Kung sana ay nakakabasa siya ng laman ng utak ng tao, hindi na sana siya nahihirapan nang ganoon. Hindi normal kay Manolo na manahimik nang ganoon kapag magkasama sila kaya medyo nag-alala siya rito.

"Uy, ang tahimik natin, a. Sigurado kang wala kang problema?" biro niyang tanong.

Tumango si Manolo. "Wala nga, bakit ba ang kulit mo?" Ito naman ang natawa.

"E kasi nga, hindi normal sa'yo na magyaya ng ganito e. Manlilibre ka ng lunch, tapos, sine...teka, nanalo ka ba sa lotto?"

"Kung nanalo ako sa lotto, hindi lang lunch at sine ang ili-libre ko sa'yo."

"Wow, talaga ha, sige nga, ano pa?"

"Ili-libre rin kita ng dinner sa buong isang taon!"

Pagkatapos noon ay pareho silang natawa, na nagpagaan kanyang loob at nagpawala ng kanyang kaba.

Ano nga ba ang nakain ng kaibigan at niyaya siya nito na kumain sa labas? Gusto niyang isipin na iyon na nga ang simula ng panliligaw nito sa kanya. Kung bakit ba naman kasi wrong timing itong si Manolo – dahil kung kailan handa na siyang kalimutan ang kahibangan niya sa matalik na kaibigan ay tsaka pa siya nito niyaya-yaya sa isang date.

Doon sila sa paborito nilang mall nagpunta, sa isang fast food sila kumain at pagkatapos ay nanood sila ng sine. Tipikal na lakad kung tutuusin pero alam niyang kakaiba iyon sa iba nilang naging lakad.

"Thank you for the lunch, and the movie," nakangiti niyang sabi nang makauwi na sila. Nakaparada nang muli ang sasakyan nito at inihatid siya nito hanggang sa pinto ng kanilang bahay. Oo, walang kissing scene na naganap, walang bulungan. Kahit nga holding hands, wala.

"Kahit puno lahat ng fast food na puntahan natin at nakatayo tayong nanood ng sine?" natatawa nitong tanong.

"Oo naman. Enjoy naman, diba?"

Tumango si Manolo at ngumiti. "N-next time uli?"

Of course, my love. "O-oo naman," mahina niyang tugon, pilit pinipigil ang sarili na kiligin.

Medyo madilim na noon at kinakagat na sila ng mga lamok pero kapwa sila nakangiti. Hinintay niya ang susunod na sasabihin nito. Ang sabi niya sa sarili niya, kapag nagtapat ito ngayon ng nararamdaman nito para sa kanya, walang isip-isip, sasagutin niya ito, ora-mismo. Pero nanatili lang itong nakatayo sa harap niya at nakatingin.

Tagu-taguan ng Feelings (published under PHR) COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon