"Di mo na ako dapat na hinatid dito. Kaya ko naman sarili ko."
"Wala iyon sa akin. Ang putla mo, Zaida. Magpatingin ka na sa doktor."
"Wala ito. Lilipas din ito."
Sinamahan na nila Luis at Jabe sila Zaida at Alyx papunta sa kanilang condo unit. Nakaakbay si Zaida sa balikat ni Luis habang inaalalayan siya nito. Maingat niya itong inupo sa sofa.
"Zaida, ayaw mo ba talaga magpatingin?" Tanong ni Luis sa kanya.
"Ang kulit mo naman. Okay na ako," tanggi ni Zaida, na sa wakas ay nakasandal na rin sa sofa.
Tinignan ni Zaida si Alyx, na napalugok na lang. Siya lang ang nakakaalam kung bakit masama ang pakiramdam ni Zaida. Ginamit niya kasi ang mental power niya para makaiwas sa aksidente sa daan habang sila ay pauwi kanina lang.
Alam ni Alyx na kapag labis na ginamit ni Zaida ang kanyang kakayahan ay sinasama ito ng pakiramdam.
"Mauna na kami," magalang na tugon ni Jabe. "Sana maging mabuti na pakiramdam ng Ate mo." Tinignan niya si Alyx.
"Salamat sa concern," tugon ni Alyx sa kanya.
"Alagaan mo Ate mo, ah?" Paalala ni Luis kay Alyx. Sinulyapan niya si Zaida at matipid na ngumiti sa kanya.
"Thank you," bulong ni Zaida kay Luis.
Umalis na ang dalawa.
"Ate, gusto mo kumain? Kahit sopas lang or noodles," alok ni Alyx.
"Mag-init ka na lang ng sopas. Mayroon diyan sa ref. Tapos pupunta na ako sa kwarto 'pag kaya ko na," ika ni Zaida.
Ginawa ni Alyx ang kanyang sinabi. Kumain din si Zaida at buti naman ay nagbalik na rin ang kanyang sigla kahit papaano.
"Ikaw naman ang kumain ngayon," paalala ni Zaida kay Alyx.
"Mamaya na, Ate. Matulog ka muna," ngiti ni Alyx sa kanya.
Marahan na tumayo si Zaida. "Sige, punta na ako sa kwarto para makakain ka na."
"Wait, kaya mo na maglakad?" Pag-aalala ni Alyx.
"Ano ka ba, mabuti na ang pakiramdam ko. Ito naman."
Ngumiti na lang sa kanya si Zaida at tumuloy na rin ito sa kanyang kwarto.
Nakahinga na rin ng maluwag si Alyx.
Salamat naman at mabuti na ang pakiramdam niya. Alam ko natakot din siya kanina dahil sa panyayari.
Sa puntong iyon ay tinuloy na rin ni Alyx ang kanyang hapunan, kahit na solo na lang niya ang hapag-kainan.
---
Kinabukasan ay nasa kwarto lang buong araw si Zaida. Minsan ay sumisilip si Alyx para kumustahin ito. Maghapon lang ito nakahiga, pwera na lang kung kailangan niyang lumabas ng kwarto para kumain. Hinahayaan lang niya si Alyx na lumabas kung kailangan, at iyon ay para bumili ng pagkain.
"Buti okay ka na." Kausap ito ni Alyx habang naghahapunan sa dining area.
"Sabi ko sa iyo, wala ito. Masyado kang nag-aalala." Si Zaida.
"Baka pagalitan ako ni Sir Luis pag pinabayaan kita. Tinatanong nga niya ako sa Messenger kung okay ka na ba." Ngumisi si Alyx nang maalala si Luis.
"Sabihin mo sa kanya, malakas pa ako sa kalabaw." Napa-eye roll si Zaida.
"Sige, icha-chat ko iyon," tawa ni Alyx.
BINABASA MO ANG
Star Princess
FantasíaIsang kakaibang babae na napadpad sa isang kakaibang mundo -paano kaya niya haharapin ang pagsubok na ito?