11 | Sinag sa Karimlan [Maikling Kuwento]

432 11 0
                                    


Tahimik kong kinakalkal ang bundok ng basura, upang malamnan ang kumakalam kong tiyan. Talagang pahamak ang demonyong tiyan na 'to, kung kailan subsob ako sa trabaho, saka mananalasa. Nakisama pa ang alingasaw ng mga nabubulok na bagay sa paligid at singaw ng ipokritong lupa na hatid ay sakit.

Minasdan ko ang tanawing hindi na bago sa akin. Walang kwenta—bulok ang sistema, tila lamang-loob na pinaghiwa-hiwalay.

Sa kabila ba naman ng malawakang kaunlara't pagpapailanlangan ng antas ng pamumuhay sa ating kapaligiran, ay mayroon pa ring mga naghihikahos. May mga nilalang na halos hindi na maiahon ang kanilang paa sa putik ng kahirapan at sa dungis ng karimlan. Oo, katulad ko.

"Hoy Satab! Bilisan mo at tanghali na!"

Napalingon ako sa tumawag sa akin at inaninag ang kan'yang mukha. Ang matandang katiwala pala.

"Sige ho! Konting oras na lang, susunod na ako!" sigaw ko sa kan'ya at hindi na pinansin ang pag-alis nito.

Sino 'yun, 'yung kanina? S'ya ang may hawak sa akin do'n sa ampunang aking inuuwian. Wala siyang paki kung anong gawin ko—naming mga nakikitira roon. Basta babalik ka sa hapon, upang makita ng mga nagbibigay ng donasyon.

"Mga pakitang tao! Sana mamatay na lang ako ngayon," mahina kong bulong habang inalalagay sa sako ang aking mga nakolekta.

Maingat kong pinasan ang aking kalakal at tumalikod. Tumambad sa akin ang isang lalaking naka itim, mga nasa edad trenta pataas. Hindi ko alam kung saan ito nanggaling, pero kakaiba ito makatingin. Nilampasan ko ito at hindi man lang nilingon.

"Narinig ko ang iyong kahilingan," saad nito.

"Ha? Ano ho 'yun?" wika ko sa kabila nang pagtataka at agad akong napalingon.

Humarap ang lalaki at kita ko sa kan'yang mga labi ang mapait na ngiti.

"Pwede ka bang sabayan sa paglalakad pauwi sa inyo?" ani nito habang humahakbang palapit sa akin at hindi pinansin ang aking tanong.

Mukha namang kagalang-galang, kakaiba lang makatingin— misteryoso, "Pwede naman ho."

"Sa'n ka nakatira?"

"Sa Seynt Meylakanyang," tipid kong sagot. Dama ko ang init at bigat ng aking pinapasan, nakakangawit.

"Kumusta ang buhay mo rito sa mundo?"

Napatigil ako sa aking paglalakad. Seryoso ba s'ya sa kan'yang tanong? Kumusta ang buhay ko? Akala ko walang may pake sa buhay ko, ngunit heto may nag-uusisa nito. Hindi ko alam ang sagot— pero may gusto akong iparating at isatinig. Nadarama ko ang alinsangan ng init at malabsang pawis na unti-unting dumadaloy sa aking mukha. Ang buha---

"Kumusta ang buhay mo rito sa mundo?" ulit niya, na nagpatigil sa aking pagmumuni-muni.

"Ang buhay ko... simple lang. Akala ko no'ng una, madali lang makipaglaro rito sa mundo— hindi, mahirap pala. Minsan iniisip kong isang biyaya ang mamuhay rito, makamtan ang kalayaang wari'y isang ibon na ang buhay ay may bilang. Malaya ka ngunit nakatanikala ang 'yong mga paa. Hindi ka na nga makalipad binalian ka pa. Isang panaginip ang mamuhay dito— kamatayan ang tanging solusyon upang matawag kang dakilang tao," mahaba kong litanya sa kabila nang aking pagbuntunghininga.

Wala akong narinig na tugon, ngunit nadarama ko ang kan'yang prisensya sa aking tabi. Binaba ko ang kalakal sa daan at umupo upang magpahinga. Inunat ko ang aking mga braso at pinalagutok ang aking mga daliri.

"Malawak ang 'yong pananaw sa buhay, hindi ka ba natatakot sa kamatayan?" tanong pa niya sa akin na may mapaklang ngiti.

Napatitig ako sa kan'ya, saka ko lang napansin na wala siyang anino! Misteryoso— sino nga ba ang estrangherong ito? Maingat akong tumayo at pinasan muli ang aking mga kalakal. Nagsimula na akong humakbang, ngayo'y akin na siyang pinakiramdaman.

"Sino ho kayo? Anong pakay n'yo sa akin?" maingat kong tanong.

"Pano kung sabihin kong, ako si Yatib, ang sundo mo."

"Nagpapatawa ka ba?"

"Narinig ko ang 'yong kahilingan, naparito ako upang ikaw ay sunduin," wika niya at tumigil sa kan'yang paglalakad.

"Sigurado ka? Tapos na ba ang laro ko rito?"

"Sana... ngunit aking nabatid, isa ka sa mga mapalad na nakakaunawa rito sa mundo— sa bayan mo. Hindi pa tapos ang 'yong laro, dahil ikaw ang susi para sa pagbabago, Satab." Tumalikod ito at nagsimulang maglakad palayo.

"Pa'no ho 'yung kahilingan ko?"

Tumigil ito sa paglalakad at humarap sa akin na may blangkong ekspresyon.

"Kapag nabago mo ang iyong buhay pati na rin ang 'yong bayan, saka ko tutupdin ang iyong kahilingan na kamatayan. Dahil ikaw ang tanging sinag sa karimlan."

Napatulala ako nang biglang maglaho sa harapan ko ang misteryosong taga-sundo. Yatib— ikaw ba ang solusyon sa pangarap kong buhay at lipunan? O masamang panaginip na gigising upang maghatid ng kamatayan?

Bigla akong nahimasmasan nang bumukas ang tarangkahan sa aking harapan. Napansin kong nasa Seynt Meylakanyang na ako— ang aking itinuturing na Palasyo.

 © Hari Salazar  


Manunula(t)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon